Balikbayan Box (Credits: http://www.cakecouturebytrina.com

“….Opo, ok naman po kami. Opo, sinabi ko na po”

“….Ah, lola, salamat po dun sa padala”

“….Opo, mag-eenroll na po ako next week.”

“….Ingat po kayo diyan, sino po kausapin n’yo? O sige po, bibigay ko po.”

 

Di lang minsan na narinig ko yung usapan na yan. Di ko alam kung gaano na kataas ang lahat ng phone card na naipon niya kung pagpapatung-patungin, basta alam ko, lumaki ako at nagkaisip na boses ang karamihan ng alaala ko sa kanya. Lola ko yung kausap ko noon, naalala ko kung paano niya ko alalahanin tuwing malapit na ang enrollment. OFW si Lola, kasama sa higit kumulang na 2.2 milyong na Pinoy (wala pa diyan yung malakas loob na nakikipagsapalaran ng di legal) na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nasa tiyan pa lang ako ng aking ina, kumakayod na siya sa ibang bansa. Nagsimula sa Kuwait, tumagal din siya ng ilang dekada doon, tapos lumipat sa Amerika. Hanggang ngayon, nandoon pa din siya, ganap ng citizen ng Amerika, legal ng pwedeng mabuhay sa bansa ng “gatas at pulot”. Pero tuwing magkukwentuhan kami, pag-uwi pa din sa Pilipinas, pag-uwi pa din sa pamilya ang pinanabikan niya. Hindi pa ako nakakapagtrabaho sa ibang bansa, pero tulad ng karamihan ng pamilyang Filipino na may kapamilya sa abroad, mulat ako sa kwento nila.

Bagong bayani, yun daw ang mga Overseas Filpino Worker, mga taong mas piniling malayo sa pamilya, malayo sa anak na nagsisimulang lumaki at magkaisip, malayo sa asawa, malayo sa magulang at kapatid para lamang mabuhay ng mas maginhawa. Sila na pinipiling sumuong sa lugar at sitwasyong di nakasanayan, pikit-mata at buong tibay ng loob na susubukang makibagay, mabigyan lamang ng mas magandang pagkakataong mabuhay ng mas matiwasay ang mahal sa buhay.

Nang una kong ginawa yung blog ko, gusto ko lang magsulat, gusto ko lang isalin sa papel ang lahat ng mga bagay na nasa utak ko. Pero lumipas ang buwan, nagsimula akong makatanggap ng mga komento, mga mensahe sa mga taong nakabasa ng mga sinulat ko. Dun ko nalaman, karamihan pala ng nagbukas ng pinto nila para patuluyin ang mga kwento ko ay mga OFW. Sa mga pribadong mensahe nila, punong-puno ng pagpapasalamat sa bawat piraso ng babasahin na sandali daw lumibang at nagpalimot sa lungkot nila. Mga mensaheng mula sa iba’t ibang bansa ng globo, pero iisang dahilan sa paglisan sa bansang sinilangan. Hindi pansarili, kundi para sa pamilyang kinabibilangan. Sa pakikipagpalitan ko sa kanila ng kwento at mensahe, madaming katotohanan na dati sa lola ko lang naririnig ang napagtibay ko. Mula sa mga kwento nila, at pagtitiwalang maibahagi ang kanilang karanasan, naisip kong, hindi naman kalabisan na bigyan ng puwang ang mga pinakadakilang tao na nakilala sa gagawin kong libro. Ilan sa katotohanan sa mga OFW o pagiging isa ganito ay:

1. Hindi tamang tawaging di edukado ang OFW na nagtatrabaho bilang domestic helper o construction worker. Magugulat ka, na ilan sa pinakamatatalinong tao ay ganito ang nilunok na trabaho. Hindi sila mga taong basta na lang nanilbihan sa ibang lahi dahil gusto nila ng pera, kung iisipin mo, gaano kabigat ang dahilan ng isang taong tapos ng kurso sa kolehiyo at natiis na magtrabaho bilang katulong o helper, mahirap hindi ba? Kaya sobrang taas ng respeto ko sa mga Pinoy na DH o construction worker o iba pang may blue-collar job. Mababa man ang tingin ng iba lahi sa dangal nila, sana tayong mga Pinoy, wag silang ikahiya. Dahil kung itatanong mo kung anong mabigat na dahilan at pinili nilang manatili sa trabahong yun, isang salita lang, pamilya.

