Si Gemmo at si Andrew ay mga baguhang estudyante sa University of the Philippines sa Los Baños. Hindi sinasadyang nagkasabay sila sa pagkuha noon ng eksamen sa UPCAT o’ University of the Philippines College Admission Test.  Pareho silang nakapasa, at nang magsimula ang klase, muli silang nagkita, at nang malamang magka-iskwela sila, parang kapeng naging “instant” silang magkaibigan.  Mula noon naging palagiang kasama ni Gemmo si Andrew na parang “Coffee Mate.”

Si Andrew ay taga-Maynila, at si Gemmo naman ay taga-Calamba.  Masaya si Andrew na kasama si Gemmo sapagkat kabisado ni Gemmo ang mga lugar sa Calamba, Los Baños, at loob at labas ng UPLB campus na kadalasang tambayan ng mga istudyante.  Kapag kasama niya si Gemmo, ay para na rin siyang hindi istranghero sa kanyang bagong paaralan at mga lugarin sa paligid nito.  Aliw na aliw si Andrew sa mga tanawin sa UPLB, lalo na sa Bundok Makiling.  Lumaki si Andrew sa Maynila at bantad sa mga tanawing puro gusali, maalinsangan at maruming hangin, at masikip na trapiko na kakaibang-kakaiba sa UPLB.  Isang araw, inaya ni Andrew si Gemmo na mag-mountain trekking sa Bundok ng Makiling.

Masayang pinagbigyan ni Gemmo si Andrew, at isang Sabado, bumili sila ng isang kilong liempo’t litsong manok sa Andok’s at nagtungo sa College of Forestry ng UPLB, at Makiling Botanic Garden. Buhat doon tinahak nila ang landas patungo sa Mud Spring at pinto ng kagubatan.  Matapos ang mahabang paglalakad, naupo sila sa may Mud Spring at pinagmasdan ang kumukulo at bumubula-bulang putik habang ipinaliliwanag ni Gemmo na ang mud spring at mga singaw ng mainit na tubig sa paligid ng paanan ng Bundok Makiling ay nagpapahiwatig na ang bundok ay isang bulkan.  Pagkaraan ng ilang saglit, naglakad na sila tungo sa kalooban ng kagubatan.  Habang naglalakad, naitanong ni Andrew, “Totoo bang dito naninirahan si Maria Makiling na diyosa ng kagubatan?

“Ang kuwento tungkol kay Maria Makiling ay isang alamat,” sagot ni Gemmo. “at si Maria Makiling ay hindi diyosa, kundi isang diwata…fairy.” dugtong pa niya. “Alamat ‘lang pala, eh ‘di hindi totoo?” patanong na sagot ni Andrew.  “Maraming naniniwala, kalimitan ay mga magsasaka at kaingeros sa paligid ng paanan ng bundok na si Maria Makiling ay totoo’t buhay, at siya ang nagbabantay sa kagubatan ng Bundok Makiling,” paliwanag ni Gemmo.

Tuloy-tuloy ang paglalakad ng magkaibigan.  Dahil sa tag-ulan, madawag at medyo maputik ang kagubatan at natakpan na ng humabang mga damo ang landas.  Nagkuwento si Gemo habang naglalakad.  “Ang isang popular na alamat tungkol kay Maria Makiling ay nang umibig daw ito sa isang mortal- isang makisig na magsasaka. Araw-araw- ayon sa alamat, pinagmamasdan ni Maria Makiling ang crush niyang binata.  Sa pamamagitan ng ‘di karaniwan niyang kapangyarihan, tinulungan niya ang magsasaka sa pagpapasigla ng mga tanim nito.  Iba ang kapangyarihan ni Maria Makiling.  Ayon sa ibang alamat, kapag siya ay naglakad at dumaan sa mga palay at punong itinumba ng bagyo, muling nagsisibangon at sumisigla ang mga ito.” Naka-kunot ang noong nagtanong si Andrew, “Alam ba naman ng magsasaka na na-in-love sa kanya si Maria Makiling?” “Hindi!” sagot ni Gemmo, “nagtataka nga ang magsasaka kung bakit ganoong kabibintog ang suhay ng kanyang mga palay.  Kung totoo ang alamat, baka pati mga dayuhang sayantipiko sa International Rice Research Institute ay hahanga at magtataka.”

