Family (Photo credit: Fil.wikipilipinas.org)

Sa isang baryo mayroong mag- anak na sanay sa hirap kaya naman lahat sila ay nagsisikap para makaahon sa hirap. Bilib ako na kahit sila ay maliliit pa tulungan sa gawaing bahay.

Palagi nga silang ginagawang halimbawa ng aking inay kapag kami ay kanyang pinagagalitan. “Gayahin n’yo ang mga anak ni Abing! Masisipag at naghahanapbuhay, o baka gusto n’yong gayahin ko din ang pagdidisiplina ni Abing, walang trabaho walang kain?”

Iyan ang malimit kong naririnig kay inay. May punto siya dahil kaming magkakapatid ay kuntento na kung anong mayroon kami, hindi namin nagagawa ang mga bagay na nagagawa ng aming kapitbahay, kaya naman mahirap pa rin ang aming buhay.

Si aling Abing ay maraming supling, pero naitataguyod nila ang kanilang mga anak na makapag aral, minsan makikita ko sila sa anihan ng palay, ako naman sa kahuyan iyon lang ang kaya kong gawin ang mangahoy, paano naman kasi allergic ako sa palay, minsan andun din ako umani ng palay pero wala pang dalawang oras namula na ang aking katawan lalo n anag aking mga kamay at braso at sobrang kati namantal ang katawan ko, naalala ko galit na galit nga si inay noon, “alam mo namang puro na allergy yang balat mo may lakas ka pa ng loob na mag punta sa palayan! ayan tignan mo ang resulta ng katigasan ng ulo mo, pati ako na nadidisturbo!” galit si inay paano kasi sa gabi kamot ako ng kamot at si inay ang pinapakamot ko.

Hindi diyan ang kuwento ko, mabalik tayo sa kapitbahay ko, hindi naman tsismis ito naisip ko lang ikwento basta alam ko may aral eto. Lumipas ang panahon nakatapos na sila ng pag aaral, ganun lang ang buhay, nag aani ng palay, nangangahoy, minsan gumagawa ng banig, makikita mo kabilaan pa iyan, para madaling matapos, sipag at tiyaga talaga, minsan nagtitinda din sila ng mga gulay, kahit dalawang peso ang tubo okey na o limang peso kaya. Lahat silang magkakapatid ganun ang ginagawa. Samantalang kami ni inay ay nagluluto ng pansit minsan spagetti, minsan hotcake, iyan naman ang itinitinda namin lalo na kapag pasukan, kanya kanya kami ng bitbit niyan at halos mga kaklase namin ang bumibili, kapag naubos may dalawang peso ako niyan, pili kami ng suhol pera o paninda. Ganun lang hanggang sa lumaki na kami.

Sino ang mag -aakalang makatapos sila at makapag-abroad? Una nabigo, minalas sa amo, umuwi pero sinuwerte naka apply ulit western country na. Talaga palang ang tao kapag naka-angat na medyo nag iiba din ang way of living, medyo class na, syempre abroad di ba? Pinaghirapan naman nila yon bago marating kaya siguro ganun talaga. Ang isa nag Hongkong, mahigit 150 thousand pesos ang nagastos sa placement fee palang yan isang linggo lang naterminate na ng amo dahil lamang nakabasag ng isang pigurine habang nililinis ito, ganun pala sa Hongkong ang ibang amo? So ito, ang mga magulang niya galit na galit sa kanya lalo na ang asawa ni aling Ibang.

Kami naman highschool lang ang natapos namin, at ilang taon pa ang lumipas bago ako nakapag-kolehiyo, ganun din ang isang kapatid ko. Sa hirap ng buhay kailangan talaga magsumikap, kahit anong trabaho sige lang importante mapagka-perahan. Trabaho aral ang ginawa ko, naroong gumagawa ako ng pulboron ibinibenta ko sa mga may tindahan, tapos iyon na nag baon namin, minsan sandwich na mayonnaise ang palaman, kahit singkuwenta sentimo lang ang tubo ang importante may income at dagdag na naman ng puhunan, pagdating sa bahay mag ba-barbique kami, at fishball, malaking tulong sa pang araw-araw namin, tiis lang talaga. At nakapag abroad din ako, kahit maliit ang sweldo okey lang naman dahil kahit papaano natustusan ang pag aaral ng mga kapatid ko.

