http://www.fotosearch.com/SPS503/1099-6791/

Hindi ko mapigilan ang aking sarili, na ibahagi sa inyo ang aking saloobin.  Pasensya na doon sa mga taong aking matatamaan. Ipagpaumanhin po ninyo, lalo na po doon sa mga magulang na tulad ko rin po.

Hindi lingid sa ating lahat ang paglaganap ng rape o maagang pagkabuntis ng mga kabataan ngayon.  Pati na rin ang maagang nakabuntis ang isang nagbibinatilyo pa lamang  Bakit nga ba ganito na ang nangyayari?

Masyado nang nakaka-alarma di ba?  Mga kabataan ngayon, nasa grade six pa lamang ay mulat na sa usaping sekswal.  Kaya naman ngayon, usong-uso na ang pre-marital sex.  Iba na din ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon.  Walang takot na sa mga magulang, o kahit kaninong nakakatanda sa kanila.  Noong kapanahunan ko, isang tingin lamang ng tatay ko sa akin, nakuh, kailangan ko ng tumabi at manahimik sa isang sulok.  Batas ang tingin noon ng magulang, kumbaga “makuha ka sa tingin.” Isang salita lang ng magulang ko noon tiklop na ako.  At kapag nagkasala ka, o sinuway mo sila, patay kang bata ka, at umpisahan mo ng magdasal.  Dahil, tiyak meron naghihintay sa iyong katakot-takot na sermon o ‘di kaya ay ibibitin ka pa ng patiwarik.  Hindi lang iyon, isisilid ka pa sa sako kapag hindi ka napalo o ‘d kaya’y luhod sa monggo o asin.

Sa panahon ngayon, sino nga ba ang dapat sisihin?  Mga magulang ba, na sabi nila ay nagkulang sa pagdisiplina sa mga anak nila? At kasama na din ang kapabayaan daw nila, dahil abala na sa paghahanap-buhay? Mga magulang ba na nagsisilbing bad example daw sa kanilang anak, dahil sila mismo na magulang ay gumagawa din ng imoralidad?

Mga kaibigan ba na malakas ang impluwensya na hatid sa kanila?

Dahil ba sa malaganap na social networking ngayon?  Dahil ba sa mga internet sites ngayon, na kaya ng pasukin ng mga kabataan tulad ng mga x-rated videos.

Dahil ba merong mga motel sa tabi-tabi na, sa kagustuhang kumita lamang ay pinapayagan kahit menor de edad ang kanilang parukyano?

Ang masama ‘don, naka uniform pa bilang isang estudyante? At hala! Toto-o ba ang nakikita ng dalawang mata ko? Sa isang motel na mayroon sign na “Promo 150/3hrs,” iyong dalagitang hula ko eh high school ang uniform, meron kasamang dalawang parang totoy pa, at naka uniform din!  Naghihilahan pa! Tumigil ako sa malapitan sa kanila.  Sabi ng isang binatilyo na parang totoy pa ang katawan, “Tara na bilis, ok lang ‘yan! Huwang na mahiya, dalian n’yo at baka meron pang makakita sa atin dito!.  Iyong isang binatilyo naman, “ Mauna na kayo, sunod na lang ako, saglit lang, nagbayad ka na ba?  Meaning?…papasok silang tatlo doon? At ibig sabihin……2 binatilyo, isang dalagita…..meaning? Three some sila? May tawag don “orgy” ba ‘yon? Ah, ewan! Basta ‘yun na ‘yon ang ibig kong sabihin.

Magulang din ako, pero lalake ang anak ko.  Hindi ba mas doble ang kaba nating mga magulang, kapag babae ang anak natin?

Ano at paano nga ba ang ating gagawin sa panahon ngayon?  Sa toto-o lang napakahirap ang papel ng isang magulang.  Kailangan pag-aralan kung paano ba ang tamang diskarte kapag ang anak ay medyo naliligaw ng landas.

Ako, ang paraan ko, lagi kong kinukuwentuhan ang anak ko.  Mga bagay na what if’s kapag nagpatangay siya sa makamundong usapin.  Lagi ko rin itong pinaalalahanan na unahin ang pag-aaral, at after that? Puede na niyang gawin kung ano ang gusto nya.

Na after that, mas madami pa siyang makikilala na mga babae.  Lahat na ng makakabuti at makakasama, ay lagi ko itong nire-remind sa kanya.  Pero hindi naman iyong tipong maiinis na s’ya, dahil sa para kang sirang plaka.  Sa halip makinig sa iyo, maasar pa. Minsan dinadaan ko sa barkadahang usapan, ayon at mukhang effective, kasi don s’ya nagbibigay ng kanyang opinion about sa usaping ganito.

Ano pa ba ang puedeng paraan na gagawin nating mga magulang upang ang mga anak natin ay huwag maligaw ng landas?

Naniniwala kasi ako sa kasabihang ” Nasa loob ng ating tahanan kailangang mag umpisa ang ikabubuti ng ating buong pamilya.

Ano ba ang puedeng partisipasyon ng ating pamahalaan at komyunidad sa ganitong problema.