Abortion (http://wholeworldinhishands.com)

Pitong buntis ang nasa labor room. Apat sa kanila unang beses manganganak, habang dalawa ang nasa delivery room.  Nag-ring ang telepono at isang balita na may papadating daw na tatlo pang buntis galing sa ER, leaking BOW (sumabog ang panubigan) yung nanay, kaya kailangang mabilisan na maidala sa Delivery Room. Malapit nang mag-alas-dos ng madaling araw noon, pero parang walang bahid ng antok sa bawat isa sa amin. Buhay nurse nga naman, ano pa kayang mas lalala sa madaling araw na ito?

Hanggang nasagot yata ang iniisip ko. Maya-maya, pasigaw kong narinig ang boses ng instructor namin, malutong pa sa kakaluto na chicharon ang paraan nang pagtawag nya habang hinihiyaw ang aking pangalan. Dali-dali akong lumapit sa kanya, baka kasi magtransform siya at maging mini-anaconda at sakmalin ng buo ang inaamag kong utak.

“May dadating dito na bleeder daw ha. Ikaw i-assign ko doon, gusto ko ikaw ang magmonitor dun. Pakikuha yung history, at tatanungin kita mamaya. Naiintindihan? Naintindihan mo ba?”

 

Nakamahigit sampung tango yata ako, notorious talaga yung instructor namin na yun, kababaeng tao daig pa si Sadam Hussein kung makapangterorrize. Naghintay na ko sa may pinto, sa dami ng i-aassign sa toxic na patient, ako pa, ako pa na walang hinangad kundi ang payapang buhay ang tinoka niya. Di na ko nagreklamo, kailangan kong malaman ang history ng pasyente, kung bakit siya dinugo, ilang oras na dinudugo at ilang bagay na may kinalaman sa naging dahilan ng pagkakadala niya sa hospital. Parte ng training namin bilang nurse ang matutong kumuha ng impormasyon sa bawat taong makakasalamuha namin sa ospital, kung paano makikitungo at paano makikipag-usap.

Maya-maya dumating na nga yun iniintay ko, sigurado ako na siya na yung nakahiga sa ipapasok na stretcher.  Nauna na kasing dumating yung mga buntis na itinawag ng ER, medyo naiinip na nga ako, ang mga kasama ko sa grupo eh nakakita na ng aksyon, habang ako ay nag-iintay sa bungad ng delivery room. Humahangos ang may dala ng strecher, nakita ko na kasunod ang isang lalaki marahil ay kaedad ko lang at isang babae na medyo may katabaan at medyo may edad na.

Dali-daling ipinasok ang pasyente, habang binilinan ko na mag-intay ang mga kasama niya sa labas. Kitang-kita ko ang panglulumo sa mukha ng kasama niyang lalaki, alam mo yung itsura ng tao na parang nanalo sa lotto pero di makita yung ticket nya, parang ganun ang nakikita sa mukha niya. Umupo siya sa gilid habang tinulak ko ang strecher sa loob.

Nang makarating kami sa loob ng DR, nalaman ko na puno pala lahat ang kwarto, apat na buntis ang sabay-sabay na nanganganak. Halos magmakaawa nga ako sa isang kaklase para bantayan sandali ang pasyente ko dahil pupuntahan ko ang instructor ko para sabihin na dumating na yung bleeder namin. Nung makita ko yung instructor, sinabi nya na imonitor ko muna. Pagbalik, dali-dali kong inayos ang regulaation ng swero, inayos ang posisyon niya na mas mababa ang ulo kaysa paa. Sinimulan ko siyang kuhanan ng vital signs. Kinakausap ko siya, pagtango lang ang isinasagot niya, mukha siyang hinang-hina pero nakagising naman. Noon ko siya napagmasdan ng husto, sobrang bata pa pala niya, sa tingin ko ay dose o katorse anyos lang.

“Kuya, ooperahan na ba ako?”

“Sandali lang, wala pa yung doktor, higa ka lang dito, kukuhanan lang kita ng blood pressure ha?” (Tumango siya)

“Masakit ba yun kuya?”

 

Natahimik ako at di agad nakasagot, sa isip ko nabubuo na ang kwento kung bakit siya napadpad sa parte na ito ng ospital. Pero kailangan ko siyang sagutin.

“Relax ka lang muna, malapit nang dumating si Doc.”

 

Maya-maya dumating na nga ang doktor, natapos ko nang gawin ang inutos sa akin, at nasagot ko naman ang ilang impormasyon na itinanong ng doktor. Hanggang sa nautusan ako na may ipabili sa bantay. Dali-dali akong naglakad malapit sa pinto ng delivery room upang ipaabot sa bantay nya ang gustong ipabili ng doktor. Dali-dali na sumunod yung babae na medyo may katabaan, yung lalaki nanatiling nakayukyok malapit sa may pinto ng delivery room. Naisip ko na kausapin ang lalaki, dahil sa tingin ko sa kanya, anumang oras ay mawawalan na siya ng malay, marahil sa pagod, sa pag-aalala, o baka sa takot.

