Chicken and Rice (Photo Credit: Philippinewatchclub.org)

Habang ako’y kumakain sa isang restoran
May nakita akong dalawang kabataan
Tira-tirang buto sa kabilang mesa ay kanilang pinagtitiyagaan.
Lumapit sa akin ang dalawang bata at humingi ng salapi.
Tanong ko sa kanila: “ano ang inyong bibilhin?”
“Pagkain po” sabi ng isa
“Kagabi pa po ang huling kain namin” dagdag niya.
Sa aking nadinig at nakita
Pagdadalawang-isip di ko na nagawa.
Niyaya ko sila sa counter
At tinanong kanilang order.
“Chicken at kanin, ate!”
Sigaw nila ng may ngiti sa mata.
Habang pagkain nila’y hinihintay
Ako’y nagtanong tungkol sa kanilang buhay
Ang dalawang musmos pala’y dalawa sa pitong magkakapatid.
Isa daw sa kanila ay namatay,
Ang dalawa naman daw ay binenta ni Nanay
Ang isa’y nasa Bantay Bata
At ang isa nama’y namamalimos din sa kalsada.
“Anong gusto n’yo paglaki?” tanong ko sa kanila
“Gusto ko po maging pulis para manghuli ng holdaper”
“Ako gusto ko po ng maraming pera, kaya gusto kong maging loyer.”
Nang dumating ang kanilang pagkain
Ako’y natuwa nang sabay silang yumuko at nanalangin.
Dahil sa dalawang batang ito
Naisip kong wala pala kong karapatang magreklamo.
Pamilya ko’y buo at masaya
At kumakain kami nang sagana.
Ako’y muling napaalalahanan
Kung gaanong ako’y nabiyayaan.
Sana tulad ko, ay marami ding matauhan
Sa kuwento ng dalawang batang simple lang ang kaligayahan…
“Chicken at kanin!”… Bow.