Masaya pa rin kahit sa gitna ng kalamidad

Masaya pa rin kahit sa gitna ng kalamidad

SA mga oras na ito, ang malakas ng habagat na hinihila ni bagyong Haiku na nasa Tsina ngayon ay hindi pa rin nawawala.

Sa katunayan nga, hindi ko inaasahan na mas lumakas pa ito kumpara nitong mga nakaraang araw at salungat na rin sa weather forecast ng PAGASA. Well, hindi ko naman masisisi ang ulat ng kanilang ahensiya gayong alam naman nating lahat na ang forecast ay walang kasiguraduhan. Nakalulungkot lang dahil pinapasok pa rin ang mga pribadong manggagawa sa kanilang mga trabaho kahit na alam naman ng marami sa atin na hindi pa tayo nakakaahon sa delubyong naranasan natin nitong mga nakaraang araw.

Ganunpaman, ang isa sa mga layunin ng paskil na ito ay upang pasiglahin at paalabin ang ating mga moral sa gitna ng kalamidad na ito. Oo, walang bagyo ngunit naniniwala ako na may kalamidad na pilit na sumasakop sa ating mga isip at puso. Ang kalamidad na ito ay ‘takot’.

Aaminin ko, natatakot ako para sa ating mga kababayan na talaga namang malubhang naapektuhan ng malakas na ulan na nagdulot ng mataas na pagbaha. Ngunit ano naman ang magagawa ko, diba? Kaya ko bang isugal ang buhay ko para sa ibang tao? Kaya ko bang mag-volunteer upang makatulong sa pag-re-repack ng mga relief goods? Kaya ko bang magbigay ng malaking halaga ng salapi upang matustusan ang pangangailangan ng iba?

Ang sagot ko ay- hindi. Marahil kaya ko pero sa ngayon ay hindi ko kaya.

Ganunpaman, nais kong ipakita sa inyo ang isang pormula na makakapag-resolba ng kahinaan kong ito na masasabi ko rin na taglay din ng ilan sa ating mga kababayan. At ang solusyon upang mawala ang takot? Pagtanggap.

Kinakailangang tanggapin mo ang iyong kahinaan, ang mga bagay na hindi mo kayang gawin. Tanggapin mo na wala kang halaga at ikaw ang pinaka-mababa sa lahat. At kung tapos mo ng tanggapin ang katotohanan sa likod ng mga pangyayaring ito, naniniwala ako na ikaw ang pinaka-magiging malakas sa lahat ng tao na nais magsilbi sa iba sa hinaharap.

PS: Karagdagang ingat po, mga kababayan.