“Ayos ka lang tol?”

Nag-angat siya ng mukha, di siya ngumiti pero di din naman nakasimangot. Larawan yung mukha niya ng taong naghahanap ng tulong. Medyo kumisot yung nguso niya, sa pagkakataon na yun, naisip ko na siguro kailangan nga niya ng kausap.

“Ano ba’ng nangyari?”

 

Hindi siya agad nakasagot, inaasahan ko naman yun. Alam ko na yun ang tanong na pinakaayaw niyang marinig pero ang sagot sa tanong na yun pinakagusto niyang mahugot mula sa dibdib niya.

“Nalaglag siya sa hagdan eh.”

 

“Ganun ba? Ilang buwan na?” Muli siyang natigilan, muling nanimbang kung sasagutin ba niya yung tanong ko. Marahil punong-puno ang isip niya ng pagdududa sa kung ano na ang nangyayari.

“Tatlo na.”

 

“Ano ka ba niya?”

 

“Pinsan, tita namin yung babae”

 

“Ah.” Tumango ako, pero sa isip ko may ilang bahagi ang di makapaniwala. Di ko pa alam ang buong kwento, pero malinaw sa akin na hindi ito basta-basta kwento ng isang babaeng buntis na nakunan. Dumating na yung babae na dala ang pinabili ng doktor. Nagmamadali akong bumalik sa loob ng delivery room. Sumenyas pa ako sa lalaking nakausap ko sa pamamagitan ng pagtango, na sinagot din nya ng tango. Pagbalik ko sa loob, nakita ko na nakasalang na sa DR table yung pasyente ko. Muli inutusan ako ng doktor na magpahanap sa bantay ng tatlong bag ng Type O negative na dugo. Dali-dali kong sinabi yun sa dalawang bantay, at ewan kung masyado akong naging mapag-obserba, pero literal na nakita ko na halos sabay pumatak ang luha ng babaeng may edad at yung lalaking kausap ko kanina.

“Anong gagawin natin?!” may diin na sabi ng may edad na babae sa lalaki. Tumalikod na ako, ayaw ko namang isipin nila na lahat ng usapan nila ay gusto kong pakinggan.

Pagbalik sa delivery room, tinawag ako ng instructor para mag-assist sa OB-Gyne, at ayon sa obserbasyon ko sa mga gamit na nakaharap sa amin, at sa direktang pagsasabi ng doktor, hindi nga aksidente ang nangyari kundi isang aborsyon. Isang madumi at di-ligtas na aborsyon. Nagsimulang kausapin ng doktor ang batang babae.

“Ano ba talagang nangyari sa’yo Ine?”

 

“Nahulog po sa hagdan”

 

“Nahulog ka sa hagdan? Alam mo bang buntis ka?”

 

“Hindi po.”

 

“Imposibleng di mo alam, tantya ko dalawa o tatlong buwan ka ng buntis.”

 

Tumahimik yung babae, hinang-hina na siya.

“Ilang taon ka na ba?”

 

“Katorse po.”

 

“Nagpalaglag ka?”

 

“Hindi po, nahulog po ako sa hagdan.”

 

“Pate, wag ka ng magsinungaling.”

 

“Totoo po, nahulog ako sa hagdan.”

 

Sinimulan ng doktora ang raspa. Ipinasok niya ang ilang gamit, nagsimulang kayurin at kutkutin ang mga namuong dugo sa bahay-bata ng isang babaeng halos di pa matatawag na dalaga.  Sa bawat pasok ng gamit ni doc, mahihinang ungol ang naririnig namin, may mga panahon na nasisigaw pa ang batang babae. Sa kakapirasong lakas na natitira niya, ginagamit pa niya ito para humiyaw at dumaing. Maya-maya, ipinasok na ng doktora ang buo niyang kamay. Doon ko nakitang tumulo ang ilang luha sa mata ng batang babae. Di maiwasan na mangilid ang sarili kong luha.

Bakit? Ewan ko.

Pakiramdam ko kasi, ang bata pa niya para makaramdam ng lahat ng sakit na ito.

Sakit na pisikal? Emosyonal o mental?

Ewan ko. Siguro yung sakit na kayang humiwa sa pagkatao niya, yung sakit na maaring dalin niya buong buhay niya.

Gumagalaw ang kamay ni dok, kung may lakas ang batang babae, marahil hihiyaw siya ng hihiyaw. Hinagod ni dok at maya-maya ay lumabas ang ilang buong dugo. Iniligay ito ni doc sa maliit na palanggana na inabot ko. Habang hawak ko ang palanggana, aksidente akong natingin sa buo-buong dugo.

