Broken Mirror: (Photo Credit:: members.tripod.com)

Isa akong babaeng malihim at takot ako sa mga magulang ko dahil strict sila akin.  Sabi nila ganun daw talaga kapag mahal ka, dinidisiplina ka. Kaya noong bata ako hindi ako pinapalabas ng bahay. Lagi akong naiiwan. Kaya madalas naglalaro akong mag-isa. Hindi ako sinasama ng mga kapatid ko at ako’y sakitin. Pero ang pagdidisiplina nilang yon ang naging dahilan ng mga tinatago kong lihim.

Marami akong naramdaman na di ko masabi.  Mga pangyayari na pinili kong ilihim dahil takot akong may makaalam. Bata pa lang ako, nakatatak na sa isip ko na ayokong magkaroon ng anak.  Ayoko kasi na pagdaanan ng anak ko ang napagdaanan ko. Di ba mahirap at masakit ang laging nag-iisa? Malungkot at wala kang kasama. Habang tumagal nasanay na rin ako. Naglalaro akong mag-isa, kausap ko sarili ko, nag- drawing at inaaliw ang sarili.

Sa murang edad, isa na akong basag na salamin at hindi na mabubuo pa. Dala dala ko ang takot kahit saan man ako magpunta. Laging may gumugulo sa isipan ko at lagi akong nagigising ng madaling araw at naaalala ko ang mga pangarap ko na hindi ko na makuhang abutin dahil nagulo na ang isip ko.

Lumaki ako na mahirap intindihin bigla ako nagbago.  Ang isang batang mabait at sunod-sunuran sa magulang at naging palaban. Takot ako sa mga lalaki pero gumagawa ako ng paraan na mapalapit sa kanila.  Magaling umakit at humalina sa kanila. Isa akong babaeng lapitin ng lalaki at mahilig ako sa panandaliang aliw. May paraan ako na paibigin sila at basta na lang iwanan. Kasi nga ayoko na magkaanak di ba? Para ano pa at makipagrelasyon ako ng matagalan kung ayoko naming  mag-asawa at magka-anak?

Marami akong lihim.  Sa likod nito kasama na doon ang paghihiganti sa mga ka lalakihan. Inaakit ko sila pero ayoko sa kanila, galit ako at kahit kailan wala akong lalaki na minahal ng totoo.  Lahat ng yun ay laro lang. Habang lumalaki ako, gusto ko lang makaisa at maghiganti. Masarap kasi ang pakiramdam na may lalaki na gusto ako, naglalaway at pinaparamdam ko na ganun din ako.  Pero nagsusuka ako sa tuwing matapos na ang lahat. Galit ako sa mga lalaking manyakis at naawa ako sa mga babae na biktima ng pang-aabuso nila. Kaya pakiramdam ko,  sa bawat lalaki na nahalina ko at naloko, naiganti ko na rin ang lahat ng kababaihan.

Marahil nakalilito ang kwento ko at magtataka ka kung bakit ako ganito. Siguro naman maiintindihan mo kung malaman mong biktima ako ng child abuse. Inabuso ako ng ligaw na lalaking demonyo nung bata pa ako.  Ginulo niya ang araw na ako’y naglalaro mag-isa at inaaliw ang sarili. Sa aking pag-iisa naghanap ako ng kasama pero hindi ang tulad niya. Sa murang edad ay hinalay niya ako ng paulit-ulit. Sinira niya ang pagkatao ko at naglaho lahat ng pangarap ko.  Dahil saginawa niya, hindi ko siya kayang patawarin. Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, sana wala na akong inilihim pa. Pero ang lihim na ito ay mananatiling lihim habang buhay. Kung isa ka man sa lalaking sinabihan ko na mahal kita, gusto kita at pinaasa, ngayon alam mo na isa ka lang din sa aking biktima.

Dahil sa galit ko sa mga lalaki, nawala na rin ang tiwala ko at nasira ang aking buhay. Tunay nga na hindi maganda ang ugali na naghihiganti sa kahit anong paraan. Dahil ang basag na salamin ng buhay ko, wala nang ibang makikita sa tuwing ako’y nakaharap maliban sa demonyo ng nakaraan ko. Nang dahil sa salamin na maagang nabasag, nagkaroon ako ng takot na harapin ang bukas. Ang mga batang biktima ay nagkakaroon ng trauma.  Kung ano man ako ngayon, salamin ito ng nakaraan ko at kung ano man ang magiging bukas ko hindi ko alam.