Jose Manalo (Photo Credit: forum.philboxing.com

Isa akong fan ni Jose at malaki ang pagpupugay ko para sa kanya. Aminado ako at pansin naman siguro ng karamihan na malayo na nga ang kanyang narating sa mundo ng showbiz. Sa tulong ng Eat Bulaga at ng mga taong nasa likod nito ay nabigyan s’ya ng pagkakataong makilala at ang kanyang kakaibang talento ng milyung-milyong taong sumusubaybay sa kanya. Pero dahil nga sa kanyang kakaibang karisma, mabilis s’yang minahal ng mga tao.

 Anu-ano ba ang maaaring ikabit sa kanyang titulo? Host? Comedian? Actor? Singer? Dancer? Entertainer? Impersonator?  Concert king? Hindi ko alam kung may natatago pa s’yang ibang katangian bukod sa aking mga isiniwalat, ang napatunayan ko lang para sa kanya ay karapatdapat s’ya sa kanyang kinalalagyan ngayon sa kasalukuyan.

 Si Jose Manalo ay si Jose Manalo, iyan ang kanyang malaking pangalan. Oo, malaki na nga s’ya. At bilib ako sa kanya dahil nananatiling nakatapak ang kanyang mga paa, sa kabila ng kanyang tagumpay. Bukod sa naiintriga narin s’ya ngayon katulad ng ibang naglalakihang artista sa telebisyon, patuloy narin s’yang gumagawa ng mga pelikula kasama ang kanyang partner sa pagpapatawa na si Wally Bayola. Kung noon ay mga sidekick lamang sila ni Bossing sa kanyang pelikula, may mga pinagbibidahan narin sila ngayon. Pagkatapos nga ng kanilang matagumpay na konsyerto sa Smart Araneta, sa pelikula naman nila ipagpapatuloy ang kanilang pagpapaligaya sa tao.

hindi ko alam kung bakit napakalakas ng dating n’ya sa mga tao, s’ya ‘yung tipo ng komedyante na hindi magawang kainisan o kapikunan ng kanyang mga kinukulit at pinapatawa (ewan lang doon sa mga hindi s’ya pinapanuod).  Napakabilis ng kanyang utak, nakakaisip s’ya agad agad ng mga nakakatawang bagay sa isang iglap, at iyon ang higit kong hinahangaan sa kanya. Doon ko s’ya nakilala at natandaan. On the spot, may tirada s’yang makapagpapasaya sa mga manunuod. Natural s’ya kung magpatawa, walang kaba. Para sa kanya, ang lahat ng tao ay kanyang kakilala. Alam n’ya kung paano n’ya ito makakasundo at kung paano makihalubilo sa mga ito.

 Sa portion na Juan for all, All for Juan, maraming tumatak sa akin mula sa kanya. Lagi s’yang may panggulat sa mga tao. Maraming pauso na siguradong natatandaan ng mga manonood. Hindi ko na lang siguro maiisa-isa dito kasi sobrang dami talaga. Ikaw na ang bahalang umalala sa mga sinasabi ko. napapanood mo ba siya? Nasa sa ’yo na ‘yon. Ikaw ang magsasabi kung ano siya o kung sino siya sa telebisyon.

Mr. Pogi ba kamo? S’ya na ‘yon. Sa lakas ng dating? S’ya na ‘yon. Talentado? S’ya na ‘yon. Sa kayabangan? Parte ng trabaho n’ya ‘yon. Ang magpaligaya ng tao. Ang pasayahin ka. Ang bigyan ka ng ligaya sa araw araw. Ang bahagihan ka ng mga nasa utak n’ya. Ayon s’ya eh. Si Jose Manalo. Kung bibigyan nga lang sana ako ng pagkakataong makasama s’ya kahit sandali, hinding hindi ako magpapaawat sa kakulitan n’ya. Kulitin n’ya ako, kukulitin ko rin s’ya. Magkukulitan kami. haha

isa lang maipapayo ko sa’yo Jose (ako pa nagpayo ha!), manatili ka lang ganyan. Patuloy ka naming mamahalin bilang ikaw. Maraming salamat sa taong nakadiskubre ng iyong galing. At syempre, salamat at hindi mo iyon itinago. Tulad nga ng sabi mo. MAHIRAP MAGING TAMBAY, nakakapagod. Sang-ayon ako d’yan. Hahaha :)