(Photo credit: vashikaranmantrainhindi.com)

Nasa high school na ko nang malaman kong may talent din pala ako sa pag-awit. Alam mo yung pakiramdam na kayo ang kakanta sa misa tuwing unang biyernes ng buwan. Yung pakiramdam na sumali sa isang jingle competiton kalaban ang iba’t ibang paaralan. Naalala ko, ang inawit namin noon ay “Kampana Ng Simbahan”. Maayos naman ang pagkanta namin. Kahit walang voicing ay maganda ang kinalabasan. Hindi nga kami makapaniwala dahil naka third place kami. Sa dami-dami ng eskwelahan na naglaban-laban, isa kami sa pinagpalang nagkamit ng karangalan.

Nahinto ang pag-awit ko dahil patungo na ako sa kolehiyo. Panibagong buhay eskwela, panibagong istilo sa pag-aaral, panibagong pakikisamahan, at panibagong magiging kaibigan. At dito ko sya nakilala.

Nagsimula ang lahat sa palitan ng matatamis at nakakikilig na mga quotes, na hindi mo alam kung sino talaga ang gumawa, dahil samut-sari na ang nadadaanan ng mga ito. Yung feeling na sasagutin niya ang mga mensaheng ito na para bang gusto niyang maging kayo, OMC! (oh my crush). Nasa malayo siya noon pero hindi nawala ang aming komunikasyon. Sige ang palitan ng matatamis na mensahe, text dito text doon.

Tapos na ang kasal, tayo naman”, tugon niya sa akin.

“Haha. Hindi puwede, hindi naman tayo eh”, balik na sagot ko sa kanya.

Hintayin mo pagbabalik ko, magiging tayo”, reply niyang muli sa akin.

Haha”. Napatawa lang ako.

April 19, 2010, nagkita kami sa harapan ng bahay nila. Naalala ko, nakaupo kami noon sa upuang kahoy sa tapat ng bahay nila. Nag-usap, nagkamustahan at kung anu-anong mapag-uusapan. “Paano tayo?”, mga salitang hinding-hindi ko makalimutan noong gabing magkausap kami, na para bang gusto ko ulit marinig sa kanya ng paulit-ulit.

Panong tayo?”, tugon ko.

Tayo! Pano tayo?

Huh?! Sineryoso mo yun?

“Oo.”

“Gusto mo ko?“

“Oo”

“Mahal mo ko?”

“Oo”

Ilan lang yan sa mga salitang nabitawan namin. April 20, 2010 pasado alas tres ng madaling araw ay naging kami. Hindi ko alam kung bakit napa-oo ako. Siguro gusto ko na din siya, siguro mahal ko na din siya, “Oo gusto ko siya, oo mahal ko siya”.

Masaya kami noon, nandyan yung kulitan, harutan, hampasan ng unan at kung anu-ano pang kalokohan naming dalawa tuwing magkasama. At higit sa lahat, ang pinakagusto ko sa kanya ay yung pagsayaw niya kapag dalawa lang kaming magkasama. May iba kasi akong kilig na nararamdaman kapag syia na ang sumayaw. Hindi naman siya member ng dance group, pero kapag siya na ang umindak ng napaka-unique niyang sayaw, wala na. Ngingiti na lang ako sa saya. Lumalabas din kami minsan para magkaroon naman ng ibang mapaglilibangan, pero madalas talaga kaming magkasama ng kaming dalawa lang. Madalas siya sa bahay tuwing sasapit na ang tanghali, kasi alam niyang gising na ako sa mga oras na iyon, dahil alas singko o alas sais minsan ng umaga ang uwi ko galing trabaho. Minsan nga nagugulat na lang akong nasa bahay nang hindi nagsasabing pupunta pala siya.

Sa isang relasyon hindi maiiwasan ang pag-uusapan kayo, hindi niyo man aminin na kayo, pero kayo mismo ang nagpapakita ng motibo. Dahil ang mga bagay na dapat hindi niyo ginagawa ay nagagawa niyo dahil nagmamahalan kayo. Pero kahit na ano pa man ang naririnig ko, kahit na pag-usapan kami ng sambayanang Pilipino, pilit kong tinatakpan ang magkabila kong tenga upang hindi marinig ang usap-usapan tungkol sa aming dalawa. Dahil alam kong masasaktan lang ako sa mga sasabihin nila. Hindi lang ako pati ang inaalagaan naming relasyon baka masira ng dahil sa usap-usapan o madalas tawagin na nating tsimis, na ginawa ng mga taong galit sayo o inggit sayo sa di mo alam na kadahilanan, kinakalat ng mga taong loko-loko at pinaniniwalaan ng mga taong makikitid ang utak. Pero hindi mo din naman siya matatawag na tsismis at hindi mo din sila masisisi dahil totoo, dahil may nakakakita sa inyo. At higit sa lahat, kayong dalawa na mismo ang nagpapakita nito. Masakit pag ang tsismis tungkol sa inyo ay hindi totoo, pero mas masakit pala dahil totoo.

Tumagal kami ng halos apat na buwan. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit bigla na lang siyang nanlalamig sa akin. Yung tipong sa loob ng isang araw, hindi siya magte-text kahit alam ko naman na may load siya. Yung feeling na sa isang araw, makakatanggap ka ng isang text mula kanya, tapos malalaman mo kinalaunang group message pala. August 8, 2008 ng madaling araw pagkatapos naming magpunta sa isang kaarawan, nag-usap kami sa lugar na kaming dalawa lang, dahil sa mga katanungang bumabagabag sa aking isipan.

“Bakit? Bakit ka nagkakaganyan sakin, bakit bigla ka na lang nanlamig sakin?”

“Bakit ganun, sa isang araw matatanggap ko sayo isang text lang pero group message pa pala.”

