Chick boy (Photo credit: xaeron)

Chick boy (Photo credit: xaeron)

“Anak, mag ingat ka…Tandaan mo lahi tayo ng pikutin.”

Iyan ang paalaala ng aking ama nung ako ay bata pa.

Hindi ko masyadong naintindihan kung anong ibig sabihin nun dahil mga labing limang taong gulang pa lang ako nung una ko itong narinig. Sa pagkakaalam ko sa salitang ito, ay lapitin ako sa mga babae at karamihan ay may balak na ako ay gustong pakasalan.

Ganoon na lang ang takot ko sa babae na kung kaya para na rin akong di komportableng makipagkaibigan sa kanila. Siyempre naman na normal na sa binatilyo na mapapansin ang kagandahan ng isang dilag pero para naman akong halamang makahiya kapag ako ay kanilang nginitian. Lalo na kapag may nagpakilala pa sa akin doon sa babaeng attracted ako. Kapag nakipagkamay ako sa kanila, ang kamay ko ay napakalamig na parang kakahawak ko lang ng yelo.

Nadala ko rin iyong takot na iyon habang nagdaraan ang mga taon. Yung iba, bata pa lang ay nakikipagrelasyon na, habang ako sa kakaiwas ay minsan rin nagisip na pumasok na lang ng seminaryo. At kapag naiisip ko mga pinsan kong lalaki na maagang nagsisipag-asawa, para bang totoo yatang lahi kami ng pikutin. Tapos, nadagdagan pa ng mga ibig sabihin ng nunal. May nunal ako sa batok at ayon sa mga matatanda, ang mangyayari daw sa akin ay maging habulin ako ng mga babae.

Lalo tuloy ako naaatubiling makipag usap sa mga babae.

Nagtataka lang ako, nung tignan ko ang sarili sa salamin, hindi naman kahawig si John Lloyd o Sam Milby at Piolo Pascual. Mas hawig ko pa si bistek “Herbert Bautista” na maputi, na singkit at payatot. Hindi naman ako marunong sumayaw o kumanta o tumula. Kung uso lang ang harana noon, malamang tatandang binata ako.

Pero sadyang lapitin lang talaga ako sa babae dahil parang mukhang maamong tupa raw o harmless kung kaya dumami ang kaibigan ko, bukod pa sa pagiging thoughtful, malambing, gentleman and may sense of humor.

At sa edad na dalawanput apat ay nalagay na rin ako sa tahimik na nagbunga ng limang anak. Wala naman akong masasabi na hindi totoo yung nabanggit sa akin noong bata pa ako, bagkus iyon ang naging guide ko na wag maging padalos-dalos at maging mapusok sa mga relasyon. Kaya ngayon ako naman ang nagsasabi sa mga anak kong lalaki, “anak lagi ninyong tatandaan… ingat lang at lahi tayo ng pikutin.”