Wrecked House. (Photo credit: Hrsbstaff.ednet.ns.ca)

Ako si Lalay.

Masaya ako nang tumungtong ako dito Maynila kasama ang aking dalawang anghel at ang aking kabiyak. Lalo na nung nakahanap kami ng lugar upang matayuan ng aming tahanan kahit ang tawag sa amin ay “squatter”. Para sa akin ito na ang simula ng lahat. Simula ng asenso, simula ng pag-angat ng aming buhay, simula ng pag adjust mula buhay probinsya dito sa Maynila.

Suwerte pa rin kami noon. Nagkaroon  agad ng trabaho ang asawa ko. Si Romel. Kahit maliit lang ang kita sa pag co-construction pinasok niya ito. Para sa amin ayos na yung makakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Mahirap nga ang buhay, pero masaya na kaming nalalagpasan namin ito sa araw araw.

Mabilis na lumaki ang aming dalawang anghel. Si Martha at si Maria. Oo, nakuha namin ang kanilang pangalan sa biblia. Ang itay ni Romel ang nag suggest noon (aktibo kasi sila sa simbahan). Si Maria ng panganay, anim na taong gulang na siya. Nasa unang baitang noon sa elementarya. Si Martha naman ang pangalawa at nasa apat na taong gulang. Dalawang taon na din pala ang nakalilipas mula nang lumipat kami dito.

High school lang ang natapos ko. Inuna ng mga magulang ko ang mga kuya ko na makatapos. Hindi ko alam kung bakit ganito pa rin ngayon, mga babae pa rin ang pinapabayaan sa tahanan upang maglinis, maglaba, magluto at maghugas ng kinainan ng pamilya. Siguro ganun na nga lang talaga. Pero hindi ko hahayang mangyari ‘yon sa dalawa kong prinsesa. Hindi puwede.

Madami na din namang nadaanang pagsubok ang aming tahanan sa loob ng dalawang taon namin dito sa may creek. Malapit man kami sa ilog eh, suwerte pa rin dahil kahit inaabot kami ng baha eh ligtas naman kami. Yun ang mahalaga, (ay hindi) ang pinakamahalaga. Muntikan na din noong mapasama sa sunog  ang aming tahanan noong nagkasunog sa kapitbahay namin. Nasa trabaho noon si Romel, kaming tatlong mag-iina lang ang nasa bahay. Mabuti’t naagapan agad. Hindi ako mapapatawad ni Romel, lalo na ng sarili ko kapag may nangyari sa kanila.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito, Masaya padin kaming lahat. Nagiging payapa ang damdamin ko tuwing nakakauwi ng ligtas ang aking mga anak galing sa eskwela, pati na rin si Romel galing trabaho. Masaya kaming nag kwe-kwentuhan habang kumakain ng hapunan kahit isang latang sardinas lamang ang ulam. Maayos naman ang takbo ng lahat, hanggang kagabi..

Nakayakap sa akin si Martha. Malakas ang hangin, nakakatakot. Halos ilipad ang yung bubong namin. Ginising ko si Romel. “May bagyo ba?” sabi ko. Wala daw sabi ni Romel. “Wag kang mag-alala” sabi niya. “Noong Ondoy nga walang nangyari. Ngayon pa’t walang bagyo? Andito naman ako at naka-bantay.” Sabay yakap kina Martha at Maria na noong mga oras na ‘yon kahit tulog eh nagugulat sa kulog. Malamig, kinumutan ko sila. Pumanatag ang loob ko. Kasama ko sila, walang mangyayari. Yun ang pinaka mahalaga.

Kinabukasan, nagising akong umuulan pa din. Ngunit hindi tulad kagabi, mas humina ito ngayon. Kaunti lang ang tubig na pumasok sa bahay at pwede pang mawalis palabas. Medyo gumaan ang pakiramdam ko.

“Papasok ka pa?” tanong ko kay Romel. “Oo eh, yung mga bata wag mo nang papasukin. Baka abutan pa ng malakas na ulan. Alagaan mo sila ah, sabihin mo may pasalubong ako sa kanila mamaya pag-uwi.” Nakabihis na noon si Romel. Gusto ko man siya pigilan pero kilala ko siya. Hindi sya magpapapigil lalo na at medyo humina na ang ulan kaysa kagabi.

