Lonely woman (Photo credit: akularrahati.blogspot.com)

Lonely woman (Photo credit: akularrahati.blogspot.com)

Ang pag-ibig kung minsan ay mahirap maintindihan. Gagamitin ang puso mo, paiibigin ka. Kapag nahulog ka na ng sobra-sobra, saka ka naman pahihirapan. Bakit ganun, bakit nagagawa nitong paglaruan ang puso mo? Nagmamahal ka naman ng totoo. Bakit kung kailan naging makulay na ang mundo mo at naging matamis na ang dating matabang na buhay mo, saka naman darating ang panahon na masasaktan ka ng todo? Ganito ba talaga ang tadhana, sadyang mapagbiro?

Tama nga na sa loob ng isang minuto lang ay posibleng magkakagusto ka na sa isang tao. At sa loob ng isang oras, posibleng mahalin mo na siya. Pero kapag dumating ang araw na magkakahiwalay kayo, hindi magkakasya ang habang-buhay mo para makalimutan ang taong ito. Maaaring ang pag-ibig na namamagitan sa inyo noon ay mawawala at makakalimutan mo. Pero siya na minsan ay naging bahagi ng buhay mo, mahirap kalimutan kahit pa anong gawin mo.

Kung mayroong pagmamahalan, mayroong ding sakit. Kung mayroong tamis, mayroon ding pait. Halos lahat ng bagay dito sa mundo ay nasisira, lalo na kung hindi mo ito iniingatan. At kabilang na dyan ang puso mo. Ang puso mo kapag nasasaktan, madalas sabihin ng mga kaibigan mo “mag-move-on ka na.” Madali lang ihakbang ang mga paa mo, para makaalis ka sa kinaroroonan mo. Ang mahirap gawin ay ang kalimutan ang isang tao na minsan naging bahagi ng buhay mo. Madaling sabihin pero mahirap gawin, sabi nga ng iba. Kahit ikaw, sasabihin mo din yan sa kaibigan mo, pero kapag ikaw na ang nasa sitwasyon, doon mo malalaman at masasabing, “ang hirap pala.”

Kay hirap din kumbinsihin ang isipan mo na huwag mo nang mahalin ang isang tao, lalo na kung may pagmamahal pa ring nararamdaman ang puso mo para sa kanya. Ang hirap magkunwari na okay ka lang, na hindi ka nasasaktan. Makikita at makikita pa rin sa’yong mga mata ang tunay mong nararamdaman. Ang kalimutan siya ay tulad ng pagsisid mo sa dagat o sa ilog ng matagal. Kahit anong mangyari, kailangan mo pa rin umahon para huminga.  Sabi nga nila para ka lang namumuhay sa loob ng isang kahon na walang hangin at liwanag.

Ang mga ala-ala, matamis man o mapait ay mananatili sa inyong mga puso at isipan. Darating at darating ang araw na maalala nyo pa rin ang mga masasayang sandali na pinagsaluhan ninyo ng matagal noong kayo pa ay nagmamahalan. Masarap balikan ang mga alala na iyan, napapangiti ka pero biglang napapaluha dahil mahirap harapin at tanggapin ang katotohanan na ito ay mga ala-ala na lang dahil may kanya-kanya na kayong buhay ngayon.

Minsan natatagpuan mo na lang ang sarili mo sa isang sulok. Natutulala, minsan naman nag-iisip at nagtatanong. Bakit kailangan mo pa siyang makilala kung hindi lang naman siya ang taong nakatakda para sa’yo. Bakit kailangang umibig ka pa sa kanya kung hindi lang din naman magtatagal ang pagmamahalan ninyo. Minsan sinisisi mo ang ibang tao, minsan naman sinisisi mo ang sarili mo. Hanggang sa wala ka nang ibang magawa kundi umiyak na lang nang umiyak. Dahil masakit tanggapin na ang pusong mong dati ay buo at masaya, ngayon ay malungkot at durog-durog na.

May mga pagkakataon na gusto mong balikan ang iyong pagkabata. Kung saan mas madaling gamutin ang gasgas sa tuhod mo kaysa sugat sa iyong puso. Pero hindi sana natin kakalimutan na ang Diyos ay mas malapit sa mga taong sugatan ang puso. Huwag mong panghinayangan ang bagay na nabitawan mo. Dahil kung ito ang nakatakdang mangyari, kahit pa gaano kahigpit ang pagkakahawak mo, mabibitawan mo pa rin talaga ito. Huwag kang magmadali. Wala namang mabuti para sa’yo na lalayo. Naririyan lang yan. Naghihintay ng tamang oras, lugar at pagkakataon para mapa sa’yo. Ganyan talaga, parte ng pag-ibig ang pagpapalaya.

Ang akala ng iba, makikita ang katatagan mo kapag nanatili at lumalaban ka. Pero minsan, ang katatagan mo ay nakikita kapag kaya mong magpalaya. Kung hindi umubra ang nararamdaman mo para sa isang tao, maaaring may taong mas karapat-dapat sa nararamdaman mo na iyon. Kung hindi mo kayang iligtas ang relationship nyo. Iligtas mo na lang ang friendship ninyo. Huwag kang maging malungkot  na kayo ay tapos na. Magpasalamat ka na lang na minsan naging iyo ang puso niya. Kahit gaano ka pa katalino, pagdating sa pag-ibig, isa ka pa ring bobo. Kahit na alam mo nang mali, kahit na alam mo nang wala na, sige ka pa rin nang sige, asa ka pa rin nang asa. Ang nangyayari, mas lalo ka lang nahihirapan. Mas lalo ka lang nasasaktan. Dahil pinapaniwala mo ang sarili mo na magiging malinaw pa rin ang lahat kahit na napakalabo na.

Kapag nagmahal ka kasi, huwag mo ibigay lahat. Magtira ka ng para sa sarili mo. Para kung hindi man kayo para sa isat-isa, siya lang ang mawawala mo, hindi mawawala pati ang sarili mo. Sa mga pinagdadaanan mo ngayon, sana matuto ka na. Sana matutunan mo na ding mahalin ang sarili mo. Dahil kailangan mo din yan, kailangan din ng sarili mo ang pagmamahal mo. Paano mo masasabing mahal mo siya, kung sarili mo mismo ay hindi mo kayang mahalin?

Umiyak ka lang nang umiyak ngayon. Ilabas mo na lahat ng sama ng loob mo. At para mawala ang sakit na nararamdaman mo, kailangan mong kalimutan ang pag-ibig na nagbibigay sa’yo ng lungkot at sakit ngayon. Kailangan mong makaalis sa kinaroroonan mo. Pero hindi mangyayari yan kung hindi mo ihahakbang ang mga paa mo. Maging matatag ka lang lagi. Huwag kang mag-alala, lilipas din ang sakit na nararamdaman mo.

Lagi mo lang tatandaan na ang pag-ibig ay hindi lang ipinaglalaban. Minsan isinusuko din, kung kinakailangan.