OFW Nightmares (Phote Credit: Obra.ph)

Sa mga hindi nakakaranas mangibang-bansa at sa mga nasa ibang bansa na nasa mabuting kalagayan, hindi alam ang tunay na pinagdaraanan ng ilan nating kababayang nakikipagsalaparan dito sa abroad.

Para sa ilang nasa Pilipinas, masarap ang buhay dito sa abroad. Oo, masarap at malaki ang kita kung sinusuwerte ka ngunit marami rin ang nagtitiis at nakararanas ng hindi magandang pagtrato lalo na ang mga kasambahay.
Taong 1999 nang unang-una kong napag-alaman na ang buhay abroad pala ay isang napakalaking sugal. Mananalo ka kung sinamahan ka ng suwerte na magkaroon ng mabait na amo, susuwelduhan nang tama, magtatrabaho ayon sa oras na napag-usapan at magkaroon ng pamilyang ipinadarama sa iyo ang pagpapahalaga sa iyong pinaghirapan.

Umuwing bangkay ang first cousin ko mula sa Saudi Arabia. Ayun sa report, natagpuang bangkay ang pinsan ko sa loob ng kanilang kuwarto kasama ang ibang lahi na katrabaho niya. Napalakas umano ang heater at nasuffocate ang mga ito.

Nitong Marso 2012 lamang, isang kababata naman ang umuwing walang buhay mula sa HK. Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang kaso kung siya nga ay pinatay o nagpakamatay.

Hindi lamang sila ang hindi sinuwerte dito sa ibang bansa. Marami pang kababayan natin sa ngayon ang nagtatago dahil tumakas sa amo na nagmamaltrato sa kanila. Hindi nasusuwelduhan, hindi napapakain nang tama, nabubugbog sa trabaho at ang ilan ay napagtatangkaang gahasain o ang ilan ay talagang nagagahasa pa. Marami ring kababayan natin ang ngayon ay nasa kulungan dahil sa pagtatanggol sa sarili katulad na lamang ni Dondon Lanuza na hinihingian ng pamilya ng kanyang napatay ng napakalaking halaga upang hindi na matutuloy ang pagpugot sa kanyang ulo.

Ilang kababayan din natin ang sa ngayon ay nagsisiksikan sa Bahay Kalinga at POLO at naghihintay ng tulong na maaari nilang matanggap upang makauwi sa kanya-kanyang pamilya.

Yan ang kuwento ng ilan dito sa abroad. Maaaring napakanegatibo ng dating ng mga naisulat ko ngunit ito ay totoo. Marami rin ang nagtatagumpay dito sa abroad ngunit marami rin ang umuuwing luhaan. Hindi pa naisama ang isa sa kadalasang nararanasan ng maraming OFWs.

Ito ay ang buhay ka nga na kumakayod at nagsasakripisyo dito sa ibang bansa, ngunit hindi napapahalagahan ng mga naiwan sa Pilipinas ang iyong pinaghirapan.

Ang pangingibang bansa ay hindi iniutos ng kahit ninuman sa isang OFW ngunit ito ay isang paraan upang kahit papaano ay umangat ang buhay ng ating pamilya. Sana, bago umalis ng Pilipinas ay maging handa ang bawat isa sa dadatnan dito sa abroad at hindi iisiping puro masarap at masaya ang magtrabaho rito. Sana, ang mga naiwan sa Pilipinas ay matutong magpahalaga sa pinaghihirapan ng kanilang kapamilyang nagsasakripisyo sa ibang bansa. Sana ang bawat isa sa atin na nahihirapan dito sa ibang bansa ay laging lalakasan ang loob upang mas magiging matatag pa sa hamon ng buhay.

Mabuhay ang lahat ng OFW! Saludo po ako sa sakripisyo ng bawat isa.
________________

In Memory of my 2 relatives Genieveve Delfin Farinas-Firmo (died February 1999) and Cherry Mae Genova (died March 2012)