Yung mga oras na ‘yon, nakasandal siya sa pader ng bahay namin. Nakabihis na pampasok at kasalukuyang umiinom ng kape. Nagising si Maria, na matapos humalik sa akin eh pumunta sa kanya upang magpaalam. Niyakap sya nito saka sinabihang “Wag papasaway ah, kayo lang nandito ni Mama at ni Martha, dito lang kayo sa loob ng bahay at delikado. Okay?.” Sabi ni Romel. “Opo, papa. I love you” sagot naman ni Maria. Napangiti ako. Tinitigan ko si Martha na noong mga oras na iyon ay mahimbing pa din na natutulog.

Nakatingin lang ako sa mag-ama. Pagkatapos noon, hindi ko na alam ang nangyari.

Hindi ko alam pero napakabilis ng lahat. Napansin ni Romel ang biglang pagtaas ng tubig sa bahay, nabasa na nga yung pantalon nyang hanggang tuhod ang tupi. Hanggang, isang malaki at rumaragasang alon ang pumasok sa loob ng aming tahanan. Malakas iyon. Malaki at malakas. Natumba ang mga gamit. Natumba si Romel pati si Maria. Nasira ang pader na kanina’y sinasandalan ni Romel. Napasigaw ako.

“Romel!!! Maria, anak!!!”

“Ma!!!” Naririnig ko si Romel, si Maria, anak ko!

Nagising si Martha. Ngayon eh nasa higaan na namin ang baha. Napakalas nito. Rumaragasa. Sinusubukan kong tumayo. Sa isang iglap, ang payapang tahanan ay napuno ng tubig, dagat ng putik. Si Martha! Kailangan ko mailigtas si Martha! Pero pano sila Romel?? Maria??

Hindi ko alam ang uunahin, hindi ko alam ang gagawin. Hawak ko ng mahigpit si Martha, na ngayon ay umiiyak na. Hanggang dib dib ko agad ang tubig. Nakita ko si Romel, hawak nya si Maria. Lalapit ako sa kanila. Kailangan ko sila malapitan. Nang biglang lumakas ulit ang rumaragasang tubig.

Nabitawan ko si Martha.

“Martha!! Anak ko!!”

Wala na akong mahawakan. Hindi ko na sila makita, hindi ko na alam kung nasaan ako. Maraming tao, pero wala si Romel, wala ang mga anak ko. Lumingon ako sa kanan, kaliwa, sa likod, lumakas ulit ang alon, tinangay ako. Hindi na ako makahinga, nakainom na ako ng tubig. Ito na ba ang katapusan ko? Hindi ko alam kung saan nahampas ang ulo ko, pero pagkatapos noon, wala na akong maalala.

Tulala.

Nagising nalang ako ng tuluyan ng nagsalita na ang social worker na nasa harapan ko. Pinapakwento nya sa akin ang nangyari. Nagsalita ako, nagkwento. Mukha naman syang mabait kaya nilabas ko ang lahat ng nasa loob ko, habang lumuluha. Hindi ko alam kung naiintindihan nya ako, wala akong pakialam, basta nagsalita ako. Naglabas ng saloobin ko. Sinubukan nyang payapain ang loob ko. Saka pinainom ng mainit na tubig.

Andoon ako hanggang tanghali. Hanggang sa kinahapunan. Padami kami ng padami. May mga dumadagdag pa sa mga na-rescue. Nilibot ko ang lugar. Si Romel, Si Maria, Si Martha.. mga anak ko? Pero wala, bigo akong makita sila. Wala ang mga mukha nila. Nagpatuloy ako sa paglakad. Nakinig sa mga usapan. Nang may marinig ako na kwentuhan:

“Nako, doon sa may sa amin, may isa pang lalaki, kawawa naman dala-dala pa yung maliit na anak nya yata ‘yon habang tinatangay sila ng malakas na alon ng baha. Nakita noong lalaki na may nakatingin sa kanila na mga tao, siguro inisip nung lalaki na iligtas ‘yong anak nya kaya hinagis niya ‘yong batang babaeng dala niya sa mga taong nakatingin, pero wala din, hindi umabot ‘yong bata kaya tinangay pa din nung alon. Pagkatapos noon hindi na namin sila nakita. Nako kawawa naman.”

Napa-upo ako, saka humagulhol.

“Hindi! Hindi! hindi sila ‘yon! Hihintayin ko sila dito. Sabay sabay kaming uuwi. Kakain kami mamayang hapunan ng kumpleto. Si Romel, Si Maria, si Martha. Tabi tabi kaming matutulog. Sabay sabay din kaming gigising bukas, bukas, wala nang ulan.wala nang baha! Hihintayin ko sila. Hihintayin ko sila..”