 

 

Daliri. Limang malilit na na parang may maliit na puti sa dulo. Nung panahon na yun di ako sigurado kung kuko nga ba yun, pero sa kilabot na naramdaman ko, totoong-totoo. Isang maliit na kamay ang nakita ko, isang putol at halos durog na kamay. Napansin siguro ni dok na nakatingin ako sa inilagay nya sa palanggana, tinanong niya kung ano yung tinitingnan ko. Itinuro ko yung maliit na putol na kamay. Marahil, nadala din ng galit si dok.

“Eto yung kamay ng anak mo oh, dinurog ng aborsyonistang pinuntahan mo? Tapos sasabihin mo naaksidente ka, eto yung anak mo, durog, naatim mong durugin at hugutin sa sinapupunan mo”

 

Tahimik yung babae, di ko din alam kung ano yung naramdaman ko. Galit, awa, pagtataka, kilabot o panghihinayangan sa isang buhay. Hindi ko alam, basta nung panahon na yun, nabuksan ang mata ko sa panibagong mukha ng lipunang ginagalawan ko.

Bago matapos ang ginagawa ng doktor, nakumpirma niya ang problema, butas ang bahay-bata nung batang babae at kailangan agad siyang maoperahan, kung hindi, mamatay siya sa internal hemorrhage. Nabutas ng aborsyonista binayaran nila para putulin ang buhay na nagsisimulang mabuo sa sinapupunan niya. Pinuntahan ng doktor ang mga kamag-anak ng pasyente para sabihan na magdonate ng dugo, pero napag-alaman namin na wala siyang kamukha ng blood-type. Isinama ako ni dok dahil ako ang may hawak ng consent na papapirmahan sa kamag-anak ng pasyente para maoperahan. Habang pinapaliwanag ng doktor na maaring mamatay ang babae, umiyak na ang lalaking pinsan daw.

At doon namin nalaman na ang 17 years old na lalaking pinsan daw ang boyfriend ng 14 anyos na babaeng nasa loob ng delivery room. Tita ng lalaki yung babae, at hindi alam ng magulang ng babae ang nagyari dito. Nasa dulong parte sila ng probinsya at ang batang babae ay nag-aaral sa isang pribadong eskwelahan sa probinsya namin kaya tumutuloy lamang sa isang boarding house. Hiniling ng doktor na ipaalam sa pamilya ng babae ang nangyari, dahil kailangan agad-agad na masalinan ng dugo at maoperahan ang babae. Tahimik ang lalaki, basang-basa ng luha ang mata niya. Tinitingnan ko siya, gusto kong maawa pero gusto ko ding magalit, ewan ko kung bakit nagkakaroon pa ng mga ganitong kwento.

Naalala ko pa yung itsura nung bata na yun habang nakahawak siya sa kamay ko. May luha sa mata, nanginginig at nangangatal, hindi ko alam kung dahil sa takot o dahil sa kakulangan ng dugong dumadaloy sa katawan.

“Kuya, wag mo akong iiwan ha”

 

Tumingin ako sa kanya, pinisil ang palad at sinabing, “tatagan mo lang.”

Natapos ang shift namin noon ng walang dugong maibigay para sa batang babae. Ewan ko kung sinabi na sa magulang niya, unti-unti nakikita ko habang dumadating ang umaga, nababawasan ang buhay ng dalagita. Aborsyon na yata ang isang salita na di ko kayang tanggapin kahit kailan. Sa utak ko noon, naglalaro ang mga katanungang, sino ba ang may kasalanan para sa isang bata na di naisilang? Sino ba ang dapat sisihin para sa isang batang dinurog habang nasa sinapupunan? Sino ba ang dapat gutayin din ang katawan tulad ng ginawa sa isang batang di pa ganap na lumalaki?

Binigyan tayo ng kakayahang magpasya upang danasin natin ang magkamali, upang magkaroon tayo ng pagkakataon na panidigan ang ginawa nating desisyon, para magkaroon ng pagkakataong itama ang pagkakamali, at para matuto sa susunod na pagharap dito. Kailanman, kahit gaano pa yan kaliit o kalaki, hindi maitatama ang pagakakamali ng panibagong pagkakamali. Kahit sa math nga, negative plus negative equals negative pa din, sa buhay pa kaya ng tao?

Kung sa una pa lang di na mo kayang panindigan, huwag mo ng isiping gawin tol. At kung naturingan ka namang babae, irespeto mo ang sarili mo, sa paraang gusto mong irespeto ka ng iba. Sandaling panahon ng pagkakamali, habang buhay na itatago sa konsensya. Sabi nila, sa makabagong panahon, di naman na big deal ang abortion, ano yun? Kapag uso at maraming gumagawa, yun na yung tama? Sana lang maalala natin na tao ang pinapatay sa bawat aborsyon nangyayari sa mundo, at sana wag kang maging isa sa mga nakikiuso sa gawaing kailanman di tatanggaping tama sa isipan nang matinong tao.