http://www.buzzle.com/articles/words-of-encouragement-from-the-bible.html

Sa dinami-dami ng hirap at kabiguan na aking pinagdaanan, mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan; masasabi ko na ito ang mga dahilan para ako ay magkaroon ng “pusong bato.”

Ito rin ang dahilan, upang ako’y manatiling matatag sa lahat ng hamon sa buhay.  Ilang pagsubok na nga ba ang kanyang ibinigay? Talagang hindi na mabilang sa aking mga daliri. Mukhang tuwang-tuwa talaga pa talaga, na ako’y lagi n’yang sinusubukan.  Umaalma din ako paminsan-minsan.  Sino ba ang hindi, di ba?  Nakakapagod din kaya at nakaka praning.

Sa isang banda, sabi ko, okey lang.  “Okey lang, basta wala lang akong sakit, pati mga anak ko.”  Kasama na din ang mga kapamilya ko.  Okey lang, basta kumakain kami ng tatlong beses isang araw. At hindi na maranasan ng mga anak ko, ang naranasan ko noong bata pa ‘ko. Ang magtiis sa ulam na asin, niyog, gamos, o di kaya ay bukayo. Minsan pa nga, kamoteng kahoy o saging ang tanging kinakain maghapon.

Pero, kahit paano hindi ako tuluyang bumitaw sa aking “Savior.” Sa aking natatanging matalik na “kaibigan.”  Nag-iisa siyang kaibigan, alam N’ya lahat ang tungkol sa akin, alam N’ya lahat ng aking ginagawa.  At madalas din N’ya akong inuunawa sa bawat pagkakamali kong nagagawa.  Andiyan siya lagi, kapag alam n’ya na hirap na akong bumangon.  Andiyan siya kapag kailangang-kailangan ko siya.  Mas nauuna pa nga siyang lumalapit sa akin, kesa ako ang maunang lumapit sa kanya.

Ilang beses na rin N’yang sinubok ang aking kakayahan. Maraming beses na din.  Hanggang sa dumating na nga ako sa puntong sinasabi ko sa aking sarili “Wala ‘yan, ako pa! Maning-mani lang yan.”  Hanggang na used o nasanay  na ako, kumbaga, katumbas ng problema o pagsubok, tawa na lang ang aking isinusukli.  “Darna” nga daw ako eh! Kaso, wala naman akong nilulunok na bato.  Nawawala, kasama si Ding.

Pero, akala ko nga si “Superwoman” at “Darna” na ako.  Mali pala, nakatago lang pala sa kasulok-sulokan ng puso ko at pagkatao ko, ang kahinaan ng loob ko. Nakamaskara lang pala ako.

Isang napakatinding pagsubok, muling pumatak ang luha ko.  Matagal ko na rin kasing kinalimutan ang umiyak. Ayaw ko na kasing umiyak,  naipangako ko ‘yan sa aking sarili.  Pero hindi pala. Balde-balding luha ang nawala sa akin.  Habang hinihintay ang resulta ng aking medical, biopsy at iba pang laboratory test, unti-unti rin akong pinapatay ng aking mga naiisip, takot at pag-aalala.  Nasabi ko pa nga, “Kunin n’yo na po sa akin lahat, kung ano ang meron ako na mga material na bagay,  huwag lang po  ang buhay ko nang maaga.”

Walang kasinsakit, ‘ramdam ko sa bawat patak ng aking luha, ang parang punyal na itinatarak sa aking dibdib. Sinubukan kong maging matatag, ilang araw na ako’y nagbalatkayo na okey lang.  Sa tulong nga mga kapamilya, kaibigan at mga bagong kakilala, ako’y nagpapasalamat nang lubos.

“Prayer can really move mountains,” at totoo nga, walang imposible basta ialay mo sa Kanya lahat ang iyong sarili.  “OO,” Tama ka, ilang beses ko na itong napatunayan, hindi na rin mabilang sa aking mga dalire.  Lahat sila tinulungan ako thru prayers, mayroon akong new found mommy online na nagshare ng deliverance prayer.  Naghealing prayer kami thru online. Ramdam ko ang kakaibang sigla at katiwasayan ng isipan. Naramdaman ko na ang likido ng unti-unti pagsigla.

Naurong nang naurong ang labas ng result. Mayroon na akong natanggap na isang pahiwatig mula sa kanya. Isang ngiti.  Alam kong magiging okey ang lahat.  Ngunit, tinatalo pa rin ako ng hindi magandang isipin. “Parang awa na po ninyo, hindi ko kayang iwanan ang aking mga anak, hindi pa po ako ready.”  Hindi po ako exaggerated, pero dumaan ang buong pamilya namin sa magkasunod na trahedya two years ago. Puro healthy lahat pero biglang kinuha niya sa amin ay tatlo na halos magkakasabay.  Cancer, HB at Heart Attack.

“Ang lakas mo magpray!”  Dhors, okey lahat ang result mo, nagtataka man ako sa resulta, bilang isang bihasa sa ganyang kaso, pero dapat ipagpasalamat.” Ang tanging naririnig ko na sinabi ng aking OB sa kabilang linya.  “You are free from Cervical Cancer, No infections, and no need na rin para kita ay raspahin!”  Ako rin ay nagulat.  Nagulat dahil nakita ko mismo sa monitor ang problem. Dahilan para ako’y mag-alala, lalo na noong sinabi na, kailangang mayroon akong kasama na kapamilya, kapag inalam ko na ang result.

“Still, God is Good!”…… ito ako, nakahanda pa rin sa mga darating pa na mga pagsubok na ibibigay niya sa akin.  Ganyan Niya ako kamahal. Sa ganong paraan N’ya ipinararamdam sa akin ang kanyang “unconditional love.”

 Pagsubok, kaylan Mo Kaya Ako Lulubayan? Salamat, Lagi din Kitang Nalalampasan!

——————————————————————————

“During times of trouble, when the waters seem to sweep over us, we can find solace in the words of encouragement from the Bible. Agonizing events can debilitate one’s faith, however, constantly reminding yourself of the promises of God and clinging to them, will help you stand firm even in a fierce storm”.