Boy Pasaway (Phote Credit: Public.fotki)

Kaninang umaga habang kami ay kumakain sa karinderya malapit sa aming paaralan, dumaan at bumili ng ulam ang isa naming dating estudyante na kahit paano ay naging sakit din nang aming ulo. Kasama niya ang kanyang tita at yun ay aking tinanong,

“Kumusta na yang si Warren?”

“Naku ganun pa din”, mabilis na sagot ng tiyahin.

Parang kailan lang nung siya ay nasa school pa namin, madalas gumawa ng kalokohan at saka papansin. Sabi nga minsan kailangan din namang ireverse psychology, hindi na lang palagi pagalitan dahil, nakupo, sa kabataan ito ay nakaririndi.

Aking sinabi na sana pagdating ng panahon siya ay aking makita na naka- uniporme ng pulis, at yun na kako ang pinakamasaya sa aking buhay. Nakuha ko ang kanyang pansin, mula nun, nag lie low na siya sa paggawa ng kalokohan na nakasasakit sa kapwa estudyante, pasaway nga ngunit sadyang ganun ata ang mga anak na kulang sa pansin at pag-aaruga.

Pasalamat kami nang siya ay nakagraduate. At sumunod na taon, habang ako ay naglalakad, minsan, may tumawag sa akin. Naku ang pasaway na estudyante, nakauniporme, tanong ko kung ano ang kinukuha niyang kurso, Criminology ang mabilis na tugon. Masaya ako sa aking nakita.  Ibang-iba na siya, may dignidad sa pagdadala ng kanyang sarili at talagang naiiba.

At kanina nga kami naman ang nagbiro…

“Warren, pag ikaw ay nakakita naming nag OJT at nakaduty sa kalsada, humanda ka at kami naman ang magpapasaway…ganti yan sa mga araw ng ikaw ay ganyan din, para malaman mo kung paano ang magtimpi at magpigil…:  lol!

Natawa siya sa aming tinuran, sabay sabi ko, “sige pag nakita kita sa kalsada, ako ay tatawid, magpapatintero na may hila-hilang lata.”

Seryosohin niya man ang biro na aming binitawan, ngunit darating ang panahon, di man kami ang gumawa nun, tiyak yun ay kanyang mararanasan… Pagtitimpi ay dapat niyang pag-aralan..Kasi ganyan ang buhay, lahat naman ay may hangganan.