Emotional suffering (Photo credit: distanthealer)

Emotional suffering (Photo credit: distanthealer)

Oo galit, galit ako sa taong minahal ko at hanggang ngayon mahal ko pa. Masyado akong nagpadala at nagpadalos-dalos sa mga pangyayari. Hindi ko man lang naisip ang lahat ng bagay. Kung minsan talaga kahit gaano ka pa katalino, sa pag-ibig lahat nagiging pantay-pantay at nagpapakamanhid.

Sa kabila ng lahat ng pagpaparamdam niya sa’yo na importante ka, na espesyal ka, hindi mo aakalain na ang lahat ng iyon ay isang pangkaraniwang bagay lamang na hindi lang niya sa iyo ipinapakita kundi sa iba pa.

Sa isang babae, masarap sa pakiramdam na alam mong may taong nagmamahal sa iyo ng lubos at totoo. At masakit din na isipin kung ang mga ito ay isang kalokohan lang pala. Siguro nga ganoon talaga kapag nagmamahal ka ng totoo, nagpapakatanga ka. Maraming bagay ang hindi mo napapansin, na kahit alam mong may mali, na kahit alam mong may kakaibang nagaganap at hindi tama binabalewala mo. Masyado kang nagpokus sa masayang pangyayari nang hindi man lang inaalam kung ito ba ay ligtas o ikapapahamak mo. Hindi ba’t hindi naman talaga nawawala ang katangahan kapag ikaw ay umiibig?  Kasama sa pagmamahal ang pagiging tanga sa maraming bagay. Isa na rin dun ang pagiging bulag at bingi, bulag sa katotohanan na kahit anong gawin mo ay lalabas at lalabas pa rin sa takdang panahon. Nagpabulag ako sa lahat ng mga bagay na ipinapakita niya sa akin noon. Naging bingi at walang ibang narinig kundi ang mga matatamis na salitang ginamit niya na para bang sa pandinig ay napakasarap pakinggan pero ang realidad ay realidad na kahit anong gawin mom ang isang nakapikit na mata ay balang araw bubuka rin.

Ang galing mo, akala ko magbabago ka ngunit hindi. Wala rin palang nangyari. Oo, galit ako sa’yo dahil kahit anong paraan ay ginagawa mo para lang mapaniwala ako ulit na mahal na mahal mo ako. Mahal? Hindi mo ako mahal. Ayoko nang maniwala. Nakapapagod, nakasasawang sa araw-araw na ginawa ng Diyos lagi na lang may mabigat sa dibdib ko. Puro hinala na akala ko napapraning lang ako, yun pala totoo nga ang lahat. Sa lahat, isa ka sa pinakamagaling magdahilan. Napakagaling mo, sa sobrang galing mo. Gusto kitang murahin sa lahat ng murang kaya kong ibigay ng buong puso. Gusto kitang saktan sa abot ng makakaya ng aking lakas. Pero hindi ko kailangan gawin yun dahil kahit ano man ang mangyari ay hindi mababalik ng mga paraan na iyon ang sakit na dulot ng mga kasinungalinangan mo.

Nakalulungkot isipin na gustuhin mo mang siya na at ayaw mo man bumitaw sa mga nagawang niyong ala-ala ay wala nang pag-asa. Mas lalo lang akong masasaktan kung uulit-ulitin ko ang alam kong mangyayari’t mangyayari ulit kung hahayaan ko ang aking sarili na magpaloko sa kanya. Sa bawat panahon, oras na wala siyang ibinigay sa’yo kundi mga ngiti sa labi. Sa bawat minuto at segundo na pinaparamdam niya sa’yo kung gaano siya kasaya na ikaw ang kasama niya ay mga pakiramdam na hindi na dapat tumagal, sa halip ibaon na lamang ito sa kaibuturan ng aking puso kung saan mananatili itong isang masayang ala-ala. Inaamin kong nagkamali ako, tao lang din ako nagkakamali at natututo.

Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa itaas sa pagbibigay ng daan para maitama ang mali, para makita ang katotohanan sa kabilang ng isang kasinungalingang nagaganap. Alam kong sa bawat luhang inilabas ko ay katumbas ang isang lakas na magpapatibay sa akin sa agos ng buhay. Nagkamali man ako sa pagpili sa kanya, hindi ito magiging hadlang para magtanim ng galit sa lahat ng mga lalaki. Marahil hindi nga lang siya ang laan at hindi pa ito ang tamang oras para sa pag-ibig. Masaya akong magpapatuloy sa kasalukuyan dala ang karanasan na alam kong magagamit ko sa kasalukuyan. Salamat pa rin sa taong iyon dahil sa maikling panahon napasaya niya ako katumbas man nito’y pagtangis. Isa naman itong karansan sa buhay na magdadala sa akin sa tamang landas.

*The truth will prevail. Gustuhin ko man maghiganti, hindi ako ganoong tao. Ayokong magpadala sa galit. Hayaan na lamang natin na ang Diyos ang gumawa ng hakbang sa lahat ng ito. I can forgive, but it doesn’t mean that things will be as easy as it was. 

*I will never lose my faith in Him. You never fail me everyday. I can feel you, Lord God, deep within my soul. Time will heal everything, in God’s will. 

Thank you Lord God, sa kabila ng pagkakadapa ko ay binigyan mo ako ng tungkod/poste na makakapitan upang makabanagon muli. I love you so much! :*  This anger will not eat me anymore, I don want to feel any bitterness because I have already forgiven him. God will do the rest! 

Sa mga panahong wala akong makausap at hindi ko alam kung saan ko ibubuhos ang aking saloobin, idinadaan ko ito sa pagharap sa monitor at pagpindot ng bawat letra sa keyboard. Kung minsan ay nakatutulong ito sa akin na mailabas ang masama o masayang nararamdaman ko sa bawat bagay na nangyayari sa aking buhay. Gaya na lamang nito.

Enhanced by Zemanta