2. Hindi lahat ng OFW ay sobra-sobra ang pera. Ng panahon na nagbabalak akong umalis ng bansa, nagsimula akong mag-apply sa mga agency. Napili kong magtrabaho nun sa Singapore, bilang batang-batang nurse, sa edad na 20 anyos, limitado pa ang bansang pwede kong puntahan. Ang sweldo ko, aabot ng 27,000 isang buwan, ang gastos ko medyo malaki, kasi sa placement pa lang aabot na ng 80,000 thousand. Di ako tumuloy, hindi ko kaya yung ganung gastos. Punto ko sa pagkukwento nito, madami sa kapwa natin Pinoy ang nagtatrabaho ng mas mababa pa dun ang sweldo, pero sila, buong tatag ng kalooban na tumuloy sa kabila ng di kalakihang sweldo. Sana naman, wag nating isipin na parang tuyong dahon lang na pinupulot yung pinapadala nila. Sana naman wag nating isipin na napakadali sa kanila ang lahat-lahat sa kinalalagyan nila. Mahirap ang kalagayan nila, maniwala ka, tayo nga na andito sa sarili nating bansa, kamukha mo na ng nationality ang kapitbahay mo, minsan hirap ka pa, sila pa kaya, nag-iisa sa kinanalagyan nilang bansa? Kaya sana, gastusing mabuti yung pinapadala nila sa paraan na kasing bigat ng pagpapahalagang ibinigay nila para kitain lang ito at maipadala sa pamilya.

3. Ibang kalaban ang lungkot ng pag-iisa. Nang minsan dumating ang pagkakaton na naging sobrang hectic ng schedule ko sa work, kinailangan kong pumasok ng Sabado at Linggo, napilitan akong tumira sa boarding house ng ilang buwan. At aaminin ko, sa mga oras na mag-isa lang ako sa kama, o mag-isang kumakain sa mesa, minsan man may kasama pero di ko naman maituring na kapamilya, iba ang pakiramdam. Ramdam na ramdam ko ang pag-iisa. Ramdam ko ang kawalan ng sigla, tipong iba ang lasa ng pagkain, ang hirap tumawa. Paano pa kaya ang kagaya nila, mga taong di kasama sa Pasko o Birthdays ang iilang taong gustong-gusto nilang makita. Mga taong nag-iisa, sa bansang itinuturing pa siyang iba. Sinasabi nila na sanayan lang, siguro nga totoo yun, sanayang magtago ng nadadarama, pero yung katotohanang dumadating ang gabi na aakapin na lang nila ang unan at iniisip na sana isa kayo dun, yung mga sandaling yun, di yun nawawala. Mga ganung bagay, kahit kailan, di ka dun masasanay.

4. Minsan, simpleng lambing lang ang hanap nila. Maswerte siguro ang makabagong henerasyon ng OFW ngayon kumpara noon, lahat ng access para sa communication sa pamilya, meron na sila. Kaso minsan, nasa atin na nasa Pilipinas ang pagkukulang. Hindi tayo tatawag o magtetext dahil mahal ang rate pag tayo ang gagawa noon kaysa sa kanila. Naaalala ko pa dati kung paano kami pinalaki ng magulang namin na laging gumagawa ng sulat para kay lola, kahit pa parang dinaanan ng sampung manok na sinapian ng masamang ispirito ang papel na sinulatan ko, ayos lang, basta ang importante, may pagpapakita kami ng pag-aalala sa isang tao na nagsasakripisyo para sa amin. Huwag naman sana na kaya lang makakaalala ay kapag magtatanong na ng padala, o kung may gamit na ipapabili sa kanila. Sa dami ng paraan ngayon, at sa dami ng maari mong gawin, huwag sana nating hayaang maramdaman nila ang pagiging malayo at pag-iisa, minsan, simpleng lambing lang, ok na sila.

5. Wag magtampo kung di ka napagbigyan. Para sa pamilya, kung dadating man ang pagkakataon na hihiling kayo at di mapagbibigyan, sana walang tampuhan. Kung masakit sa inyo ang di mapagbigyan, isipin mo na lang kung gaano kahirap sa kanila na tiisin na di mapagbigyan ang hiling sa kanila. Matutong unawain sila, na minsan, kailangan din nilang paglaanan ang sarili nila. Minsan, hayaan naman natin silang ma-enjoy yung pinaghirapan nila. Kung nililimitahan man nila sa paggastos ang pinapadalan nila, hindi naman ito pagdadamot, bagkus eh pagpapaalala, na hindi habang buhay ay punong-puno ng laman ang “balon ng yaman”, hindi laging maaraw sa buhay ng tao. Tinuturuan ka nila, na dapat ang paggasta may kwenta, dahil pinaghirapan nila ang bawat ipinapadala. Bata pa lang tayo alam na natin ang kwento ng langgam na nag-iipon para sa tag-ulan, masyado namang kapabayaan kung di natin ito matatandaan. Wag mo nang intayin na langgamin ka para maalala ang pag-iimpok. Tinuturuan ka nila, na dapat ang paggasta may kwenta, dahil pinaghirapan nila ang bawat ipinapadala.