Papaano nalaman ng magsasaka na na- in-love sa kanya si Maria Makiling?”parang naiinip na urirat ni Andrew.  “Aba,isang araw nakatanggap ang magsasaka ng liham buhat sa pamahalaan.  Inaatasan siya na mag-undergo sa military training.  Noong araw kasi, kapag ang lalake ay umabot sa edad beinte-uno, obligadong mag-cadre.’Yon na nga ‘yung military training.” Paliwanag ni Gemno.  “Ay ‘di nag-military training ang magasaka? Ha,ha,ha araro at baril,” pabirong tanong ni Andrew. “Hindi, sangayon sa batas, ang may-asawa ay eksemted. Naalaala niya ang kanyang kababatang pinangakuang  pakasalan noong mga bata pa sila.  Naisip niyang panariwain ang kanilang pagiibigan at alukin ito ng kasal.  Kung papayag ito, ligtas na siya sa military training,” pagtutuloy ni Genmo.  “Wais ‘yung magsasaka ano? Alam ko na ang susunod ‘dyan.  Pumayag ang kababata niya at ikinasal sila. Hindi ba Gem?’ pagduduksong ni Andrew.        

“Teka, papaano si Maria Makiling?” usisa ni Andrew. “Ay ‘di nag-iiiyak, lungkot na lungkot sa kapalaran ng pagibig niya. Mayroon na pala itong inihandang trahe de boda para sa kasal niyang ‘di nya alam ay mabibigo.  He, he, para ding babaeng mortal ano? Adelantada,” patudyong pagtutuloy ni Gemo.  “Anong ginawa niya sa trahe de boda?” tanong ni Andrew.  “Bukod sa trahe de bodang burdado ng mga brilyante’t sinulid na ginto, sinamahan pa niya ito ng iba’t-ibang alahas. Nag-katawang tao si Maria Makiling, nagpakita sa iniirog na binata, at ibinigay niya ang mga’yon sa magsasaka at ipinakiusap na ‘yon ang gamitin ng kanyang nobya sa kasal nila. Pagkatapos niya itong sumbatan at ipagtapat ang kanyang pagtingin sa binata at ang pagtulong nito sa pagpapasigla ng kanyang mga tanim.” Sagot ni Genmo.

“Oo nga naman, sa kapangyarihan ni Maria Makiling kayang-kaya niyang gawan ng paraan ang pag-iwas ng magsasaka sa military training,” anas ni Andrew. “Pumayag bang isuot ng nobya ng binata ang trahe?” paguusisa ni Andrew.  “Hindi,” tugon ni Gemno, “natakot ang nobya at nag-alalang  baka pumasok sa kanyang katawan ang enkanto ni Maria Makiling, at habang panahong saniban siya nito.”

Huwag mong sabihing nagalit si Maria Makiling at sumabog ang bundok na naging bulkan!” parunggit ni Andrew. “Hindi naman talaga,” tugon ni Gemmo. “Nagluksa si Maria Makiling nang matagal. Ngayon, kung pagmamasdan mo ang Bundok Makiling buhat sa lugarin ng Calamba o’ doon sa SLEX, makikita mong hugis babae itong mahaba ang buhok at nakahiga. Sa tuwing makukumutan ang bundok ng ulap, sinasabi ng mga matatanda dito na isinusukat ni Maria Makiling ang trahe de boda. Kasunod nito ang pag-ulan at ang mabilis na pag-agos ng tubig sa mga ilog at ilat na ipinapalagay ng mga taga-rito na luha ni Maria Makiling dulot ng kanyang nabigong pagibig.” pagtatapos ng kuwento ni Gemmo.

Very tragic, but interesting Gem. Maqanda ang kuwento mo,” pagpuri ni Andrew.  

Nakakita sila ng malaking-malaking trosong nakatumba. Nagyaya nang kumain si Gemmo sa ibabaw ng malaking troso.  Habang kumakain sila, muling nagtanong si Andrew, “Sabi mo maraming kuwento si Maria Makiling, mayroon pa bang iba?   

“Marami talaga, hindi mauubos hanggang maka-graduate tayo siguro sa UP” sagot ni Gemo.  “Sige nga Gem, mag-kuwento ka pa,” pakiusap ni Andrew.  Pagkatapos kumain, nahiga ang magkaibigan sa lilim ng isang higanteng halaman na animo’y gabi.  “Magaling dito, kahit umulan may higanteng payong tayo. Ito ba ‘yung kung tawagin ay Black Widow?”

“Ewan ko. Basta kung tawagin ko ito ay higanteng gabi, pero ang tunay na tawag ‘dyan colocasia,” sagot ni Gemo . “Akala ko payong ni Maria Makiling,” biro ni Andrew. “Teka nga pala, akala ko may kuwento ka pa tungkol kay Maria Makiling?” paala-ala ni Andrew.   

