Book Heart (Credits: http://1.bp.blogspot.com)

Sa pag-abang at pagsubaybay ko sa mga kwentong pag-ibig ni Iceburn, ay nagkaroon ako ng idea kung ano ang susunod kung titulo para sa susunod kong kwento ng pag-ibig. Ewan ko, di ko masabi, di ko rin maamin sa sarili ko. Hindi ko rin alam kung pag-ibig nga na matatawag ito. Pero gusto ko s’ya. Gusto ko s’yang kasama, gusto ko siyang nakikita, gusto ko siyang nakakausap. Iba ang pakiramdam ko kapag kasama ko siya. Ramdam ko na safe ako sa kanya. Alam ko na harmless siya, (hahahaha). Pero yun ang pakiramdam ko sa kanya. May kilig factor na gumagapang sa katawan ko kapag sinasabi n’ya sa akin na “I love you”. Tagos sa puso ko.  Sino siya?

Siya si Lee….ang lee-him kong pag-ibig.

Matagal na kaming magkakilala ni Lee. Minsan nakakasalubong ko pa sa kalye, at noon ay bumibili pa sa mga tinda kong meryenda. Suplado pa ang tingin ko sa kanya noon kasi laging kunot ang noo at hindi pala-ngiti.  Lumipas ang mga araw, buwan at taon na hindi kami nagpapansinan.  Hanggang sa nagtagpo kame sa facebook, at di ko akalain na sa facebook ay magkakalapit ang loob namin. Adik ako sa larong Zuma noon sa facebook. High scorer lagi at top 3 ako madalas sa players’ score. Natapos ko na nga ang Level 80.

Matagal ko na rin siyang friend sa facebook. Hindi ko lang mawari kong ako ba o sya ang nag request to add.  At sa di inaasahang pagkakataon ay nakipagchat si Lee sa akin. Hinamon ako na maglaro ng Zuma.  Pataasan  daw ng score. Siyempre oo naman agad ako dahil sanay ako sa laro. At nagpustahan pa kami na ang matatalo ay maglilibre ng merienda. Confident ako na matatalo ko siya dahil alam kong di sya nakaka-iskor ng mataas sa Zuma. (hahahaha) At nangyari nga ang lahat, natalo ko sya.

At habang nag-uusap kami ay parang may nag-uudyok sa akin na kilalanin ko sya at kaibiganin. Hindi naman naging mahirap para sa aming dalawa ang pagkilala sa isa’t isa. Parang nahihiya pa daw siya sa akin at baka di ko daw siya kausapin sa Facebook.  Ilang beses na daw siyang nagnanais na makachat ako pero natatakot lang daw siya na baka i-reject ko sya. Gusto daw niyang makipagkaibigan sa akin at hindi ko naman ipinagdamot sa kanya iyon.

Masarap at masaya siyang kausap dahil mabiro at maloko, pero mabait siyang anak sa kanyang mga magulang. Hindi lang sa chat natapos ang pag-uusap namin. Nagpalitan kami ng aming mga numero sa cellphone.  Nagtext minsan at di pa siya nakuntento ay tinawagan pa ako kinagabihan. Nakahiga na ako noon, nanonood ng tv at nagpapaantok nang tumawag siya.  Sabi ko nga, bakit pa siya napatawag eh magkatext naman kami kanina lang. Wala lang daw, gusto lang daw niya marinig ang boses at tawa ko. Sweet  naman niya, sa isip-isip ko.  Napansin ko na medyo nahihiya siyang makipag-usap sa akin.

January 15, naganap ang pustahang pinag-usapan namin. Actually hindi nga merienda eh, almusal na para sa akin yun.  Araw ng Linggo, at usapan namin na magkita kami pagkatapos kong magsimba. Sa isang malapit na kainan na malapit lang sa simbahan kami kumain. Sa umpisa para kaming ilang  sa isa’t isa. Nagkakahiyaan at bihira magtinginan. Kasi nga, noon lang kami talaga nagkasama.  Kakaibang experience ito para sa akin. Pero masarap sa pakiramdam.  Mula noon, lagi na kaming magkatext o magka-usap sa phone. Walang araw o oras na hindi kami magkatext ni Lee. Sa pagtetext namin, unti -unti naming nakilala ang isa’t isa. Masaya at masarap siyang kausap. Maloko rin, mahilig magbiro at kahit corny ang mga jokes, natatawa ako sa kanya.

