Bus stop (Photo credit: wikipedia)

Bus stop (Photo credit: wikipedia)

Sa bus stop, alas kwatro ng hapon…

Marami ang nakatayo, naghihintay sa pagdating ng bus. Karamihan ay ibang lahi: mga Pakistani, Indiano at mangilan-ngilan na Aprikano. Sa dulo, may isang Filipina, nasa edad 35, naka-business suit, tahimik. Dumating ang isang ginang at tinabihan ang babaing tahimik. Mukhang palakaibigan ang ginang dahil halos lahat ay kanyang binabati, nginingitian. Inaya ng ginang ang babae na maupo sa gilid ng pasimano ng ginagawa pa lang na centralized bus stop. Nagsimula ang kanilang kwentuhan, tawanan at kumustahan. Napag-alaman na ang babaeng naka-suit ay magdadalawang buwan pa lang sa lugar, kagagaling lang sa panayam, pagod at hindi pa kumakain ng tanghalian. Samantala, ang astang bibong ginang ay baguhan lang din ngunit may asawa’t kamaganak kaya gamay na ang pasikot-sikot sa lugar.

Habang umaatikabo ang huntahan ng dalawang babae, matatanaw sa ‘di kalayuan ang paparating na dalaga na may kaliitan. Namumula ang buong mukha pati ang braso at puro pawis. Para siyang nanggaling sa isang malayong lugar. Pagod na pagod at mababakas sa maamong mukha ang hirap na pinagdaanan sa araw na iyon. Siya rin ay nakasuot ng pormal ngunit nakagomang tsinelas. May bitbit na asul na plastik bag na may nakasilid na itim na sapatos. Siguro, kaya naka-tsinelas ay dahil pinalitan ang suot na sapatos para sa maalwang paglalakad. Madaming dalang mga papeles ang dalaga at mapapansin na medyo malaki ang gamit na shoulder bag para sa kanyang pigura. Malakas ang hangin ng hapon na yun ngunit nanunuot sa balat ang sobrang init ng kapaligiran. Nakapanghihina ang init. Marahil ‘eto ang temperaturang “humid” na tinatawag nila.

Nagpahinga lang saglit ang dalaga at madaling nakagamayan ng loob ang babae at ang ginang. Isiniwalat ng dalaga na naghahanap siya ng trabaho. Naka-visit visa. Utang pa nga daw sa tiyuhin ang ginastos sa pagpunta dito. At hindi pa siya sinuswerteng makahanap ng trabaho. Lahat sila seryosong nakikinig at nagkukwento. Samantala, habang todo sa pag-eemote ang dalaga at ang babae, heto ang ginang at tumitirada ng mga mayayabang na salita. Na kung iyong iisipin ay parang ganoon nga lang kadali ang lahat ng kanyang sinasabi, ang kanyang mga suhestiyon. Halatang masyadong nagmamagaling… nagmamarunong.

Mag-kakalahating oras na kami sa paghihintay ng masasakyan. Maraming bus na ang dumaan ngunit wala ang numerong hinihintay ng lahat. Ang kuwentuhan ng tatlong babae ay nadagdagan nang may nakisali na dalawang binata. Marahil nasa edad 25-28. ‘Yung isa ay medyo may kapayatan, samantalang ang ikalawa ay katamtaman, matipuno. Sila’y mga inhinyero sa seksyon ng kuryente. May galak nilang naibulalas na kapipirma lang nila ng kontrata noong hapon na yun. Halos sabay-sabay na napatingin sa knila ang tatlong babae, tingin na may kasayahan ngunit may halong selos. Hindi naiwasan ng dalaga ang magtanong at mabigkas na “buti pa kayo, maayos na. taas siguro ng sahod nyo dahil kayo’y mga inhinyero”. Sumagot ng may kalungkutan ang mga binata “hindi nga eh, tinanggap na lang namin para lang… alam mo na… para hindi lang umuwi sa Pilipinas”. Lahat sila’y napatahimik. Napatigalgal.

Dahil sa sobrang inip sa bus na hinihintay, naisipan kong tumawag na lang ng taxi dahil lumalalim na ang hapon at ako’y mahuhuli na sa misang dadaluhan. Walang isang minuto, may huminto at nagpasakay. Habang lulan ng malamig na sasakyan, habang kumportable sa aking pagkakaupo, hindi ko mapigilang magmuni-muni, pag-isipan ang mga kuwentong narinig at nasaksihan. Naisip ko, hindi pala pangit ang buhay na mayroon ako. May trabaho ako’t kumikita ng sapat ngunit bakit nag-aasam pa ng higit sa kailangan. Katunayan nga, kung bakit ako napadpad sa bus stop na iyon ay dahil kagagaling ko lang sa isang negosyasyon, sa isang posibleng trabaho. Pero bakit ganun, hayun ako’t puro pa din reklamo, panay ang puna sa hindi magandang nangyayari sa buhay. Puro negatibo.

Bakit hindi ko kaya nasubukang bilangin ang mga biyayang tinatamasa? Ang mga bagay na meron ako at wala ang mga taong nasa bus stop. Bakit hindi ko pa noon naisip na ang suwerte ko pala at hindi ko nararanasang bumiyahe araw-araw at maranasan ang hirap sa pag-aantay ng bus dahil ako’y sinusundo ng dyaber ng kumpanya. Na hindi natutusta ang aking balat sa sobrang init sa labas at sa halip nag-eenjoy sa malamig na simoy ng hangin mula sa AC dito sa aking opisina. Na hindi ako nalilipasan ng gutom dahil meron kaming employee’s meal sa buong maghapon. Ang swerte ko pala talaga…

Sa bus stop lang pala… Doon lang napagnilayan ang lahat. Doon lang pala ako matatauhan.

Sa bus stop…