“Naguguluhan na ko.”

“Huh?”

“Bakit?”

“Hindi ko alam!”

“Paanong hindi mo alam?”

“Umuwi na tayo, may pasok ka pa bukas.”

Lakad lakad…

Nasa harap na kami nang bahay nila sa labas. Naupo kaming dalawa. At dito na nga siya nagsimulang tumahimik.

“May problema ba?”

“Ayusin naman natin ito oh, may problema ba sakin?”

“Diba may pasok ka pa bukas?”

“Oo, alas otso ng umaga.”

“Umuwi ka na. Maaga ka pa bukas.”

“Oo nga eh, to think na may pasok pa ako bukas, nasaan ako ngayon? Nandito sa tabi mo

nakikipag-usap para maayos tayo kung may problema man tayo.”

“May problema ba?”

Sige pa din ako sa kasasalita sa kanya pero hindi na siya nagsasalita. Wala na siyang bukang bibig kundi pauwiin ako dahil may pasok pa ako kinabukasan. Tumayo siya at nagtangkang umuwi at pumasok na sa bahay nila. Nang malapit na siya sa gate ng bahay nila, hinawakan ko ang braso niya at pilit siyang kinausap. Pero sinalag niya ako at dali-dali kumaripas ng lakad papasok ng bahay nila.

Umaga na, late na ako sa trabaho ko. Patay ako, bawas na naman sa sahod ko. Napuyat kasi ako kagabi. Pasado alas kwatro na ako ng umaga nakatulog.  Kamusta naman ang mga eyebagets ko? Kumakaway na sila para patulugin ako. Pagtapos ng shift ko sa trabaho, dumaan ako sa simbahan sa amin bago umuwi. Nasalubong ko sila, sila ng mga kaibigan niya, pero hindi ako nagpahalata, bagkus ay lumiko ako sa loading station para makaiwas sa kanila. Hindi ko alam kung nakita nila ako, pero pakiramdam ko oo. Paglabas ko ng simbahan ay nakita ko siya. Parang may inaatay… ako pala. Hindi ko siya pinansin bagkus ay lumakad ako ng lumakad para makaiwas sa kanya. Dumeretso ako sa isang kaibigan para manigarilyo. Oopss, umaambon na. Kailangan ko nang umuwi.

OMC! (oh my crush), sa bahay pala siya dumiretso inaantay ako. Hindi ko pa din siya pinansin dahil para sa akin, kagabi pa lang ay tinapos na niya ang lahat lahat sa amin. Pero siyempre, naghihintay lang akong kausapin niya ako. Umaasa na magkakaayos kami. Kalikot dito kalikot doon, linis dito linis doon, ligpit dito ligpit doon. Kahit malinis naman ang kwarto ko, kahit wala naman akong dapat walisin, kahit wala naman akong dapat ligpitin. Hindi nagtagal kumatok siya at pumasok sa aking kwarto, nahiga na parang prinsipe na nakalagay ang kamay sa likod ng kanyang mga ulo. Hindi pa din matigil ang mga kamay ko sa kaliligpit, linis, walis ng mga bagay na nakaayos naman. Hinihintay ko lang naman na siya naman ang magsalita, hinihintay ko lang naman na sa kanya magsimula. Pero ako, ako pa din ang nagsimula.

“Bakit ka nandito?”

“May sasabihin ka ba?”

“Diba tinapos mo na lahat kagabi?”

Hindi sya umiimik.

“Mahal mo pa ba ako?”

Tumango lang siya ng pahinding tungo. Biglang tumulo ang mga luha kong dati’y lumuluha lang kapag sobrang saya, lumuluha lang kapag sobrang tawa. Pero ngayon, nababalutan ng lungkot at kirot dahil ang pinakamamahal kong tao, heto sumusuko na sa kanyang mga pinangako.  Ilang beses ko siyang tinanong, pero iisa lang ang natanggap ko sa kanyang sagot. Ano bang mali sakin, ano bang nagawa kong mali, hindi naman ako pangit ah, mabait naman ako ah, sweet naman ako pero ano, heto na naman ako… iiwanan ng taong mahal na mahal ko.

Ngayon gusto kong panghawakan ang mga dati’y nasambit niya na mahal niya ako pero wala na akong matatag na dahilan para umasa dahil kahit anong gawin kong pilit ay hindi ko na mababago pa ang nararamdaman niya. Mahirap umasa sa salitang mahal kita, walang kasiguraduhan at walang katiyakan, hindi ko alam kung galing sa puso o saan pa man, pero minsan kailangan kong paniwalaan para di ako masaktan.

Yun bang gustong-gusto ko nang i-kwento sa iba ang nararamdaman ko kasi kahit ba sinasabi ko sa lahat na ang saya-saya ko ngayon dumadating pa rin sa punto na naiiyak ako sa sobrang sakit. Na kahit ilang ulit ko pang pilitin ang sarili ko na isiping wala na yun, hindi parin mawala wala at lalo pang pumapasok sa isip ko ang sakit at ang hirap kasi hindi ko pa rin maamin sa sarili ko kung talaga bang naka move-on na ako. Ok lang naman sakin kung sasabihin niyang hindi ako ang mahal nya. Kaso bakit pinaramdam niya pa sakin na espesyal ako? Kung hindi na rin pala magiging kami. Naging maayos kami ngayon, pero hindi na mauulit pa kung ano man ang nararamdaman namin noon. Lahat ng nangyari noon ay isa na lamang masayang gunita ngayon na paminsan-minsan ay gusto kong masulyapan muli. Sabay bulong sa sarili, “Sana pwedeng ibalik ang mga nangyari noon para magawa kong tama ang mga maling desisyon ng pagkakataon.”