Wikang Pilipino (Photo Credit : Littleclassroom.wordpress)

Huli kong naging trabaho sa Manila bago ako lumipat ng Dumaguete ay sa PETA, o ang Philippine Educational Theater Association. Anim na taon mahigit ako naroon bilang Marketing and Corporate Communications Executive.

Pero hindi iyon ang punto ng isinusulat ko ngayon. Ang punto ng editoryal na ito ay patungkol sa kaganapan na ipinagdiriwang sa buong bansa ngayong buwan ng Agosto. Oo, tama po kayo, ito ay patungkol sa selebrasyon ng Buwan ng Wika.

May isang musical play ang PETA, isang orihinal na play na isinulat at idinirehe ng mga Pilipino. Ang pamagat ng palabas na ito ay Batang Rizal.

Ang Batang Rizal ay tungkol kay Pepito, isang elementary student sa Mababang Paaralan ng Rizal na nagkaroon ng kakaibang karanasang makabalik sa nakaraan at makilala ang isang batang Rizal – si Pepe – na kaedad niya. Naging magkaibigan sila sa nakaraan at nakiusap si Pepe na kung maaari ay makapasyal din ito sa panahon ni Pepito – sa kasalukuyan.

Nang makarating sila sa paaralan ni Pepito, natuwa si Pepe na naging sikat pala siya pero mabilis itong nasupalpal ni Pepito. Nagkataon lang na nagdiriwang ng Buwan ng Wika kaya ito naaalala. Buwan ng Wika lang din napagbibigyang magsalita ng wikang Filipino ang mga estudyante dahil ang global language ay English at kailangang alam nilang magsalita niyon. Ang sumunod na linya doon ay masama ang tama sa akin noong narinig ko. Ang sabi ni Pepe,

“Ingles? Bakit? Hindi ba tayo uunlad na gamit ang sarili nating wika?”

Sabi nga ng kadalasang nakikita kong reaction sa text o sa kung saan…. TOINKZ!

Naiisip ko ngayon iyong mga batang minsan nakakasalubong ko o nakakasabay sa kung ano’ng party or pagtitipon. Ang salita nila ay Ingles kumpleto pa sa American twang. Minsan habang nakikipag-usap ako sa isang magulang na interesado sanang i-enrol ang kaniyang anak sa summer workshop ng PETA, tinanong niya kung ano ang medium of instruction. Nang sinabi ko Filipino, sabi niya baka mahirapan ang anak niya. Tinanong ko, foreigner po ba ang anak niyo? Sabi niya hindi. Sabi ko talaga, Aba’y bakit hindi marunong ng Tagalog? Wala namang maisagot sa aking matino ang pobre kong kausap.

Uulitin ko… TOINKZ! May gusto pa akong idagdag… DUH???

Nakakalungkot at nakakainis isipin na masyado nating isinasantabi ang paggamit ng sarili nating salita dahil pakiwari natin mas mataas ang antas ng pagsasalita ng Ingles. Para sa ilan sa atin, iisiping nasa alta de sociedad tayo kung ang salita natin ay Ingles. Pero iyon na nga, hindi ba tayo uunlad kung ang sariling wika natin ang gagamitin?

Wala akong sinasabing hindi tayo dapat nagsasalita ng Ingles. O na hindi natin dapat pinahahalagahan iyon. May katotohanan din naman kasi na sabihing iyon nga ang global language. Pero para kalimutan natin ang halaga ng sarili nating salita para paboran ang lenguaheng banyaga? Aba’y kalimutan na din natin ang sarili nating pagkatao. Bakit? Sa palagay ba natin, kapag pinigilan natin ang mga anak nating matuto magsalita ng Tagalog o Bisaya o Ilocano o ng kung ano pa mang lenguahe mayroon tayo sa pulo-pulong isla ng Pilipinas, magiging bihasa sila sa wikang Ingles at masisiguro niyon ang kinabukasan nila? Nasaan na ang tinatawag nating National Pride? Hindi kaya dapat mas iyon ang pinahahalagahan natin?

Hindi ako pinalaki ng mga magulang ko na nagsasalita ng Ingles. Sa katunayan, hindi ako naging magaling magsalita ng Ingles hanggang noong nasa kolehiyo na ako. Pero naging balakid ba iyon para sa pag-unlad ko bilang isang propesyonal? Nasa larangan ako ng public relations. Isa akong manunulat. Papiliin mo ako sa kung ano’ng mas sanay akong gamitin, Ingles o Tagalog, sasabihin ko sa iyong kahit alin. Paano ko nagawa iyon? Mahal ko ang salita. Mahal ko ang kung ano ang sarili ko. At iyon ay pagiging Pilipino. Marunong. Matalino. May ipagmamalaki.

Ikaw? Ano’ng ipinagmamalaki mo?

(article first appeared in http://www.cosca.edu.ph/?q=node/307, August 18, 2010)