(photo fromhttp://www.dreamstime.com/stock-photo-girl-full-dreams-image1314820)

“Sana nga ate, para hindi na ako aalis ulit”

“Mahirap ang malayo sa pamilya mare, lumalaki ang aming mga anak na wala ako.”

“Pero, kapag hindi naman ako umalis, ano ang mangyayari sa amin?

“Mahirap dito, ate, malaki nga ang suweldo, pero malayo naman ako sa aking pamilya.”

“Pero kailangan kong magtiis para mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang aking pamilya.”

“Malayo na ang loob sa akin ng aking mga anak, mare, gustuhin ko mang umuwi, wala akong kakayahang gawin ito.”  

“Wala akong maipakain sa kanila kapag hindi ako nagtiis dito!”

“Friend, hindi na nagpapadala sa akin ang aking asawa, bihira na rin makaalalang tumawag, para kami’y kamustahin.  Gusto ko na siyang pauwiin, pero baon kami sa utang!”

“Bakit ka ba nagtitiis diyan magtrabaho? Eh, ‘di hamak naman na mas malaki pa ang kinikita mo sana dito noon?” 

“Paano kasi, si Mrs., gusto magkasama kaming dalawa na dito magtrabaho, para daw mabilis kaming makaipon.”

“Tamad kasi si Mr, kaya kailangang umalis ako, ito lang ang alam ko para kumita at makapag-aral ang aming mga anak.  Pero Ayaw ko sanang umalis, kung meron lang sana akong pagkakitaan diyan.”

“Sana nga huling alis ko na ito, kaya lang sabi ng magulang ko, kailangang makatapos muna ang aking mga kapatid.”

“Sana nga mare, tulad mo ang asawa ko, marunong humawak ng pera, marunong sa buhay.  Alam paano sinupin ang pinaghirapan naming mga OFW dito.”

“Ate, pag uwi ko, gusto kong magnegosyo, para naman meron akong makikita sa pinaghirapan ko.”

“Ate, gusto ko sanang magnegosyo, kaso wala namang mag-asikaso diyan.”

“Insan, lahat ng sideline ginagawa namin dito sa Taiwan, pati pagtitinda ng kung anu-ano. Para lamang kami makapag-ipong mag-asawa at makapag-negosyo na lang ‘diyan.  Lumalaki na ang aming anak na wala kami pareho.”

Hindi ko na mabilang ang mga taong nagsabi sa akin ng mga nabanggit ko sa itaas.  Hindi nga lang iyan, mas marami pa at baka matapos lang itong blog na ito na puro hinaing, plano at kunsultasyon ang laman ng artikulo kong ito.  Sa dinami-dami ba naman ng aking mga kakilalang OFW, at mga asawa ng mga OFW, kaya naman alam ko ang mga saloobin nila. Kasama na din ako doon, pero, sooner, malapit nang matapos ang pagiging OFW partner ko.  Huling contract na ito ng aking lovey duds, dapat nga noong huling alis niya, for good na talaga.  Kaso, sabi ko, siguro habang inaayos ko lahat dito, para pag andito ka na eh hindi ka manibago o ma miss ang buhay saudi, umalis ka muna at sayang din ang kikitain mo pa doon. Pandagdag din, lalo na sabi nga ni “boss” wala akong suweldo, para mas madali ako makabayad sa kanya.

Hindi rin kasi biro ang kailangan kong bayaran, isang reward sa akin bilang isang matapat nilang empleyado, isa sa pinakamaliit nilang kumpanya, na parang libangan lang nila; ito’y tuluyang ipinamana sa akin.  Installment basis, mahirap, pero kailangan kayanin dahil kung hindi, paano na lang ang mga umaasa dito.  Sabagay magdadalawang dekada na rin naman itong hinahawakan ko.

Sanay ako sa hirap, dahil galing din ako sa napakahirap na pamilya, iyong tipong madalas noon kinakain namin “gamos lang at kanin”, minsan “balenghoy o kamoteng kahoy”.  Isang tipikal na buhay mahirap sa isang mahirap na probinsya noon.  Bata pa nang mamulat sa pagiging responsable sa buhay, kung paano maghirap at gumawa ng paraan para lamang makabili ng bigas at ulam, para lamang makapasok sa eskwelahan.  Maagang namulat sa “entrepreneurship” ika nila. Naglalako ng luto namin ng nanay ko.  Pati na rin ang paggawa at pagtitinda ng bukayo.

 Sabi nila, magaling daw ako humawak ng pera, alam ko daw paano dumiskarte, alam ko daw paano pagkasyahin, at marunong daw ako magplano.  Hindi ko alam ang mga ‘yon; basta, ang alam ko lang, kailangan kong magkayod marino, bilang isang single mommy noon (17 years na ang eldest ko).  Iniisip ko lang noon, kailangan naming kumain o mabuhay mag-ina na hindi humihingi ng tulong sa mga magulang ko at kamag-anak.

 Siguro iyong mga iyon ang dahilan at nakikita nila sa akin, kaya siguro sadyang lapitin na ako ng mga humihingi ng idea, o payo tungkol sa negosyo at kung paano masave ang pera nila.  Feeling ko nga, kailangan ko nang magtayo ng “consultation office”, hehe joke lang!  Kasama na rin diyan ang “usapang pag-ibig”, ala “Cathy G” ang dating ng beauty ko.  “Di naman ako expert, pero nakapagbibigay ako suhestyon, opinyon, idea at mga optional na diskarte sabi nila.

Kaya ko ito naisulat, dahil sa susunod kong blog (part 2) susubukan ko nang makapagbahagi sa inyong lahat, lalo na doon sa mga nagnanais na pasukin ang larangan ng pagne-negosyo.  At base ito, sa actual na karanasan ko mismo at ng mga taong nakadaupang-palad ko.  Alam ko kahit papano, hindi man ako eksperto, alam kong makatutulong ito para sa inyong mga OFW; lalo na doon sa mga maliliit lang ang kita o suweldo at ng pamilya ninyo dito sa Pilipinas.

 

 

Enhanced by Zemanta