The creation (Photo credit: blogspot)

The creation (Photo credit: blogspot)

“And God saw everything that He made, and behold, it was very good..” –Genesis 1:31 (ESV)

Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang kalamidad na tumama ngayon sa Pilipinas. Maraming kumakalat na balita lalo na sa social media na nagsasabing konektado daw ito sa sinasabi sa bibilia (Genesis 8:7-12). Hindi ko alam kung totoo ito o gawa gawa lang na naman ng mga “nega” na tao.

Kung ako ang tatanungin, isa lang ang alam kong totoo.

Napakasarap basahing muli at balikbalikan ang “Creation Story” sa biblia. Doon mo ulit mararamdaman kung gaano ka-espesyal ang tao sa paningin ng Diyos. Mula sa pag-provide Niya sa lahat ng kailangan natin, hanggang sa kung paanong nilagay Niya tayo sa gitna ng kasaganahan at pinagkatiwalaan sa lahat Niyang nilikha.

Sa pagbibigay Niya ng langit, lupa, dagat, buwan, araw at mga bituin, mga puno at iba’t ibang uri ng hayop, tunay na masasabi nating kahangahanga Siya. Masarap pakinggan ang tawagin kang katiwala sa lahat Niyang nilikha hindi ba? Ang tanong, kamusta naman ba tayo bilang mga katiwala?

Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap kong magawa eh ang humiga sa damuhan sa ilalim ng puno kapag hapon at saka magpahangin. Pero hindi ko na yata magagawa yun. Dahil ang nakikita ko ngayon kahit saan ako lumingon ay ang mga matatayog na istrukturang halos abot langit ang taas. Ang tanging nasisilungan ngayon ay ang mga waiting shed na nangangalawang sa gilid ng sementadong kalsada. Sa halip na hanging sariwa, ang tanging nalalanghap natin ngayon ay ang mga usok na galing sa sasakyan at pabrika.

Noong bata pa ako, isa sa mga pangarap ko ay ang matutong lumangoy, sumisid at magtampisaw sa malinaw na tubig dagat. Ngunit hindi ko na yata magagawa ‘yon. Dahil ang lalanguyan mo, lalo na dito sa lungsod ay dagat dagatang basura, o dagat ng putik lalo na pag lakas ng ulan at baha. Hanggang swimming pool na nga lang siguro ako na puno ng chlorine at.. atbp.

Baha dahil sa basura. Landslide dahil sa kaingin. Tuloy-tuloy na pag-init ng mundo dahil sa polusyon, at marami pang iba. Ano pa pa ang sunod? Pagbuwis ng buhay dahil sa simpleng pagtapon ng balat ng kendi sa kalsada?

Sabi sa isang kanta, “Hindi naman masama ang pag-unlad” at totoo ‘yon ngunit wag natin sanang kalimutan na lahat tayo’y konektado sa bawat isa, kaya lahat ay responsible sa kung ano man ang nangyayari sa ating tirahan. Kaya kung ano man ang pamamaraan mo para “umunlad” siguraduhing hindi lang ang sarili ang iisipin.

Wag sana nating biguin ang pangarap ng mga susunod na henerasyon – ang masulyapang maganda ang kanilang mundong tinitirahan. Dahan-dahan sana nating ibalik sa dati ang ayos ng kapaligiran. Ang bakuran mo ngayon, ang Pilipinas bukas, ang mundo sa makalawa.

Upang sa susunod na basahan natin sila ng kwento at madaanan natin ang “Creation Story” ay maging totoo ito sa kanila.