“Mayroon, tungkol naman ito sa isang adik na sabungero. Pangalanan natin siyang Indo, palayaw ng Pedro.  Parang si San Pedro, laging may hawak na manok,”sabi ni Gemmo.  “Sige nga marinig natin,” udyok ni Andrew.  Nagsimulang mag-kuwento muli si Gemmo.  “Si Mang Indo ay talamak na sabungero. Araw-araw siya sa sabungan at kung saan-saang bayan siya dumarayo ng pagsasabong.  Minsan, naisipan niyang palahian ang alaga niyang manok sa labuyo, ‘yun bang manok gubat. Parang ibon daw itong labuyo, mataas kung lumipad.  Kaya’t umakyat siya dito sa Bundok Makiling upang gumawa ng bitag at manghuli ng labuyo.  Pagapang-gapang si Mang Indo sa ilalim ng dawagan sa kagubatan nang may isang babaeng sumita sa kanya.  Si Maria Makiling ito na nag-anyong isang may edad na babae na parang donya. Parang galit ang babae at ang sabi, ‘Hoy, Indo mga manok ko ba ang hinuhuli mo?’ Nagulat si si Mang Indo at nagtaka kung bakit alam ng babae ang pangalan niya. Tanong ni Mang Indo, ‘Manok ‘nyo po ba ang mga labuyo sa gubat?’

‘ Lahat ng hayop sa kagubatan ay sa akin,’ sabi  ng babae.  Kinabahan si Mang Indo parang may misteryo ang tinig ng babae.  Nangatwiran si Mang Indo, ‘Eh, eh, pasensiya na po kayo. Naglilihi kasi ang misis ko at napaglilihihan niya ay labuyong puti.’ Nagsinungaling si Mang Indo.  Sumagot ang babae, ‘Kung ganoon huwag ka nang magpakahirap, sumunod ka sa aking kubo at bibigyan kita ng puting labuyo.’” 

Tumigil pagku-kuwento si Gemmo. “O’ ano? Binibitin mo naman ang kuwento mo eh!” pagmamaktol ni Andrew. “Akala ko tulog ka na eh.” pakli ni Gemmo. “Ituloy mo, nakikinig ako,” pakiusap ni Andrew. At itinuloy ni Gemmo ang kuwento. “Sumunod si Mang Indo sa kubo. Pinamiryenda pa siya ng babae ng bibingka at sabaw ng buko. Pagkatapos binigyan siya ng isang matabang puting inahing labuyo. ‘Ayan’, sabi ng babae, ‘ tiyak na magugustuhan ‘yan ng maybahay mo.dalahin mo rin itong isang supot na luya tamang-tama ‘yan sa tinola,’”

“Aba, at binigyan pa ng luya at pinamiryenda?” muling pakli ni Andrew.  “Oo, mabait talaga si Maria Makiling, huwag lamang lolokohin.” Sagot ni Gemmo at nagpatuloy.  “Nagpasalamat si Mang Indo sa babae at tumuloy na siya pauwi. Habang bumababa siya ng bundok, tawa siya nang tawa. Nabola niya ang babae na naniwalang naglilihi talaga ang misis niya.  Nang dumadaan na siya sa isang matarik na dalisdis, napansin niyang pabigat nang pabigat ang dala niyang luya.  Sa talampas, itinapon niya ang luya, aniya hindi naman talaga ‘yon ang hangad niya.  Nagtira lamang siya ng ilan para iuwi ng bahay. Pagdating ni Mang Indo ng bahay, ikinuwento niya sa asawa ang pangyayari at ibinigay niya ang natira sa itinapon niyang luya na bigay ng babae. Napasigaw ang asawa ni Mang Indo, ‘Indo, Indo, hindi luya ito. Ginto, ginto!’ Tiningnan at sinuri  ni Mang Indo ang inaakala niyang luya at napatunayan niyang ginto nga pala.  Naalaala niya ang mga itinapon niya sa talampas.  ‘Sayang’ wika niya. ‘Malaking pamusta ‘yon sa derby.’ ”

“Ha,ha, ha, nakuha niya kasuwapangan niya, ha,ha,ha” ang tawa ni Andrew, ‘Dyan ba natapos ang kuwento?

“Hindi pa,” sagot ni Gemmo.  “Kahit madilim na, bumalik si Mang Indo sa talampas upang kunin ang itinapon niyang luya na naging ginto.  Hindi na nakabalik si Mang Indo nang gabing ‘yon.  Kina-umagahan, natagpuang bangkay si Mang Indo sa ibaba ng talampas. Duguan at dakot-dakot ng mga kamay nito ang mga piraso ng luya.  Sangayon sa mga kapitbahay ni Mang Indo, mula noon sa tuwing dapit hapon, naririnig ang kakilakilabot na halakhak na nagbubuhat sa ibaba ng talampas at nakikita ang isang babaeng nakaupo sa malaking bato at nakalugay ang mahabang buhok na kanyang pinatutuyo sa malamig na hangin ng gabi.

