English: Flooded waters during the height of Typhoon Ketsana / Ondoy (Photo credit: Wikipedia)

English: Flooded waters during the height of Typhoon Ketsana / Ondoy (Photo credit: Wikipedia)

Pilipinas, Gumising Ka Sa Gitna Ng Baha

Bawat bansa ay may kanya-kanyang kagandahan, problema at katiwalian sa gobyerno. Bagamat ang bawat bansa ay kakaiba sa kapwa bansa, lahat tayo ay sakop ng anumang kakayahan at kapangyarihan ng inang mundo o ng kapaligiran.

Sa mga tinatawag na “first and second world countries,” may mga panaka-nakang pag-baha din silang nararanasan. Bagamat hindi madalas, ang mga pagbaha ay hindi madalas nagdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan, katauhan at pamumuhay ng taong-bayan. Madalas ang ibat-ibang sangay ng gobyerno at ng pribadong mga organisasyon ay may kanya-kanyang mga plano or “contingency plans” para sa mga di-inaasahang kalamidad. Mabilis rin matuto ang mga mamamayan at ang gobyerno sa mga nakaraang kalamidad kaya nagagamit nila ang pinagdaanang karanasan para pagbutihin ang kanilang reaksyon sa mga katulad na kalamidad.

Sa nakaraang apat na dekada, 1970 ng bumagsak ang bagyong Yoling (Patsy) sa Pilipinas at Vietnam na nag-dulot ng mahigit kumulang US$80 milyong dolyar na danyos na ang kalakihan ay mula sa Pilipinas. Sinundan ito ng pag-guho ng lupa sa isang bundok sa Leyte sa taong 2006. Ito ay pinangunahan ng ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan. Ang buong komunidad ng Guinsaugon sa bayan ng St. Bernard ay natabunan ng gumuhong kalbong bundok kung saan halos 246 na kababayan ang nasawi sa nasabing kalamidad.

Taong 2009 kung saan muling umakit ng atensyon ang Pilipinas ng biglaang nilubog ng bagyong Ondoy (Ketsana) ang Metro Manila. Mahigit isang buwang halaga ng ulan ang bumuhos sa ka-maynilaan sa loob ng 24-oras. Ang bagyong ito ang tinatayang may pinaka-malaking halaga ng pinsala na umaabot sa US$1.09 bilyong dolyar. Nahigitan rin ni bagyong Ondoy ang bagyong Yoling sa dami ng mga nasawing kababayan na umabot sa 747.

Bagamat mahina ang dalang hangin na umaabot sa 45-55 mph ng bagyong Sendong (Washi), ang patuloy na pagbagsak ng ulan ang naging pangunahing dahilan sa pag-kawala ng 713 – 927 na kababayan sa taong 2011. Isa sa mga nakitang dahilan sa malaking perwisyo na dinulot ng bagyong ito ay ang pagbagsak nito sa katimugang bahagi ng Pilipinas at ang kaakibat na pag-amin ng mga namumuno at mamamayan na hindi sila handa sa inaa-asahang bagyo.

Ang Pilipinas ay tumatanggap ng mula 17 hanggang 20 bagyo bawat taon. Hindi pa kasama dito ang mga maliliit na pabugso-bugsong pag-ulan o habagat.

Nagising na lang ang taong-bayan sa madilim at makulimlim na ulap nitong nakaraang mga unang araw ng Agosto. Sinundan ito ng patuloy na pag-bagsak ng malakas na ulan. Ang unang pagbuhos ng ulan ay nagdulot ng kasiyahan at konting kaginhawaan sa napaka-init na panahon nitong mga nakaraang buwan. Ngunit sa walang humpay na pag-ulan, ang konting kasiyahan ay unti-unting naging takot at pangamba. Hindi nag-laon, tumaas na ang tubig sa kalsada at naging baha. Ang tubig baha ay lalong tumaas sa patuloy na pagbuhos ng ulan. Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit limampung porsyento ng ka-maynilaan ay lubog sa baha.

Maraming kadahilanan sa pag-taas ng tubig baha sa syudad, depende kung saang angulo at perspekto mo ito titignan. Nandyan ang katiwalian sa pamamalakad ng gobyerno, ang paninisi sa kapaligiran, ang kawalan ng disiplina ng taong-bayan at ang iba’t ibang kuro-kuro. Ngunit kung ating susuriing mabuti, walang iisang dahilan sa problemang ito.

Maraming bagay ang maaaring naging sanhi ng malawakang pag-baha. Naririyan na ang dami ng tubig ulan na bumuhos. Kadalasan sinasabi na ang isang buwang katumbas na tubig ulan ay bumuhos sa isang araw o iilang araw, kaya hindi nakayanan ng ating mga kanal. Kaakibat na rin nito ang pag-taas ng tubig sa dagat na tinatawag na “high tide” kung saan ang tubig dagat ay tumataas ng ilang talampakan. Dahil dito, ang mga kanal na madalas sa dagat dumideretso ay hindi makaagos. Isa pang madalas sisihin sa pagbabaha ay ang pag-kalbo ng ating kagubatan ayon sa mga “environmentalists” kung saan ang kanilang pananaw ay imbes na ang tubig ulan ay maipon at masipsip ng lupa,  pawang dumudulas na lang sa ibabaw papunta sa mga mabababang lugar.