So napauwi na ang kapitbahay ko, narinig ko sabi pa ng itay nya, “huwag siyang umuwi dito, kundi lulumpuhin ko siya!” galit na galit, lasing eh masama ang loob paano kasi malaki ang nagastos na pera para maka abroad tapos nawala lang bigla deport pa sya diba? ganun pala ramdam ko ang sakit parang nakikita ko ang sarili ko, galing na ako ng Saudi noon, “paano pala kapag ako kaya ang nagkaganito? gaganyanin din ba ako ng mga magulang ko? Porke’t hindi ako sinuwerte hindi na ako makakatuntong sa bahay na kinalakihan ko?”

So hindi nga umuwi sa amin ang kapitbahay ko, sa manila siya nanatili at nag apply ulit sa tulong ng kapatid niyang nasa abroad din, medyo malaki ang sahod nila western eh, kaya afford naman nila yon, ang kapatid mismo ang naghanap ng amo sa lugar kung saan ito nagtatrabaho. Gabi gabi naman maririnig mo ang panenermon ng ama nila sa mga natitira pang mga kapatid nila. Panay parinig. Nakaalis na ako dito na ako sa UAE, at balita ko nalang na nakaalis na din ito at mga ilang buwan pa bongga na sila, isang taon na siya doon sa western country, nakabili ng lote at nakapagpatayo ng bahay, napagawa na rin ang bahay ng mga magulang, at masasabi kong swerte sila sa pag aabroad at ganun na rin sa buhay.

Ipinagmamalaki na ng magulang lalo ng ng kanyang ama, taas noo na at ang anak ay naibibigay na ang pangangailangan nila at napag aaral pa ang mga natitira pang maliliit na mga kapatid. Mahigit na dalawang taon ang nakalipas, nakauwi na din ang kapitbahay ko, at sabi nga ng nanay ko sinundo pa ng mga magulang sa manila airport ang anak nito. At kinabitan pa ng hikaw ang anak ko na nagpunta sa bahay nito. Sila na noon ay nakaranas din na mabigo at halos nagtiis ng hirap ngunit hindi sumuko sa hamon ng buhay. Ang lahat ng iyon ay hamon lamang sa ating kakayahan, na kapag nabigo ka sa una ay titigil kana ba o iyon ang gawin mong sandata para lalo pang magpursige at magtagumpay?

Pero talagang ganyan ang buhay di ba, lahat naman may pagbabago lalo pa nga at kapamilya mo ito. Masaya ako para sa kanila, nasasabi ko sa sarili ko na walang mahirap sa taong nagsisikap, nakakayang abutin ang pangarap basta may pagsisikap, determinasyon at tiyaga. Isipin mo, mga taong dati ay halos isang kahig isang tuka pero ngayon ay tinitingala, may naipundar na bahay at lupa, ginagawang halimbawa na magpahanggang ngayon sila pa rin ang ginagawang halimbawa ni inay, sila daw ang aming gayahin para kami man ay may marating din.

Ako ay sa middle east lamang at nagtitiyaga ng sahod na sampung libo sa isang buwan. Sa kaka-facebook ko nagkaroon ako ng idea sa networking, dito sa Tagpuan ng mga OFW (new version) ko rin natagpuan, sinubukan ko at inalam ito. Sa ngayon ay malaki ang naitutulong nito sa akin, at lalo na sa pamilya ko. Nadagdagan ang source of income ko, kung noon palagi akong kinakapos, ngayon medyo nakaluwag na rin sa tulong ng pagnenetworking ko. Sakin tagumpay ko na etong maituturing at siguro sa iba wala pa etong narating ko kumpara sa kanila, pero ang lahat naman ay napapanahon, kahit anong pilit mo na maabot kung hindi pa ukol para sayo ay hindi mo talaga maabot ito sapagkat ang Diyos lang ang tanging nakakaalam kung kailan ka niya iaangat, na naaayon sa tamang panahon, kaya habang may buhay pa at habang may lakas pa ay huwag lang tumigil sa pagsisikap, at huwag makalimot sa May Likha sa paghingi ng patnubay at gabay saan ka man makarating sa iyong paglalakbay.

It’s never too late para sa gustong magtagumpay, pero tandaan na kung ano man ang hangad mo na maabot huwag kang magmadali dahil wala namang shortcut sa tagumpay, aksyon lang ang kailangan samahan ng dasal at maging smart at wise, may nakatakdang panahon diyan mag antay ka lamang at huwag kang mang apak ng kapwa higit sa lahat huwag kang makalimot sa Diyos dahil siya lamang ang ating tanging gabay tungo sa tamang landas at sa tagumpay. Nawa’y nakapulutan ng aral ang aking kwento, at makapagbibigay ng inspirasyon sa inyo kapwa ko OFW man o hindi mabuhay ka Filipino!

PAMILYA, KARAMAY SA KABIGUAN AT TAGUMPAY

BY: JFN (Flores Napat Peralta)
(July, 14, 2012)