Drunk guy (Photo Credit : pinkurocks.typepad.com)

Dahil nga lasing ako, dapat mayabang ang dating ko. Yayayain ko ang mga kapitbahay na makipag-inuman sa akin at patatagayin ko ang mga dadaan sa harap ng aming hapag-inuman, kahit hindi ko kakilala. Mas umaangas ako kapag ganoon ako sa tao eh. Sisigaw ako nang malakas para magpapansin sa mga kapit-bahay. Maghahamon ako ng away, palalabasin ko ang sinumang matapang at handang lumaban sa akin. Siga ako eh!

Babaero ako kapag lasing, hihipuan ko ang mga kasama kong babae at paghahalikan ko sila sa kamay, balikat, leeg, pisngi at labi. Tatawa ako nang malakas kahit wala namang nakakatawa. Tataasan ko ang tagay ko para astig, hindi na rin ako mamumulutan at mag cha-chaser. Sugapa ako sa alak eh! Magyoyosi ako nang sunod-sunod, walang patid, sindi-upos. Maghuhubad rin ako upang ipakita ang malalaki kong tattoo sa bato-bato kong katawan. Tatayo at magsasayaw pa ako upang patunayang hindi pa ako nahihilo. Ipagmamalaki ko ang mga anak ko at ang aking sarili. Magkukwento ako tungkol sa aking mga talento at kakayahan, para mas mayabang ang dating.

Hindi ko paniniwalaan ang sasabihin ng iba, lahat sila’y mali ako lamang ang tama. Kakanta ako sa videoke kahit wala na ako sa tyempo, mali ang lyrics at sintunado. Mang-aagaw ako ng mikropono sa iba kapag gusto ko ang kanta nila. Magmumura akong hawak hawak ang mic. habang itinuturo sila isa isa. Kahit makipagsaksakan pa sila sa akin, akin lang ang kantang “MY WAY”. Ako lang dapat lagi ang bida.

Magpapabili pa ako ng alak kapag naubusan na, ipag-uutos ko na lamang sa mga kainuman kong utusan. H’wag silang babalik nang walang dalang serbesa, katukin nila ang saradong tindahan. Sagot ko, libre ko. Gagamitin ko muna ang perang pangkain ng aming pamilya, bagong sweldo naman ako diba? Pagagalitan ko na lang ang asawa ko pag-uwi ko. pero hindi muna ako uuwi sa bahay, dadayo pa ako sa ibang bahay eh. Makikipag-inuman ulit ako. Sagot ko na naman, gagastusin ko muna ang pang-allowance ng mga anak ko. kunyari’y naiwala ko na lang dahil sa kalasingan. Hindi pa rin ako uuwi pagkatapos ng inuman, makikipagkwentuhan muna ako hanggang sa makatulog na ako sa upuan. Susunduin naman ako ng bunso ko eh, kinabukasan. Dahil lasing nga ako at hindi ko na alam ang ginagawa ko, gagapang ako sa kalsada pauwi ng bahay. Pwedeng sa kalsada na lang din ako matulog kapag hindi na kayang umuwi, kapag wala na ako sa ulirat at kapag pinagsarhan na ako ng pinto ni misis.

Pero mas maganda kung uuwi pa rin ako. kakatok ako nang malakas sa pinto ng bahay namin, para mabilis akong pagbuksan. Sisigawan ko na agad si misis pagkapasok-pasok ko pa lamang para mataranta na s’ya agad, aawayin ko s’ya pati na rin ang aming mga anak. Uungkatin ko ang nakaraang mga problema naming mag-asawa, paiiyakin ko s’ya at gagalitin para ipamukhang ako lamang ang dapat n’yang sundin. Mag-aaway kaming dalawa, magtatalo at magbabasag ng mga gamit na matagal naming pinag-ipunan. Ihagis n’ya ang plato, iilagan ko. batuhin n’ya ako ng baso, magtatago ako. hayaan n’ya ako ng kutsilyo, kukuha ako ng itak. Hanggang sa makakuha ako ng tyempong mahawakan s’ya nang mahigpit at mapigilan. Mumurahin ko s’ya dahil sa ginawa n’ya. Sasakalin, sasampalin, susuntukin at hahampasin, basta sasaktan ko s’ya. Lalaksan ko ang pagmumura habang pisil pisil ko nang mahigpit ang kanyang dalawang pisngi upang marinig ng mga tsismosa naming kapit-bahay. Para may mapag-usapan naman bukas ang buong barangay.

Pagtatangkaan ko s’yang saksakin pero hindi ko itutuloy. Lalayas na lamang ako ng bahay, bukas na lamang ako uuwi kapag tuluyan na akong nahulasan. Basta alam ko mabait ako, iyon ang hindi maintindihan ng pamilya ko. paulit ulit ko iyong sinasabi tuwing NALALASING ako. MABAIT AKO, MABAIT AKO, MABAIT AKO. NAPAKABUTI KONG ASAWA SA’YO AT AMA SA MGA ANAK KO (kapag tulog?).

Ang totoo n’yan, hindi naman talaga ako lasing eh, NAKAINOM LANG. Ganito lang talaga ako kapag nasasayaran ng alak ang aking lalamunan, GUMUGUHIT. Hanggat hindi pa ako sumusuka, hindi pa ako lasing. Hanggat hindi ko pa ginagawang CR ang ref, aparador at kung anu-ano pang malalaking kahon, hindi pa ako lasing. Hanggat hindi pa ako binubuhat ng mga anak ko papasok ng kwarto, hindi pa ako lasing. Hanggat nakapagsasabi pa ako ng I LOVE YOU sa mga babae ko, “malakas lang ang loob ko.” Pero kung sakaling totoong lasing na nga ako, ipapangako ko lang naman na hindi na ako iinom kahit kailan. At pagkalipas nga nang ilang araw, INUMAN na ulit. Ganun ako eh, lasing ang pag-iisip. Lashing! lashhhhing lassssssshhhhhiingg!