Photo Credit: Sulit. com

Ang bawat sulok ng daigdig ay punong-puno ng pangarap, at kung saan ito naroroon,  nandoroon din ang kapatid nitong kabiguan.  Ang BASECO Compound sa Port Area ng Maynila ay isa sa mga sulok na ito ng daigdig.  Katulad ng karamihan sa mga nakatira dito,  nagbuhat ito sa basura, putik, at gasang na nagpumilit mabuhay, bumangon at nangarap.   Ang BASECO Compound ay lupang pagaari ng Bataan Shipyard Engineering Company na dating kilala sa pangalang NASSCO o’ National Shipyard and Steel Corporation.   Nagsimula itong tambakan ng basura, na pinalaki ng buhangin, burak, bato, at gasang na inanod ng Ilog Pasig at nalagak dito. Higit pa itong lumawak nang gawain itong tambakan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga durog na semento’t bato at kung ano-anong labi ng mga ginibang kalsada at gusali. Ang BASECO ay nangarap na maging isang world class na shipyard o’ pagawaan ng barko, at nabigo.  Isa ito ngayon sa pinakamalalaking komunidad ng squatters sa Kalakhang Maynila na pinaninirahan ng mga nilalang na katulad ng BASECO ay minsang nagkaroon ng matayog na pangarap.

Kung gagawing aklat ang mga pangarap at karanasan sa buhay ng mga taong nakatira dito, ay mapupuno ang U.S. Congress Library na pinakamalaking libraryo sa buong mundo.

Sa sulok ng daigdig na ito isinilang at lumaki si Elvira, ang primaryong karakter sa ating kuwentong “Sino ang Salarin?”

Nagkakilala si Aning, ina ni Elvira at kanyang amang si Gorio sa isang carinderiang pinaglilingkuran nito sa isang barangay sa BASECO.  Si Gorio ay isang construction worker sa Rola Construction Company. Hindi nakuhang magpakasal ng dalawa. Biniyayaan sila ng apat na anak.  Ang panganay ay si Rudy na maagang namatay sa edad na labing walo.  Nadamay ito sa kaguluhang kinasangkutan ng Sige-sige at Sputnik.  Pangalawa si Elvira na sinundan nila Eboy at Connie na namatay naman sa sunog na tumupok sa malaking bahagi ng BASECO. Tigmak ng dusa’t kabiguan ang buhay ng mag-ina na nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagtitinda ng sigarilyo, candy, at lei na sampaguita sa harapan ng isang night Club sa Roxas Boulevard.

Bata pa si Elvira ay pinangarap na niyang maka-ahon sa kahirapan.  Naging kaakit-akit sa kanyang mga mata ang mga suki niya sa sampaguitang mga hostess sa club. Kasiyahan niyang pagmasdan ang mga mapupulang mga pisngi at labi nila, matataas na takong ng sapatos at ma-iigsing damit. Naging matalik niyang kaibigan ang isa sa mga ito na nagpayo sa kanyang mag-aral at nagsabing siya ay maganda kung aalisin lamang ang kanyang amos sa mukha at papalitan ang kanyang kupas na damit.  Naging inspirasyon niya ang sinabing iyon ng kaibigan at naging laman ito ng kanyang isipan sa kanyang pag-iisa.  Mula noon ay natuto siyang sanda-sandaling humarap sa salamin at nagpumilit na magaral sa kabila ng kahirapan.

Likas ang katalinuhan at kasipagan ni Elvira, kahit puyat siya sa gabi sa pagtitinda ng sampaguita, hindi siya nahuhuli sa mga leksiyon sa paaralan at dahil sa kanyang natural na pagiging masuyo at malambing napalapit siya sa kanyang mga guro.

Maglalabing-pitong taon na si Elbira nang makatapos ng high school.  Huli siya ng dalawang taon sa pangkaraniwang mag-aaral.  Kinabukasang-kinabukasan, matapos niyang tanggapin ang sertipiko ng pagtatapos, pinuntahan niya ang kaibigang hostess sa club sa Roxas Boulevard, pinagmalaki ang kanyang sertipiko at sinabing handa na siyang magtrabaho. “Hindi ka pa puwede dito,” sabi ng kaibigan, “Marami ka pang kailangang matutunan.” Subalit nangako ito na ihahanap niya si Elvira ng maliit na club sa Ermita na puwede niyang pagsimulaan.

