Little Boy Reading (Credits: www.examiner.com)

Habang may hawak na mainit na kape sa may kalakihang mug (na ang ratio ng pagkakatimpla ay: 1/8 tbsp coffee, 2 tbsp creamer at 1 ½ tbsp sugar) nakatingin ako sa bintana ng bahay namin, nakasindi ang laptop ko pero ilang minuto na ang lumipas, nakatitig lang ako dito. Gusto kong magsulat, tamang-tama pa naman ang panahon, paggising ko ay wala ng tao sa bahay. Pumasok na ang dalawang kapatid ko, habang ang magulang ko ay nasa kanilang trabaho. Alas-siyete pa lang, pero ako na ang pinakahuling nakipagbreak sa kama sa bahay namin. Saktong wala akong trabaho ngayon, iniisip ko na magsulat ulit para may mai-post ako na bagong babasahin sa blog ko, o kaya ma-isubmit sa Definitely Filipino.

Kaso ang problema ko, matagal na kong nakatitig sa screen ng laptop ko, at ang masama nito, malinis na word sheet lang ang nakikita ko. Wala akong maisulat, meron naman kahit papaano na ideya na nasa utak ko, pero kamukha ng gitarang wala sa tono, kahit anong tipa ko sa kwerdas, parang sintunado ang tunog nito. Humigop ulit ng kape (o tama sigurong sabihin na mainit na creamer ang iniinom ko), nagbabakasakali na sa paghigop ko sa tasang naging kapiling ko na mula pa ng panahon ng pagrereview sa kolehiyo at pagbabasa ng makakapal na libro ay makaisip ako nang pwedeng isulat ngayong umaga na to. Higop ng kape, tingin sa screen. Higop ng kape, tingin sa bintana, nagsimula ng umambon. Wala pa din akong maisip.

Hanggang sa pumasok sa utak ko ang tanong kung bakit ba gusto kong nagsusulat. Na agad-agad ko namang sinagot ng kasi may nagbabasa. Nangiti ako, ako mismo biktima ng sarili kong kapilosopohan minsan. Pero nag-isip ulit ako at tinimbang kung may sapat bang solidong basehan ang sagot ko para paniwalaan o bubuhusan ko na lang yung sarili ko ng kape sa salang pangloloko ng sarili.  Meron nga yata, sapat ng dahilan na may nagbabasa kaya ako nagsusulat. Nagsimula akong magblog noong 2008, naging requirement kasi sa isang subject ko sa Graduate School ko noon ang paggawa nito. Tapos, fast forward na nga, at sa kasalukuyang panahon, isa ng napakalaking parte ng buhay ko ang pagsusulat. Sa wakas, nakaisip din ako ng isusulat, bakit di ako magsulat tungkol sa pagbabasa at nagbabasa?

Sa isusulat ko ngayon, hindi ako ang bida, kundi kayo na magbabasa. Sa haba ng taon na nagsusulat ako at may nababasang komento, ilan sa mga nagbabasa ng blogs (o pwede din sigurong libro) pwede kong igrupo sa mga sumusunod:  

1. Mga Sponge – sila yung tipo na kayang i-absorb lahat ng nababasa nila. Karaniwan sila ang pinakamatagal humawak ng libro o maglagi sa blogpage ng isang tao. Di sila kuntento ng binabasa lang, gusto nila, naiintidihan ang bawat salita at punto na binibitawan sa hawak nilang libro o binabasang artikulo.  Kadalasan, habang binabasa nila ito, sinusubukan na nilang pakiramdaman ang sarili nila kung tama nga ba ito o hindi, kaya sila yung makikita mong tatawa, ngingiti o tatango habang may binabasa. Minsan sila din yung wagas kung maka “weh?”, “di nga?”, “hindi din” at “ows” sa binabasa.

2. Mga Tipaklong – sila naman yung patalon-talon. Mainipin sila lalo na kung walang gaanong nangyayari sa istoryang binabasa o walang gaanong substance at evidence yung part ng article. Paniniwala kasi nila, sapat ng mabasa ang ilang mahahalagang parte ng isang sulatin para maintindihan ang kabuan nito. Marami naman sa atin ganyan, aminin man natin o hindi, sa pelikula nga lang na pinapanood natin, di pa man gitna, may ending ng nabubuo sa utak natin. Di naman natin masisisi ang sarili natin, sa dami nga naman ng napanood at nabasa ng tao, siguro minsan, talagang di maiwasan kahit di sinasadya, may nauulit.

3. Title-holders – mga readers na di talaga nabiyayaan ng ganang magbasa (tinawag pang reader hano?), dahil sa kanila, sapat ng mabasa ang title para maintindihan ang nilalaman ng articles. Kung sisipag-sipagin naman, babasahin siguro yung introduction, tapos ang masaklap na parte, magbibigay ng mga mapanuring comment na maaring angkop sa title ng post o libro, pero sobrang layo sa kabuan ng post. Madalas mangyari yan sa akin, kasi usually humahanap ako ng title na catchy, tuloy karamihan, nahuhuli nga ng title, kaso hanggang title lang ang binabasa, masabi lang na nakacomment at kunyari ay nabasa na ang laman, kaya ayun, sa mata ng mga nagbabasa talaga, amag ang labas nila.

4. Silent readers – sila yung mga tipikal na nagbabasa pero tamang basa lang. Wala silang comment o reaction, di rin sila pala-share ng binabasa. Sila yung mag-like na siguro ang pinaka-“the best” na kayang gawin para sa isang babasahin na naghatid sa kanila ng saya. Maaring talagang shy-type lang sila o baka naman sikat na tao kaya takot na sa atensyon ng madla. Kung libro naman, sila yung wala kang maririnig na reaksyon o kahit maikling review feedback sa librong binasa nila, basta sila, nakaraos magbasa.