May iba na nagsasabing ang dahilan ay ang walang disiplinang pag-tatapon ng basura sa mga estero at kanal na nagdudulot ng pagbabara sa maayos na daloy ng tubig. May lumabas rin na kuro-kuro na sinadyang barahan ng ilang mga tiwaling kababayan ang mga kanal para tumaas ang tubig at pwersang tumirik ang mga sasakyan para kanilang itulak kapalit ng ilang barya.

Ang iba naman ay ibinabaling ang sisi sa ating mga pinuno at gobyerno.

Kung ating aanalisahing mabuti, ang lahat ng ito ay may kanya-kanyang kontribusyon sa mga kalamidad na unti-unting sumisira sa ating bayan. Nariyan ang masisira ang mga Imprastraktura  at ang kabuhayan ng karamihan. Apektado rin ang pangangalakal at ang ekonomiya. Maraming negosyante ang nag-dadalawang isip na mamuhunan sa ating bayan dahil sa hindi magandang kapaligiran, hindi magandang imahe ng gobyerno at ng iba’t-ibang uri ng katiwalian sa gobyerno at mamamayan.

Sa kasalukuyan ay may humigit kumulang na 9.5 hanggang 12.5 milyong Pilipino ang nakatira sa iba’t ibang bansa liban sa Pilipinas. Sila ang makakapag-patunay na ang ibang mga bansa ay may kanya-kanyang kakulangan at katiwalian rin. Ngunit bakit sa kabila ng mga kakulangang at katiwaliang ito ay umangat pa rin ang ang pangkalahatang kabuhayan ng mga mamamayan nito? Halos bawat bansa ay may pagkakapareha sa Pilipinas. Ang pag-kakaiba ay ang mga mamamayan sa mga bansang ito. Makikita sa Pilipino sa ibang bansa ang disiplina at respeto sa mga batas ng bansang kanilang tinatawag na pangalawang tahanan. Marahil ay takot silang maparusahan, mawalan ng trabaho o ang mapa-uwi sa Pilipinas. Hindi rin kaila na kapag ang mga kababayang nangibang bayan at bumalik ng Pilipinas ay masasabi ng karamihan na nagbago sa paguugali, pagkilos at pananaw. Ito ay marahil sa pagkamulat nila sa istilo ng pamumuhay sa ibang bansa. Sa madaling salita, namulat sa katotohanan at naging mas bukas ang isipan ng mga nangibang bayan kaysa sa mga hindi. Isang pananaw na hindi dapat.

Kung ating ibabalik ang tema sa ugat at pinag-mulan ng nakaraang mga pagbaha, disiplina ang magiging karaniwang puno’t dulo ng ating mga nararanasan ngayon. Hindi lamang sa mga kalamidad kungdi pati na rin sa mababa at mahinang ekonomiya at ang mabagal na pag-unlad ng ating bansa. Datapwat, salungat sa malawakang propaganda ng media at ng iba’t ibang sangay at ahensya ng gobyerno na ang bansa ay umuunlad, ang taong bayan lamang ang makapagsasabi at makakapag-patunay sa totoong nangyayari sa ating bansa. Hindi natin kailangan tumingin ng malayo at malawak. Ilang lugar na ba ang madalas bahain? Ilang batang lansangan ba ang makikita sa gitna ng kalsada? Ilang pamilya ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw? Ilang pulubi at kawatan ang naglipana sa iba’t ibang bahagi ng Syudad?  Ilang Pangulo na ba ang nagdaan mula nang tawaging “Tiger of Asia “ ang Pilipinas noong dekada 70?

Nakakapang-hinayang at marami nang panahon ang nagdaan. Kailan tayo mamumulat sa mas malawakang pag-unawa na tayo mismo ang solusyon sa ating mga problema. Tayo at walang iba ang makakapagpaunlad ng ating kabuhayan at estado. Tayo ang bumubuo ng tinatawag na Pilipinas at walang ibang mag-aangat sa Pilipinas kunh hindi ang mga Pilipino, tulad mo kabayan at tulad ko. Panahon na para tayo ay magising sa katotohanan at kumilos sa ikakabuti ng Pilipinas, hindi man ngayon ngunit para sa susunod na henerasyon. Nakabangon na nga ba tayo o naka-baon? Bukas nga ba ng ating mga mata  ngunit bulag sa ating kapaligiran at sa ating sarili. Kailan ka gigising Pilipinas?

Enhanced by Zemanta