6. Ano man ang sabihin, pamilya pa din ang una sa isip nila. Ano man ang bitawang salita ng isang OFW, ano mang tampo o away ang mamagitan, pamilya pa din ang nasa unahan ng kanilang listahan. Ang Pinoy, literal na gagawin lahat para sa pamilya nila. Hindi sapat ang isang trabaho, hindi sapat ang isang part-time, hanggang kaya tumayo at gumalaw ng hapong katawan, kikilos ang Pinoy. Dahil ang bawat sentimong bayad sa pagod nila, iniisip nila, ay may katumbas na saya ng pamilya. Kasal ng anak, binyag ng apo, matrikula ni bunso, kahit na nga panggastos para sa panganganak ng manugang o kapatid, pangbili ng gamot ni tatay, pangbayad ng hospital bills ni nanay, lahat yan, pasok sa listahan ng kailangang paglaanan. Kayang-kayang saidin ang sariling bulsa, malaman lamang na ok ang pamilyang malayo sa kanya. Mangungutang at lalapit sa lahat ng kapwa niya OFW, wag lang marinig na di maayos ang lagay ng mahal niya sa buhay. Ang buhay nila, nakadugtong talaga sa pamilya.

7. Hindi lahat ng “OK” sa kanila ay OK talaga. Kung may natutunan ako sa pakikipag-usap sa mga OFW, hindi lahat ay  maswerte sa trabahong napuntahan nila. Meron sa kanila, hindi ok, pero karamihan pa din sa kanila, di kayang magsabi na di sila OK sa pamilya nila. Madalas, naghihinga sila ng sama ng loob kapag nakakausap ko sila sa blog ko, ilan sa kanila napunta sa mga malulupit na amo, mga taong biniyayaan yata ng konsensiya na kasing laki lang ng utak nilang inaamag pa sa kawalan ng kwenta. Hindi iilan sa mga kababayan nating OFW, lalo na ang mga DH, ang nagtiis ng gutom, nagtiis na mamaluktot mag-isa sa matigas at maliit nilang kama sa gitna ng pagkakasakit, nagtiis mapagbuhatan ng kamay, mapagtawanan, maliitin at sabihan ng tanga. Lahat yun, dala-dala nila, at kailanman ay di binalak na sabihin sa pamilya. Kung may makakabasa man na pamilya ng OFW nito, siguro, magsimula kayong mag-alala para sa kanila, ipakita ang pagpapahalaga sa kanila, dahil hindi biro ang pinagdadaanan ng iba sa kanila.

Balikabayan box. Yan daw ang sumisimbolo sa pagmamahal ng isang OFW sa pamilya niya. Sa bawat dating ng kahon, panigurado na may laman na para sa bawat isang mahal niya. Dati nga, natutuwa ako kay lola, lahat yata ng pwedeng ipadala, papadala nya, minsan may sapatos, t-shirts, pants, hanggang bed sheet, pillow case, tuwalya minsan nga kahit sabon, juice, sandok at pati bigas, may nakukuha kami sa package na dumadating. Nung bata ako, isa lang talaga ang hanap ng mga mata ko, chocolates. Nung lumaki ako, naunawaan ko kung gaano kamaaalalahanin ni lola, na sobra pala ang pag-iisip niya para sa amin, dahil ultimo kanin na ilalaman sa gutom naming sikmura inaalala niya. Di lang basta bayani, para sa akin, nag-iisa siya.

Sabi nila, bagong bayani daw ang OFW, sa laki ng naitutulong nila sa bansa natin, walang duda nga, bayani siya ng bansang Pilipinas. Pero para sa bawat OFW, hindi parangal, monumento, certificate o isang basket ng grocery bilang pagkilala ang kailangan nila. Dahil una pa lang naman, ginawa na nila yun para sa pamilya nila. Pagpapahalaga, pag-unawa at pagbibigay ng suporta, lalo na kung manggagaling sa sarili nilang pamilya, yun pa lang siguro sapat na. Dahil naniniwala ako, higit sa pagiging bayani, Si Lola Aida, at lahat ng kagaya niyang OFW, silang lahat ay dakila, mga taong kayang lumimot ng sarili para sa mahal niyang pamilya.

 

“…OFW were nationally praised as the heroes of the new era.

What we tend to forget is, even heroes fall sometimes,

There were times when a hero became weak.

For deep inside the superficial praises, a hero usually bleeds…”

       - Mga-sulat-kamay