Unang bagay na nalaman ko sa kanya dahil inamin nya sa akin, matagal na daw niya akong crush. Natawa nga ako, naitanong ko kung bakit. Kesyo nagagandahan daw siya sa akin at iba daw ang dating ko sa kanya. Simple pero rock . Isang ngiti ko lang daw sa kanya, para na daw siyang ice cream na nakabilad sa ilalim ng araw, madaling nalulusaw. (May ganun?!)  At ikinatatakot niya na baka magalit ako sa sinabi niya. Hindi naman kako masama yan, crush lang naman, at lahat ng tao, nararanasan sa buhay ang magkaroon ng crush. Kahit ako nga eh madaming crush, yun ang sabi ko sa kanya.  Pero lihim akong  kinilig at natuwa sa sinabi nya.  Kasi sino ba  naman ako para maging crush nya?

Maraming bagay kaming napagkukwentuhan sa araw-araw na pagtetext namin. Andiyan yung mag asaran kami, magbiruan, magkulitan sa text, o kaya magsabihan ng problema at madalas ako ang nagsasabi sa kanya ng mga problema ko at lagi naman syang handang makinig sa akin. Nag-aaway din kami sa text, may time na di kami nagkakaintindihan.  Ayoko siyang makausap pero gusto ko naman siyang makita kahit saglit lang para malaman na okey lang siya. Ewan ko kung bakit ganun ang nararamdaman ko pero ayaw ko munang bigyan ng ibang kahulugan. Pinabayaan ko lang muna.

Everytime na darating ang ika-14 ng bawat buwan ay nagbabatian kami ng “Happy monthsary  my friend”.  Kasi January 14 nagsimula ang pagiging magkaibigan namin.

Ang pangalawang bagay na nalaman ko tungkol sa kanya, papa nya nagbuking sa akin nito, (hehehe)  ay attracted sya sa mas ahead sa kanya ng edad. Although, nagkakaroon din sya ng mga crushes na kaedad niya,  mas na-aattract daw siya sa mas matanda sa kanya. Nasabi nga niya sa akin ang mga celebrities na  crush nya  ay sila Carmina Villaruel, Jean Garcia, at Alice Dixson.

At minsan na rin daw syang nakipag date sa isang byuda (hahaha) byuda pa talaga!  At hindi lang simpleng date yun,(alam nyo na ibig kong sabihin….hahahaha)

Minsan lumalabas din kami, kapag naluluwas ako sa Manila kung  may aasikasuhing ibang bagay ay nagkikita kami. Sa Manila kasi ang work nya.  Pero taga  rito siya sa bayan namin.  Yun na din ang bonding time namin bilang magkaibigan. Pupunta kami sa isang mall, kakain at mag iikot ikot doon. Kapag napagod sa paglalakad, mauupo at magkukwentuhan.  At kapag oras na nang aking pag-uwi ay ihahatid niya ako sa terminal ng bus para makasakay.  At hindi siya aalis hanggang di umaalis ang bus na sinakyan ko pabalik sa aking bayan. Ganun lagi ang routine namin kapag magkikita kami.

Di nagtagal, ang pangatlong bagay na nalaman ko ay nahuhulog na daw ang loob nya sa akin. Gusto na daw nya ako at tila umiibig na diaw sya sa akin. Tanong ko, bakit ako?

“Dahil   iba ka sa lahat ng nakilala ko.” Iba raw ang katangian ko sa ibang babae.

Sagot ko sa kanya,“talagang iba ako! nag-iisa lang kaya ako!”  Para bang ice cream, LIMITED EDITION !!!

Sabi ko sa kanya, “kung anuman yang nararamdaman mo para sa akin, di ko kayang pantayan. Alam mo naman napakakomplikado ng sitwasyon ko. Hanggang kaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay sa iyo.”

Alam ko yon, at tanggap ko. Basta masaya ako sa nararamdaman ko sa’yo. Sa’yo lang ako nagkaganito na husto”, yun ang sabi nya. At masaya rin ako sa sinabi nyang yon.  Sino ba naman ang mag aakala na may ibang tao pang magmamahal sa akin sa kabila ng kalagayan ko.

Walang nabago sa pagkakaibigan namin nagtetext, nagtatawagan at may mga araw na nag-aaway at di nag-uusap. At kapag di kami nag-uusap, namimiss ko siya. Lagi akong nakaabang sa cellphone ko kung may text ba siya o message sa Facebook. Nasanay kasi ako na sa pagdilat pa lang ng mata ko ay text na niya ang mababasa ko.  Ganun pala kapag nasanay ka na, hinahanap hanap mo. Para bang di kumpleto ang umaga ko o sabihin na nating ang buong araw  ko kapag wala siyang text sa akin kahit isa lang.

