Animal Legend     (Phote Credit:   Vecteezy)

Animal Legend (Phote Credit: Vecteezy)

Sahod na naman. Masarap humawak ng dolyares na kulay asul.

Maraming puwedeng puntahan at bilhin puwera lang ang puting ngipin na nakalabas.

Marami akong barkada dito, apat kami.

 Sa ganda ng mga lugar dito ay mapapadalas ang pag-sagala mo lalo na kung marami kang paputok.

Nakakamangha ang mga nagsasayaw at ang mga kumakantang tubig.

Ang sarap tumambay sa kunya-kunyariang lawa at dagat-dagatang ilaw.

 Masarap sumakay sa mga samut-saring mga sasakyang dadalhin ka sa ulap.

Nakakabilib ang mga laruang dinosaur, para akong bumalik sa pagkabata, masaya na daw ako.

Ang dami kong bala, hindi ako nakuntento at pumunta pa ako sa kabilang ilog para mamangka sa dako pa roon ng pasyalan.

Malaysia, Indonesia, Hongkong, Thailand, Vietnam, Macau, pati Australia, lahat ‘yan ang sarap diyan, nakakamangha ang mga pasyalan, mga bagay at lugar na noon ay bahagi lang ng ating mga pangarap.

 Humiling ka ng isa at binigyan ka ng marami, humiling ka pa ulit at humirit ka ng sobra-sobra.

Ang dating mga pilit na ngiti ay napapalitan ng panandaliang kasiyahan na dulot ng mga bagay na noon ay wala naman.

 Halos lahat na yata ng pasyalan dito ay nalibot ko na sa panaginip pero isa lang ang tumatak sa isipan ko.

Ito ay ang lugar kung saan makikita mo ang mga ibat-ibang klase at kulay ng hayop.

 Mala-gubat sa eksena ang mga palabas, mga nagkakapalang mga buhok at damo sa ibaba sa palibot ng mga hayop na may kanya-kanyang lengguwahe.

Pero hindi lahat ng mga ito ang tumatak sa isipan ko kundi ang mga taong sobrang mangha at nakanganga sa kanilang mga nakikita sa paligid.

 Para bang ngayon lamang nakakita ng ganitong klase ng mga hayop.

Sa isip-isip ko lang ay ang babaw naman ng kaligayahan ng mga ito.

Kung tutuusin ay hindi na naman bago sa akin ang lahat ng mga nasa paligid.

Nung nasa Pinas pa ako ay normal na sa akin ang makakita ng mga ganito. Ibat-ibang kulay at uri ng mga kahayupan sa aking pinanggalingan.

 Sa barangay pa lang ay makikita mo na ang ibat-ibang hugis ng mga hayop na nakatambay sa labasan.

Sa kalye ay nagkalat ang mga buwaya na kanya-kanya sa paghintay ng mga ganansya.

Sa bulwagan ay nakapila ang mga nangangating kamay ng mga matsing na naghihintay maambunan ng isang piling ng saging.

Makikita mo rin ang mga ibon na panay ang lipad kaya palaging absent tuwing may roll call sa bird park.

 Nariyan ang mga hayop na pagong na matipid at malihim na may kanya-kanyang alkansiya sa cabinet at bigla na lang nagtatago sa kani-kanilang lungga kapag dumarami ang mga tao. Para silang mga halamang makahiya na wala namang mga hiya.

Ang dami ko na ring nakitang mga tigreng ang lakas lumamon ng pork na nakalagay sa mga bariles.

Mga hayop na magikero na walang ginawa kundi mag-imbento ng mga proyekto para maipatahi ang mga butas na bulsa ng pantalon.

 —

Kung tutuusin ay mas masarap pa ang buhay ng mga hayop kesa sa mga tao.

Nauso tuloy ang bahay-bahayan ng mga hayop na paramihan ng kuta sa ibat-ibang lugar at paramihan ng mapapasok na mga kweba.

Andiyan pa ang tagu-taguang yaman sa ibat-ibang palikuran at agawan-base ng mga posisyon sa larong dama de kupit.

Mukhang mahilig sa sports ang mga hayop, mahilig paglaruan ang lahat ng bagay na may pansariling pakinabang, dito siguro nauso ang board game na monopoly.

 Minsan ay mapapaisip ka kung masaya ka bang naging tao o mangangarap ka na ring maging isang hayop tulad nila.

Kung ating iisipin ay lubos na mas marami ang pasyalan sa ating bansa.

Kayang daigin ang mga kalapit lugar dahil sa dami ng mga natural resources na inabuso at ginawang personal resources.

 Sabi sa Science, nanggaling daw ang tao sa hayop, hindi ako naniniwala dito dahil para sa akin ang hayop ang nanggaling sa tao.

Mga dating tao na naging hayop dala ng pagkasilaw sa walong sinag ng araw.

Tao ka pa ba o napaisip ka na ba kung isa ka sa mga hayop?

Huwag ka nang dumagdag.

Hayop ka ba? Baka gusto mong maging tao? Bawal-bawal ka diyan, eh so what kung magbabago ka eh may lawit ka naman, so puwede ka pa rin maging tao, ang sarap kaya, try mo!