The Youngest child (Photo Credit: Suite101)

Sige, ate, maligo ka na. Gamitin mo yung glutathione na binili mo sa botika kanina. Pampaganda ‘yan ng kutis, di ba? Saka pampaputi rin. Pati narin yung shampoo mong bote ang lalagyan, maganda sa buhok yun. Pampakintab at pampatuwid ng buhok, para sunod sa galaw kapag naglalakad. Magpahid ka na rin ng lotion sa braso at binti, magpulbos, make-up, maskara, eye-liner at lipstick.

Teka! Suot mo na ba yung in-order mong bra at panty na bulaklakin doon sa kapitbahay natin? Patingin nga, wow! Ang ganda naman pala. Isuot mo na rin yung mamahalin mong blusa, patungan mo na rin ng blazer para disenteng tingnan. Yung branded jeans mo, ate, h’wag mong kalilimutan. Sexy ka doon. Saka yung sandals mo, tumatangkad ka kapag suot mo ‘yon. Para ka nang modelo ate, ang ganda mo sa ayos mong iyan.

May nagtext, ate, yung touchscreen mo, baka makalimutan mo. Tumawag ka naman mamaya, para alam nina mama at papa kung ano na’ng lagay mo sa disco. Magkano ba ang hiningi mong pera kay mama? Ang laki n’yan ate ah! Magtira ka naman mamaya. Pasalubungan mo ako ng candy saka chocolate. Ingat ka ate ha, h’wag kang masyadong magpapagabi.

 Aalis ka rin kuya? Saan ka pupunta? Oh, yung facial wash mo narito. Gamitin mo para matanggal yung mga wrinkles mo sa noo. Nagpulbo ka na ba? Ang bango ah. Bagay sa ’yo ‘yang long sleeve mo kuya, uso ‘yan ngayon. Fitted tapos checkered. Saka ‘yang brown mong skinny jeans, parati kong nakikitang suot ‘yan ng mga artista, wow! Artistahin ka na kuya. Ang ganda naman ng sapatos mo, magkaano ‘yan? Ah one, two. Ang mahal, kuya ah, pero maganda. Poging-pogi ang dating mo ngayon. Yung tablet mo? Nasa bag mo na ba? Heto, kuya, headset mo, para d’yan sa ipod mo, baka maiwan mo eh. Mag-se-shades ka ba? Mainit ngayon, baka masilaw ka sa init ng araw. Nakahingi ka na rin ba ng pera kay mama? Ah talaga? Pareho kayo ni ate. Saan ba ang lakad n’yong magbabarkada? Ah, magbabar pala kayo. Ingat rin, kuya ha. H’wag kang magpapakalasing. Bawal ka daw magyosi sabi ni papa, naaamoy ka n’ya minsan. Umiwas ka rin sa gulo ha, bawal makipag-away. Doon ka ba ulit matutulog sa bahay ng tropa mo? Sige, mag-iingat ka, pasaluboog ha. Drawing book saka color.

 Ang bango naman po nang niluluto n’yo, mama, magbibigay ka po ba ulit ng ulam sa kapitbahay? Masarap daw ang luto n’yo sabi ni aling Susan. Dumaan po kanina si tita Marie, magtotong-its daw po kayo mamaya, dito na lang daw po sa atin. Papalitan n’yo po ba yung maalikabok nating kurtina? Eh yung CR? Napabanguhan n’yo na po ba? Ah, tutulungan ko po kayo sa pagwawalis ha, saka sa paglalampaso. Talaga pong parati kayong naglilinis ‘no? Kapag may parating na bisita. Isusuot n’yo po ba yung mga peke n’yong kuwintas? Para naman makita iyon ng inyong mga pekeng kumare.

Inggitin mo sila, mama, para mainis sila at hindi na bumalik dito. Awayin mo kaya? Wala na po kasi tayong ipapakain sa kanila eh, ubos na po yung bigas natin. Saka baka magalit na naman po si papa, mag-aaway ulit kayo n’yan. Iwas-iwasan n’yo na rin po ang pagbili ng mga pampaganda, matanda ka na po eh. Ang mahal-mahal pa ng bag n’yo. Lagi lang naman kayong nandito sa bahay, nagagamit n’yo pa po ba ‘yon?

