Pillows Edition (Phote Credit: examiner)

Para kanino ba ang iyong pagsisikap? Para kanino ka umaasa? Para kanino ka nangangarap? Para kanino ka nabubuhay? Para sa kanila o para sa kanya? Imposibleng wala. Dahil kahit gaano kasakit, kahit gaano kahirap, mayroon pa din tayong dahilan para gumising tuwing umaga. Paano kung wala kang mapaglabasan ng mga hinanakit na iyong nararamdaman? Paano kung wala ka nang matakbuhan? Para sa akin, mga unan lang ang katapat nyan.

Kagabi habang inaayos  ko ang aking higaan, napansin ko ang aking mga unan na nakakalat sa aking kama. Mahigit ilang linggo ko na rin palang hindi nalalabhan ang mga ito. Tiningnan ko itong mabuti sa pagkaka-ayos, dahan dahan ko itong hinawakan at nilapit sa aking ilong. Naririnig ko ang tunog ng aking lunok habang naghahanda na langhapin ito. Pinikit ko ang aking mga  mata at inamoy ang nasabing mga unan.

Sobrang hirap, sa lahat ng puwedeng maramdaman ito ang pinakaayaw ko, kapag may namimiss ako. Mas namimiss ko pa sa softdrinks na kinaadikan ko noong bata pa ako. Uhaw ako sa mga tawa niyang nakakatanggal ng uhaw. Gutom ako sa mga ngiti niyang nakakabusog. Napamura ako ng malakas, kaya pala ang bilis ko makatulog kapag gamit ko iyon, dahil nakakamiss namang talaga.  Kaya dali dali ko itong niyakap habang nilalanghap. Iba talaga ang pakiramdam kapag sobrang namimiss mo ang isang bagay. Kahit sino pa o kahit ano pa ito. Magulang, kaibigan, kaklase, anak, minamahal o kahit yung mga kuto mo nung bata ka pa. Kapag namiss mo na. wala na, wala ka ng kawala.

Bigla na lang titigil ung mundo mong napaka usy. Parang sobrang tagal  umandar ng oras mong kay bilis. Gusto mo itulog pero hindi ka naman makatulog kaiisip. Mararamdaman mo ang  malakas na tibok ng iyong puso. Medyo mahihirapan kang huminga. Babalik ka sa alala mo noong  mga nakaraan na nag-eenjoy ka kasama siya. Makakarelate ka sa bawat kantang maririnig mo. Lahat ng bagay na may kinalaman sa kanya maalala mo.

Napansin ko ang mga kakaibang marka at amoy sa aking mga unan. Animoy mapa ng mga kayamanan, amoy na pilit mong hinahanp kung saan saan, may mga marka ng mga pulo at isla. Dito bumalik ang alaala ng aking nakaraan, mga panahon na pakiwariý koý wala na akong magagawa kundi ipikit na lang  ang aking mga mata at damahin ang unti unting pagbuhos ng aking mga luha. Mga luhang dulot ng pait at sakit na nagdaan, pakiramdam na hindi maintindihang pangungulila. Mahirap, sobrang hirap. Pero kinakaya ko pa.

Salamat dahil mayroon akong ordinaryong unan. Mga unan na pwede kong iyakan kapag pakiramdam ko pagluha na lang ang tanging paraan para mailabas ko ang mga sakit na aking nararamdaman. Mga unan na handang  sumalo ng aking mga laway, mabaho man o mabango. Mga unan na pwede kong yakapin sa mga panahong nangungulila ako. Mga unan na nagbibigay sa akin ng pakiramdam na may karamay ako kapag hindi ako mapakali. Mga unan na kasama kong nananaginip. Mga unan na pwede kong  suntuk suntukin kapag wala akong mapaglabasan ng sama ng loob, pero hindi umaangal. Ikaw? Para kanino ba ang yong pagsisikap? Para kanino ka umaasa? Para kanino ka nangangarap? Para kanino ka nabubuhay?