Nurse uniform (Photo credit: nikkatex)

Nurse uniform (Photo credit: nikkatex)

Bayad nga po, isa, estudyante.”

Sobrang na-miss ko nang sabihin ‘yon.

Isang araw habang nagtutupi ako ng mga damit ko, nakita ko yung uniform ko nung college. Maputi pa din pero hindi mo maipagkakailang nakulong na siya ng matagal sa loob ng damitan. Pinagmasdan ko ito ng matagal, saka biglang bumalik ulit ang alaala ng lahat. Dahil sa uniform kong kupas.

Ang sarap maging estudyante. Siguro kung ako ay bibigyan pa ng isang pagkakataong mag-aral (at tuition na din), mag-aaral ako ulit. Para lang matawag ulit na estudyante. Oo, dumadating yung oras na nakapapagod na at kailangan nang magpahinga. Pero ngayon naisip ko na mas masaya pala yung busy sa pag-aaral tulad dati.

Nakaka-miss yung pressure pag major exam na bukas at ngayon ka lang nagpupuyat para mag-aral. Nakaka-miss yung puyat dahil galing ka sa duty buong gabi at kinabukasan may return demo o lecture pa sa eskwelahan. Nakaka-miss yung adventure mag-isa pag hinahanap yung hospital kung saan ka magdu-duty. Nakaka-miss yung pagod sa pag-uwi.

Nung isang araw ay nagpunta ako sa isang bookstore malapit sa amin. Ano pa ba ang makikita sa loob ng bookstore? Ang daming ballpen, ang daming yellow pad, ang daming makukulay na notebook. Saka ulit ako nagsisi. Naalala ko kasi nung college lalo na yung malapit na yung graduation, nanghihingi na lang ako ng bondpaper sa katabi ko kasi ubos na yung pages ng notebook ko. Minsan nga pati ballpen pa kasi ang dahilan ko naiwan ko, yun pala kinalimutan ko talaga. Ngayon parang gusto kong bilhin lahat ng mga notebook at iba’t ibang kulay ng ballpen sa dun sa tindahan. Yun nga lang, wala na akong paggagamitan.

Yung mga oras na tambay ka sa loob ng internet room o library pag vacant. Yung mga oras na nasisira yung payong dahil sa lakas ng hangin at ulan. Yung saya pag sinususpinde ang klase. Yung kaba pag na sa-stranded ka dahil signal number 3 na pero pumasok ka pa din, may baon kasi.

Isusuot ko sana yung uniform ko ulit, pero maliit na. Babalik sana ko sa nakaraan pero huli na.

Pagkatapos ko titigan yung uniform ko ng matagal, tinupi ko na ulit ng maayos saka nilagay sa tama niyang lagayan. Sa puso ko, alam kong isang araw bubuksan ko ulit ‘yon, at hinding hindi ako magsasawang titigan ulit. Dahil kahit kailan hindi matutumbasan ang  saya na hatid ng mga ala-alang nakatago sa uniform kong kupas.