Education for the future (Photo credit: shouldigotocollege)

Education for the future (Photo credit: shouldigotocollege)

“Nabibili ko naman lahat ng gusto ko, bakit pa ako mag-aaral?”

Ito ang problema sa bansang ‘to. Palibhasa maunlad, kaya ang mga kabataan, madalas, mga materyal na bagay na lang ang basehan sa kaunlaran ng buhay. ‘Yung nasa itaas ang mabilis na isinagot sa akin ng kaibigan ko dito noong tanungin ko siya kung may balak pa ba siyang mag-aral. Dagdag pa niya, wala naman daw siya sa Pilipinas kung saan kailangan talaga mag-aral ng mga tao para mabuhay ng masagana, kaya wala na daw siyang ibang nakikitang dahilan para bumalik sa eskwela.

Mula nung araw na nakausap ko ‘yung kaibigan ko na ‘yun, bigla akong natakot at kinabahan, haluan mo pa ng pagkadismaya at pagkalungkot. Ganito na nga yata talaga ang buhay ng mga kabataan ngayon sa ibang bansa, at sa tingin ko, isa itong napakaseryosong problema na kung hindi pagtutuunan ng pansin, maaring magpabagsak sa mundo sa pinakamalupit na paraang ni hindi mo kayang isipin. Normal na sa mga bata dito ang magkaroon ng mga mamahaling cellphone tulad ng iPhone o Blackberry o kaya ng MacBook at kung anu-ano pang mga mamahaling gadgets na hindi ko na maunawaan. Ang pinakamatindi sa lahat, ang pagkakaroon ng sariling kotse ang isa sa mga pinakanormal na bagay na puwedeng mangyari sa buhay ng isang kabataan – kasing normal ng pagkakaroon ng buwanang dalaw at first pimples because of a first crush.

Tapos bigla kong naisip, ano na ang magiging kinabukasan ng mundo pagdating ng panahon? O ‘wag na nating palayuin pa, paano na ang buhay ng mga kabataang katulad ng kaibigan ko? Nakaaawa. Nakaaalarma.
Dahilan pa ng isang kaibigan kong Canadian, hindi na rin daw niya kailangan mag-aral kasi may trabaho naman daw siya, ‘yung iba nga daw na naka-graduate na sa college e walang mahanap na trabaho, “so what’s the point of studying?” Tapos hindi ko na siya sinagot, naunahan na ko ng isang malakas na buntung-hininga sa isipan ko (o kaya hindi ko lang kayang mangatwiran sa english). Gusto ko man silang kumbinsihin na mali talagang sayangin nila ang buhay nila ng dahil lang sa maling pangangatwiran at paniniwala, wala rin naman akong magagawa.
Sobrang mahal ang pag-aaral dito. Kailangan mong gumastos ng higit sa $10,000 kada taon para mairaos ang buhay kolehiyo. Pero hindi ko rin naman nakikitang hadlang ‘yun sa pagtupad ng mga pangarap ng isang tao dahil mayroon namang student loans na ibinibigay ang gobyerno para sa mga gustong ipagpatuloy sa mas mataas na level ang kani-kanilang pagkatuto. Kaso wala e, bulag na ang mga kabataan ngayon. Sabi nga ng katrabaho kong matanda na halos dalawampung taon nang nagtatrabaho sa pinapasukan namin, “Having false beliefs when I was young is the biggest regret that I have in my life. I can’t change it now no matter what, so don’t be like me.” Nakabisado ko ‘yung sinabi niya, naramdaman ko kasi ‘yung tindi ng pagsisisi sa puso niya at ang masakit na katotohanang hindi na niya mababago ang kung anumang panghihinayang niya sa buhay niya ngayon. Kaya ako, eto, kahit na hindi naman ako ganoon kagaling sa english at hindi rin naman ganoon katalino, naglakas-loob akong mag-aral sa university – dahil may pangarap ako at ayokong sa pagtanda ko sa mundong ‘to, mabalutan ng nakalalasong pakiramdam ng panghihinayang ang buong pagkatao ko.

Hindi totoong nakaiinggit ang mga kabataan dito sa ibang bansa, kundi nakaaawa kung tutuusin (pero s’yempre, hindi naman lahat). Mas naiinggit ako sa mga kaibigan ko sa Pilipinas na ginagawang profile picture ang larawan nilang naka-toga kaysa sa kaibigan kong kabibili lang ng bagong kotse dito. Higit pa sa pinakamakinang na dyamante sa mundo ang edukasyon, kaya kapag nakuha mo, hindi lang sapat ang isang malalim na buntung-hininga habang nakangiti.

Hindi naman tumitigil sa pangangarap ang isang tao, kahit ano man ‘yun. Naniniwala akong kahit  hanggang sa pagtanda, nakakabit pa rin sa bituka ng tao ang pangangarap. Mag-aral ka, hindi dahil sa pera  o sa kahit anumang materyal na bagay, kundi dahil mahal mo ang sarili mo at ang mga taong nagpapahalaga sa’yo, lalong-lalo na ang mga magulang mo. Hindi ka naman gusto ng mga magulang mo na maka-graduate nang dahil lang sa iniisip nilang isa kang investment, kundi dahil ‘yun ang opisyal na hudyat na alam nilang kayang-kaya mo na nga talagang makipagsabayan at makipaglaban sa mapanlinlang  na mundong ‘to at sa ganoong paraan, mapayapa na silang e-exit sa mundo… kapag may mga apo na sila sa talampakan. ‘Wag kang basta-basta makuntento sa kung anumang mayroon ka ngayon habang bata ka pa. Hindi ka naman habang buhay na susuportahan ng iPhone 4S at Ipad 2 mo. Hindi ka rin maihahatid sa dulo ng tagumpay ng marangya mong kotse, at hindi ka lubusang magiging maligaya ng dahil lang sa ma-”swag” ka (na hindi ko lubusang maisip kung ano ang dahilan ng pagsulpot ng yaring salita). Mangarap ka para sa sarili mo, tuparin mo ang mga pangarap mo, at sa kadulu-duluhan, karapat-dapat kang magkaroon ng tapik sa balikat.

“A human being is not attaining his full heights until he is educated.”
-Horace Mann