Makalipas ang ilang buwan, hinanap ng hostess na kaibigan si Elvira sa puwestong pinagtitindahan.  Binigyan niiya ito ng ilang damit at kaunting pera, at sinamahan sa maliit na club sa Ermita.  Katakot-takot ang pa-alaala ng kaibigan kay Elvira. Tinuruan niya ito kung papaano ang pakikiharap sa customer, kung papaano kilatisin ito, at kung papaano pag-ingatan ang sarili.  Madaling natuto si Elvira, likas ang klanyang pagiging masuyo at malambing.

Dito niya nakilala si Blue.  Isang tourist guide, na nagpakilala sa kanya ng mga customers na Koryano’t Hapon.  Makisig si Blue, may magarang kotse, at mukhang maginoo.  Hinangaan niya si Blue sa pagtatakip at pag-iingat sa kanya nito tuwing siya’y pag-iisipan ng masama ng mga lasing na turistang customer. Dahil din kay Blue, nakahawak siya sa kauna-unahang pagkakataon ng maraming pera- dolyar, won, lapad na yen at siyempre libo-libong piso.  Masayang-masaya ang ina ni Elvira, unti-unti silang nakaahon sa kahirapan.  Tampulan ng tsismis si Elvira sa kapitbahayan dahil sa paguwi nito ng umaga na araw-araw nang nakasakay sa taxi.  Madalas mapa-away si Aling Aning na ina ni Elvira.  Dahil dito, nagpasiya silang umalis na sa BASECO at lumipat sa isang maliit na apartment sa Malate.  Tinulungan sila ni Blue na maghanap ng apartment at sa paglilipat ng kaunti nilang gamit.

Mabilis na nahulog ang kalooban ni Elvira kay Blue.  Isang gabi, nalasing si Elvira sa club dahilan sa isang mataba, makulit, at matandang Amerikanong customer.  Inawat ni Blue ang Amerikanong customer at ipinaliwanag na lasing na si Elvira at kailangan nang iuwi.  Nagising si Elvira na walang saplot sa isang motel, katabi niya si Blue sa kama.  Wala na ang kanyang pagiging birhen. Nilamukos ni Blue ang talulot ng bulaklak na nag-iwan ng halimuyak sa kanyang mga palad.  Pagkalipas noon, hindi na nakitang muli ni Elvira si Blue.

Poot ang nanatili sa nag-ngingitngit na kalooban ni Elvira.  Sa simula, laging naglalasing si Elvira sa bahay at hindi nagpapapasok sa club.  Hanggang maisipan niyang maghiganti sa mga kalalakihan, at magpayaman sukdulang gamitin niya ang kanyang katawan. Lumipat siya sa isang first class na club sa Quezon City, at doon siya ay naging star sa kanyang pagtatanghal ng sayaw habang naghuhubad tuwing hatinggabi. Maraming nahumaling sa kanyang mayayamang negosyante, na pinagkalooban niya ng ligaya kapalit ang malaking halaga.

Inilipat niya ang ina sa isang condominium sa Makati at doon ito namatay dahil sa matagal na palang sakit nitong Pulmonary Tuberculosis.

Matagal-tagal ding ipinagluksa ni Elvira ang ina at pinagtiisan ang lungkot ng pamumuhay na nag-iisa.  Sa gitna ng kalungkutang ito, nakilala niya at naging regular na customer si Mister Francisco Rivera, may asawa at isang anak na lalake. Nahumaling si Mister Rivera kay Elvira at inalok niya itong pumisan na sa kaniya sa isang bahay na nasa isang plush na subdibisyon na bibilihin ni Mister Rivera para kay Elvira.

Pumayag si Elvira na nagwakas sa kanyang buhay GRO at sa pagtataas naman ng tilon ng bagong drama ng kanyang buhay na pagiging number-two, na nagsimula sa kanyang pagkakaroon ng anak kay Mister Rivera na ngayo’y labing apat na taong gulang na.

Sundan natin ang drama ng bagong buhay ni Elvira  sa “Sino ang Salarin” at mga susunod nitong kabanata.

Author: Gilbert Miranda