5. Beep once – mga taong tipong tuwing pay day lang nagbabasa, o kung medyo mas magiging busy, tuwing bilog lang ang buwan. Sila yung tinatawag na maisipan. Kung may panahon, magbabasa, hahanap ng blogs o bibili ng libro, pero hindi kasama sa activitites of daily living nila ang pagbabasa ng bagong kwento o artikulo. Tipong kung makabasa, ok, kung hindi naman ok lang din. Marahil busy silang tao at mas madaming higit na kailangang bigyan ng atensyon kaysa sa pagbabasa.

6. Suki – the “die-hard readers”. Mga tipong kumpleto ng koleksyon ng isang author, o mula sa simula ng post ng blogger eh napindot niya ang “like”at “share” button, o nakapgbigay ng malupit na relevant na comment. Mga tinatawag na avid readers, ganitong mga klaseng magbabasa ang masarap na i-welcome sa mga blogsite (with matching cute cheerleader at confetti na galing sa ginupit na balat ng Piatos at Nova). Sila ang mga masarap handugan ng mga pinaghirapan librong nagpatulo ng pawis, sipon, luha at cerebrospinal fluid sa mga authors. San kaya sila naglalagi? Mahunting. (oo, tama iniisip nyo, aalukin ko kayong libro kahit magmakaawa pa ako… parang –awa mo na! please…? ^_^).

7. Vice Blogger – sila yung kulang na lang eh palitan yung pangalan ng blog mo ng “Akin-na-to-ngayon” blog. Mga tipong magbibigay ng comment pero mahaba pa yata sa binasa niyang article ang isusulat. Tipong sequel yata nun binasa niya sa taas. Madalas eh papangunahan pa ang kwento o directions at flow ng blog mo. Ayos lang naman yung tamang hunch ng mangyayari sa hinaharap, it will make you an intelligent reader dahil kayang mong magdeduct ng mga nangyayari, pero kung naman gusto mo ng palitan yung writer sa tindi ng makabagbag (ano ba meaning ng word na ito? Seryoso?) damdaming talambuhay ng puso at pag-ibig mo, ikaw na ikaw nga ito.

8. Critics – mga reader na akala yata ay judge sila ng essay writing competetion. Sobrang higpit sa mga typo-errors at papansinin lahat ng linguistic aspect ng article mula sa grammatically correct sentence construction, use of expanded lexical resources at proper diction (hala? Nasama pronunciation?). Pero meron naman na constructive, at aaminin ko naman na mayroon talagang criticism na kinapulutan ko din ng improvement. Yun nga lang, meron talagang kaya magpalaki ng butas ng ilong pag nabasa, anyway, in a world of diversity, you can never, ever, please everybody.

9. Epaloids – mga tamang papansin na reader. Tipong maglalagay nga ng comment pero ang ilalagay ay, “like this o may sampung mamatay sa bahay nyo” (sampu? sampung kuko), o pa-like naman po ng page na ito “Kapisanan ng mga taong Dilat ang Mata kapag Tulog”. Minsan naman, spam, o kaya eh yung “Who view your profile in FB”. Information dissemination hindi ito totoo, dahil ng sinulat ko ito ang valid statement ng FB ay:

Can I know who’s viewing my profile (timeline) or how often it’s being viewed?

No, Facebook does not provide a functionality that enables you to track who is viewing your profile (timeline), or parts of your profile (timeline), such as your photos. Third party applications also cannot provide this functionality. Applications that claim to give you this ability will be removed from Facebook for violating policy. You can report applications that provide untrustworthy experiences.

(http://www.facebook.com/help/?page=155213171210518)

10. Tamang Trip – at panghuli, ang majority yata ng reader ng blogger at books, mga taong tamang trip lang. Ibig sabihin, mga taong gusto matuwa, malungkot, matuto o makisangkot sa social issues. Mga tao na gustong palawakin ang self awareness nila sa current social issues and current events, ang mga tipikal na “Netizens”. Magbigay ng opinyon at makabasa ng opinyon galing sa ibang tao. Magbigay ng komento upang magpaliwanag at magshare ng alam nilang karapat-dapat makaabot sa karamihang magbabasa. Mga taong sakto ang timpla. (Nescafe Classic? Ano’ng taste mo? ^_^)

Hindi biro ang magsulat, may oras na halos makiusap na ko sa lapis na gumalaw mag-isa o di kaya ay pwersahin ko ang keyboard ko na pumindot ng kusa niya. Pero sa kabila ng lahat, gusto ko pa ding magsulat, dahil may gusto pa ding magbasa. Hindi naman daw nauubos ang kagustuhan ng tao na matuto, ang urge na may malamang bago, ang curiousity sa hindi niya maunawaan, pero ang kaso, nagmamadali na kasi ang mundo, kaya sumasabay ang tao. May ilang bilang pa naman din ng nagbabasa, pero mas madami ang pipiliing maglaro ng computer games o di kaya ay magkutkot ng kuko kaysa gawin ito. Sa dami ng laro sa internet, o sa dami ng application sa social media, mukhang nagiging extinct na nga yata ang anak ni Juan na mahilig magbasa. Sana lang marealize mo, na sa mundong necessity na ang internet, kasalanan mo na kung mananatili kang bobo.

Ikaw, anong klaseng blog reader ka kaya?

(Author’s Note: This is actually a part of a book proposal that I drafted, kunbaga free taste na yan sa makikita sa parating na book. Salamat sa pagbabasa. ^_^).