Wow! Horror ang ending,” sabi ni Andrew

Oy, tayo na, mag-aalas tres na, baka tayo abutin ng dilim at mahulog sa talampas,” pa-alaala ni Gemmo. Tumayo ang magkaibigan at nagsimulang maglakad pabalik.  Matagal-tagal na ring naglalakad ang dalawa ng mapansin nilang paikot-ikot lamang sila sa gubat.  Dinukot ni Gemmo ang kanyang panyo at itinali sa isang sanga ng puno.  Nagpatuloy sila ng paglalakad hanggang sa…”O’ eto na naman ang panyo ko! Paikot-ikot nga lamang tayo Andrew. Naliligaw tayo.” Namutla si Andrew, kinabahan, naghimutok, “Gem, anong gagawin natin? Parang ganito ang napapanood ko sa TV, sa Nat Geo na nawawala sa kagubatan nang ilang araw.”

“Ayon sa mga pamahiin dito, kailangang baliktarin natin ang ating mga damit, para ipakita kay Maria Makiling na wala tayong ninakaw sa kagubatan,” sabi ni Gemmo. At dalas dalas na naghubad ang magkaibigan at binaligtad ang mga damit.  “Ayon sa napanood ko sa TV, kaliangan daw tuloy-tuloy na maglakad pababa hanggang makarating sa isang ilog at sundan ‘yon hanggang makarating sa kabihasnan.” pakli ni Andrew. Tuloy-tuloy na naglakad pababa ang dalawa, medyo kumakagat na ang dilim.

Buhat sa isang dalisdis, nakita nila ang isang malawak na ilat. Maraming malalaking batong halos kasing-lalaki ng bahay.  Nakarinig sila ng matinis na tinig na nanggagaling sa malayo, parang umaawit.  Sinundan nila ang pinanggagalingan ng tinig.  Sabi ni Andrew, “Kung radyo ‘yon, malapit na tayo sa kabihasnan.” Kagat na ang kadiliman, halos nababanaagan na lamang nila ang maputing tubig na sumasalamin sa kaunti pang natitirang liwanag sa langit, at bahagyang umaagos sa ilat.  May nabanaagan din silang madilim na anyo na nakaupo sa ibabaw ng malaking bato, parang babaing mahaba ang buhok at tila pinatutuyo niya ito sa malamig na hangin ng gabi. “Si Maria Makiling,” pabulong na sigaw ni Andrew.”

Ow, totoo ba si Maria Makiling?” tugon ni Gemmo. “Huwag kang maingay, lapitan natin. Pambihirang pagkakataon ito, makikita natin si Maria Makiling” suhestiyon ni Andrew.  Dahan-dahan silang lumapit sa malaking bato na kinauupuan ng inaakala nilang si Maria Makiling. “Andrew, ang lakas ng kabog ng dibdib mo, naririnig ko,” kantiyaw ni Gemmo. “Huwag kang maingay, baka marinig tayo,” saway ni Andrew kay Gemmo.  “Kinakabahan din ako eh,” pagkasabi ni Gemmo nito, napatungtong siya sa isang maliit na bato, gumulong ‘yon, at napadulas si Gemmo sa matarik na dalisdis. Tuloy-tuloy siyang dumausdos hanggang sa mababaw at putikang tubig. Takbo si Andrew habol-habol si Gemmo na gusto niyang iligtas sa pagkakadausdos.  Lumikha ‘yon ng malakas na ingay.  Bunot lahat ang damo at maliliit na halaman sa pinagdausdusan ni Gemmo.  Parang dinaanan ng paragos.  Napatayo ang anyo sa ibabaw ng bato.  Napasigaw, “Ayyyy, ano yonnn!”  Tumayo si Gemmo sa mababaw na putikang tubig na hawak-hawak ang balakang. Inalalayan siya ni Andrew.  Nilapitan ang putikang magkaibigan na may suot na baliktad na damit ng anyo at sumigaw ulit ito “Echosss! Lalakweee, lalakweeee! Inday, lalakweeee! Hulog ng langit!” Patakbong lumapit ang isa pang bakla, “Day bongga ka, lalakwee nga! Anong ginagawa ninyo dyan?”

Nagkatinginan ang magkaibigan at sabay na humalakhak.

Nakalabas ng gubat ang magkaibigan sa likod ng isang resort sa Pansol sa Calamba. Mahigit na dalawampung kilometro buhat sa pinagmulan nilang campus ng UPLB.

Nadagdagan na naman ng isa pang kuwento ang mga alamat ni Maria Makiling.           

Author: Gilbert Miranda

Enhanced by Zemanta