A Father’s Hug    (Phote Credit:   Forums.usanetwork)

A Father’s Hug (Phote Credit: Forums.usanetwork)

“Pa, lumaban ka! Pa, kaya mo yan, labanan mo!”

Yan ang mga katagang paulit-ulit na sambit namin ni Mama nung mga sandaling
nakaratay sa Emergency Room si Papa. Alas Diyes ng gabi nang makaramdam ng
hirap sa paghinga sa Papa. Kararating ko lang noon galing trabaho.

Dali-dali namin siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan. Halos kinse minutos din ang biyahe papuntang ospital. Lupaypay na si Papa pagdating namin sa ospital. Agad siyang nilapatan ng mga paunang gamot upang mapawi ang hirap niya sa paghinga. Ang sabi ng duktor sa amin ay inaatake na siya sa puso at kailangan na namin siya ipasok sa ICU. Ngunit ang sabi sa amin ng doktor kailangan naming magbayad ng sampung libo agad para sa kuwarto na gagamitin bukod pa sa mga gamot at serbisyo ng doktor.

Nanlumo ako sa mga narinig ko. Hindi kami mayaman. Wala kaming ibang pagkukunan kundi ang suweldo ko lang sa aking pinapasukang trabaho. Agad din namang nagbigay ng ibang option yung doktor, in-advise sa amin na kung hindi namin kaya, dalhin na agad ang pasyente sa provincial hospital.

Agad-agad naming hinanda si Papa para dalhin sa BPH. Inutusan ako na ako ang manghiram ng ambulansiya sa baranggay kung saan nakatayo ang ospital na yun dahil wala silang available na ambulansiya. Madali ko namang nahiram ang ambulansiya. Habang inihahanda ang sasakyan, lumapit ako kay Papa. Niyakap niya ako sa beywang at sabay sambit ng mga salitang hindi ko kailanman narinig sa kanya noon: “Tong, hindi ko na kaya..”.

Tumulo ang luha ko sa harapan niya at sabi ko” “Pa, konting tiis lang please, lilipat lang tayo ng ospital. Lakasan mo loob mo, kaya mo yan, Pa!”. Wala pang trenta minutos ang itinagal namin sa ospital na yun pero kulang-kulang limang libo ang binayaran namin. Durog na durog ang puso ko habang tinitignan si Papa na hirap na hirap na.

Akala ko sa mga teleserye ko lang makikita ang mga eksang ganoon, pero hindi pala. Ako mismo ang nakaranas ng ganung kasakit na pangyayari na mararanasan mo habambuhay. Halos mag tetrenta minutos din ang itinagal ng biyahe. Habang papalapit na kami ng BPH napansin namin ni Mama na dalawang beses na itinaas ni Papa ang kanyang dalawang kamay. Hindi na makapagsalita noon si Papa at parang wala na ring paningin dahil hindi na siya kumukurap. Niyakap ko si Mama habang umiiyak na nagmamakaawa kay Papa: “Pa, wag kang sumuko! Malapit na tayo! Labanan mo, Pa!”

Huli na ang lahat pagdating namin sa BPH. Nasaksihan ko pa mismo ang huling hininga ni Papa na makikita mong lumalaban pa siya, ngunit wala na. Huli na. Makalipas ang ilang minutong pagrerevive kay Papa, nilapitan kami ng doktor at ibinalita sa amin ni Mama ang pinakamasamang balita na maririnig namin. “Nanay, ginawa na ho namin ang aming makakaya pero huli na po, hindi na kinaya ni Tatay, I’m sorry..”

Katulad ng pagluha ko ngayon habang tinitipa ko ang istoryang ito, ganoon din ang pag-agos ng luha sa aking mata. Ang hirap mawalan ng isang Ama. Napakahirap. Nagsisisi ako ngayon dahil hindi ko naibigay sa kanya yung pag- aaruga na ibinigay siya sa akin nung nabubuhay pa siya. Nagsisisi ako na hindi ko naiparamdam sa kanya nang lubos kung gaano ko siya kamahal. Nagsisisi ako na hindi ko man lang nasuklian yung pagmamahal at pagkalinga na pinadama niya sa akin nung nabubuhay pa siya.

Hanggang ngayon pinapanalangin ko na sana panaginip lang ang lahat. Sana isa lang itong mahabang bangungot. Ngunit sa kabilang banda, ay tanggap ko na. Lahat naman tayo ay dadaan sa kamatayan, una-una lang. Sana kung nasaan ka man, Papa, bantayan mo lagi kami ni Mama. Mahal ka namin at hindi yun magbabago kailanman.