Kapag magkasama kami masaya ako. Iba ang nararamdaman ko.  Gusto ko yung mga kilos niya na hinahawakan nya ako sa kamay,  kinakabig niya ako sa tabi para di masanggi ng sasakyan sa paglalakad namin, o kaya aakbayan niya ako sa bewang ko kapag naglalakad o bumababa ng escalator  sa mall. At kapag tinitingnan niya ako, ay hindi ako mapakali, naiilang kasi ako na nakatitig siya sa akin. Basta! Very gentle and sweet siya sa akin. At  lagi kong hinahanap yun kapag wala siya sa tabi ko. Nakakamiss ang mga kulitan at harutan namin. Madalas kinukurot ko siya o sinusuntok. Medyo malapad kasi ang katawan ko noon. At lagi niyang sinasabi na cute daw sya. “OO, cute yun taba mo ! “ at yun ang madalas kong isagot sa kanya (hahahaha).  Masaya daw siya kapag nakakasama niya ako.  Ako daw ang naglalagay ng ngiti sa kanyang mga labi.

Pero napaisip ako minsan, hindi dapat!   Hindi  tama itong maramdaman ko ngayon. Hindi tama ang nararamdaman ko para kay Lee. Kung anuman ito, dapat putulin ko na. Mali ang pagkakataon na mahalin ko sya ngayon.  Ginawa ko ang iwasan sya. Gumawa ako ng away para lang mag-away kami at hindi na magtext pa. Pero sumasama ang loob nya. At nalulungkot rin ako na baka kung ano ang maisipang gawin eh mas lalong malaking gulo pa.  Naalala ko tuloy noon na minsan may nangligaw sa akin. Kasama ko sa choir. Binasted ko siya kasi wala akong nararamdaman para sa kanya. At kapag kaibigan ko ay kaibigan ko talaga at hindi talaga ako nagpapaligaw. Kung tropa, tropa tayo, walang ligawan. Ganun ang patakaran ko noon. Dahil basted siya, ginawa niyang maglasing at kinumpronta niya ako sa church namin nung time na nagpapractice kami. Natakot ako na baka kung ano ang maisipan niyang gawin dahil sa kalasingan niya. Nagwawala siya doon at salita nang salita. Sa sobrang kalasingan nga niya ay nagawa pa niyang magsuka sa loob ng church. Nakakahiya syempre yung pangyayari.  At ayokong maulit pa yun.

Kapag nag-uusap kami nang masinsinan ni Lee, lagi kong pinapaalala sa kanya na hindi tama at mali ang nararamdaman niya para sa akin. Alam ko na nararamdaman din nya kung ano ang feelings ko para sa kanya, pero hanggang magagawa kong wag ipahalata sa kanya ay iniiwasan ko. At hindi ko rin inaamin na unti – unting nahuhulog ang loob ko sa kanya.  Pag-ibig na nga bang matatawag yun, kapag hinahanap mo ang mga bagay na nakasanayan mong gawin kasama siya? Nag-aalala ka sa kanya? Gusto mo lagi mo siyang nakikita at nakakausap? Hangga’t maaari ay ayaw mo nang umalis sa tabi at tingnan na lang ang mukha nya?  Natatawa na lang ako kapag naiisip ko ang mga ganyan bagay.  Hindi na kasi bagay sa akin.  At isa pa, pareho lang kaming masasaktan kapag dumating ang panahon na kailangan na naming maghiwalay.  Ini”LEE”him ko na lang ito sa aking sarili.

Lee pakatandaan mo….

“Napamahal ka na sa akin, naging espesyal, mahalagang tao na nagkaroon ng parte sa puso ko. Bawal man itong nararamdaman natin, salamat pa rin. Dahil nariyan ka bilang kaibigan ko. Tanggapin natin na kahit kailanman ay hindi pwedeng maging tayo. Alam mo ang mga dahilan ko at alam kong nauunawaan mo ako. Dahil sa’yo naramdaman ko ang umibig muli, kaya nga lang, sa maling pagkakataon. ”

Ngayong wala na ako ,abot tanaw kita sa kinaroroonan ko. Hihintayin kita dito. At muli  nating ibalik ang nakaraan at pagsaluhan ang  naudlot  na  pagmamahalan. Paalam Lee.

KIM