 Wala na tayong pera, mama, baka pag-uwi ni papa, sabihing noodles, sardinas at itlog na naman ang ulam n’ya. Pagod kaya sa trabaho yun. Hindi mo pa nga ipinaglalaba eh. Saka yung mga hugasin, nakasalampak pa sa lababo. Nakakahiya sa mga bisita mo, nasisilip kaya nila. Puro ka na lang tsismis, mama. Isipin mo naman yung tamang pagbubudget, lubog na tayo sa utang. Hindi pa sumusuweldo si papa.  Lambingin mo rin siya paminsan minsan, para naman mapawi ang kanyang pagod kahit papaano. Sige, mama, mamaya mo na lang po ako kausapin, pagtimpla mo ako ng gatas ha.

 Uy! Papa, nand’yan ka na pala. Basang-basa ka ng ulan ah. Hindi ka ba pinagbaon ni mama ng payong? Ipagtatanggal na po kita ng sapatos, basta bigyan mo ako ng piso ha. Bibili po ako ng bubble gum. Umiyak si mama kanina papa, nambababae ka raw, kaya madalas kang ginagabi, totoo po ba? Sinasaktan mo rin daw s’ya, may pasa s’ya sa braso. Ah! Nag-iinuman lamang kayo ng iyong mga katrabaho. H’wag ka nang magpakalasing papa, natatakot ako kapag nagwawala ka. Lagi akong umiiyak.

 Siya nga pala papa, sinisingil na tayo noong taga kabilang kanto. Yung utang daw po ni mama, hindi pa rin nababayaran. Nagagalit na nga eh. Saka yung upa daw po sa bahay, tinatanong na noong may-ari ng bahay. Sa tubig din papa, saka yung sa kuryente. Ang taas ng kureyente natin, ang hilig kasing manood ni ate ng mga koreanovela. Si kuya naman, laging nagpapatugtog.

Puwede po bang patayin na lang natin yung ref? Tubig lang naman kasi ang laman eh. Nahihirapan ka na po ba, papa? Nakasuweldo ka na pala, magbabayad na po ba tayo ng mga utang? Ano? Kukulangin tayo sa pambayad? Mangungutang na naman po ba tayo para mabayaran yung iba pa nating utang? Isasanla n’yo po ba ulit yung ATM n’yo? Hindi na po ba ako makakakain ng paborito kong hotdog at fried chicken? Paano ‘yan papa? Maglalakad ka na lang ba pagpasok mo sa trabaho? Malayo yun ah. Kaya po ba lagi kayong nag-iinom dahil sa mga problema dito sa bahay? Dahil sa amin?

Pagsabihan mo po kaya minsan sina ate at kuya. Ang laki ng gastos nila dahil sa paggimik tuwing Sabado’t  linggo. Ang laki pa ng tuition at baon nila, hindi man lang marunong mag-ipon. Saka araw-araw pa silang nag-loload para lang kausapin yung mga kaibigan nilang araw-araw rin naman nilang nakikita at nakakasama.

Si mama? Panay luho na lamang ba? Hindi na n’ya nagagawa nang maayos ang mga tungkulin n’ya dito sa bahay, hindi na rin n’ya ako naaalagaan nang tama. Ang dungis-dungis ko nga po lagi eh, tulo pa sipon.

 Kaya n’yo po ‘yan, papa, magiging mabuting bata po ako hanggang sa aking paglaki. Para balang araw, ako naman po ang mag-aalaga sa inyo nina mama, ate at kuya. Magpalit ka na po ng damit, papa, baka po magkasakit kayo, mahal po ang gamot. Alam ko pong pagod kayo, kaya ako na po ang maghahanda ng hapunan n’yo. Malaki na po ako, papa, kaya ko na ito. Hindi ko pala abot, papa, pakikuha naman po yung plato. Talaga po? May pasalubong po kayo sa akin? Wow! Kotse-kotsehan, remote control ‘to papa ah. Salamat po, ikikiss kita, papa. Maraming kiss.

 Lapit ka dito, mama, hug natin si papa. Nand’yan na rin sina ate at kuya, group hug tayong lahat. Isa tayong masayang pamilya. Lagi po tayong magtutulungan ha, at magmamahalan. Hindi dapat tayo nag-aaway. Basta mama, papa, ate at kuya, kahit anong mangyari, lagi lang tayong magkakasama. Kahit mahirap lang tayo, ok lang. Ang mahalaga ay buo tayo at nagkakaisa. Sama-sama tayong mangangarap at tutuparin natin ang lahat ng iyon. Magtutulungan tayong lahat, para sa magandang bukas. Maging magandang halimbawa tayo para sa ibang pamilya. Iyon lamang po ang aking bilin.

 I love you, mama,

I love you, papa,

I love you, ate,

I love you, kuya.

Nagmamahal,

BUNSO