Young woman enjoying music (Photo credit:123rf.com)

Young woman enjoying music (Photo credit:123rf.co)

Si Jenny

Mag-aalas siyete ng gabi nang may kumatok.

Sino kaya yun, bulong ko sa sarili ko. Sandali…. Binuksan ko ang pintuan ng bahay para matignan kung sino yung kumakatok. Wala namang tao?

Haaay.. dito sa lugar na ito talaga, napakaraming luko-loko. Nilock ko yung pinto at  saka ako bumalik sa silid ko. Humiga at nagmuni-muni. Ang daming pumapasok sa isipan ko. Hanggang sa hindi ko namalayan, nakatulog din ako.

Kiririiiingg.. kiririiiingg.. Nagising ako sa tunog ng cellphone ko. Ito kasi ang ginagamit ko bilang alarm clock. Alas sais na naman pala. Ang sakit ng ulo ko. Kulang kasi ako sa tulog. Paano kasi anong oras na ako nakatulog kagabi. Kung anu-ano pa kasi ang pumapasok sa aking isipan bago ko nakuha ang antok ko. Makabangon na nga at nang makaligo at makapagluto na ng almusal.

Alas siyete na, papasok pa lang ako. Pagkalabas ko ng pintuan hawak-hawak ko na yung susi ng bahay. Ilolock ko na sana yung pinto, bigla ko naman nabitwan yung susi. Noong pupulutin ko sana ito, bigla naman tumilapon ang mga laman ng bag ko. Bolpen, lipstick, facepowder at iba pang gamit pambabae, nagsikalat. Bukas pala ang zipper ng bag ko. Dali-dali kong pinulot lahat.

Sa opisina, habang nagpapahinga ako dahil break-time ko naman. Naalala ko yung sinulat ko na nawala ko kahapon. Tinignan ko sa mga gamit ko sa aking table, wala naman doon. Nasaan kaya? Nahulog ko nga siguro sa daan.

Kumuha ulit ako ng bolpen at papel. Iniiisip ko yung mga naisulat ko kahapon. Tatlompong minutp nang hawak-hawak ko ang bolpen ko, nananatili pa ring blanko ang papel na susulatan ko. Wala akong maisip na isulat. Nabablanko ang isipan ko. Marami ang gumugulo sa utak ko. Naku, naubos lang ang aking oras sa wala. Uwian na naman.

Pagkadating ko ng bahay, dinukot ko ang susi sa bag ko para aking mabuksan ang pinto. Pero hindi susi ang nadukot ko. Isang USB flash drive. “Bakit kaya mayroon ako nito sa bag ko,” tanong ko sa sarili ko. Naku, baka sa kasama ko sa trabaho ito. Pero, bakit nasa bag ko? Haay.. ewan. Nilagay ko ang usb flash drive sa isang maliit na bulsa ng aking bag. Pumasok ako ng bahay.

Tulad ng nakagawian ko pagkagaling sa trabaho, magbubukas ako ng ref at kukuha ng makakain. Kumuha ako ng macaroni salad. Binuksan ko ang TV, saka nanood ako habang kumakain. Ito lang na naman ang hapunan ko. Hindi na kasi ako kumakain ng kanin kapag gabi. Inom na lang ako ng gatas, ayos na. Nang maubos ko na ang kinakain ko, pinatay ko na ang TV saka pumasok sa aking kwarto.

Nahiga habang nakasaksak ang aking earphone sa magkabilang tainga ko. Soundtrip naman ngayon. Habang nagsasoundtripping ako, bigla kong naalala yung usb flash drive. Napapaisip talaga ako kung bakit at paano napunta ang usb flash drive na iyon sa bag ko. Dahil sa curiosity ko, binuksan ko ang aking laptop. Saka ko kinuha yung usb flash drive. Sinaksak ko para makita ko kung ano ang laman ng usb flash drive na yun.

Noong magbukas na yung usb flash drive, nagulat ako bigla! Isa kasi sa mga folders na nakasaved sa loob ng usb flash drive na yun, ang folder name ay JENNY! Pangalan ko! Bigla naman akong kinabahan. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang aking nararamdaman. Para akong bata na nakakita ng multo. Sino ba naman kasi ang hindi kakabahan, unang-una bakit nasa bag ko yung usb flash drive na iyon. Pangalawa, bakit natapat pa na pangalan ko ang pangalan ng isa sa mga folders na nakasaved doon.

Nakatapat na ang cursor ng mouse ko sa folder na iyon. Pero nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko ba o hindi. Hanggang sa hindi ko namamalayan, nabuksan ko yung folder na iyon. Nang mabuksan ko, ang laman ng folder ay isang AMR file (audio). At nagulat na naman ako dahil ang pangalan ng file na iyon ay “Para kay Jenny.” Binuksan ko at ito ang narinig ko.

>>>>>
“Jen, hindi ko alam kung makikita pa kita. Kaya naisipan kong irecord itong ginawa kong kanta para sa’yo. Para kahit nasaan ka man, may pag-asang mapapakinggan mo ito. Naging madamot kasi ang gabing iyon para sa atin. Hindi tayo binigyan ng pagkakataon para mapagbigyan ang ating damdamin. Sana magustuhan mo. Ito’y para sa’yo.”

Kung ikaw ay isang awitin
Paulit-ulit kitang kakantahin
Hindi magsasawa
Kahit pa abutin hanggang umaga
At ang ganda mo ay tulad ng mga bituin
Na nagbibigay ganda sa gabing madilim

Chorus:

Kasabay ng tugtog ng aking gitara
Sasabihin kong Mahal Kita
Dahil ang gabing ito
Ay para lang sa ating dalawa
Mahal kita, oo mahal kita
Paniwalaan mo ito sinta
Ikaw lang at ikaw lang talaga
Ang awit ng puso ko

Kung ako ay isang awitin
Ikaw ang magiging liriko ko
Gaano man kaganda ang
tunog ng gitara ko kung wala ka
Hindi nila ako maiintindihan
Dahil wala ka na
nagbibigay kahulugan
>>>>>

Habang pinapakinggan ko ito, naglalakbay naman ang diwa ko. Parang nakahiga ako sa ibabaw ng ulap na tinatangay ng hangin at dinadala sa ibat-ibang panig ng mundo. Ang nararamdaman ko habang pinapakinggan iyon ay tulad din ng naramdaman ko noong kinakantahan niya ako sa nightclub kung saan una ko siyang nakilala. Ang ganda talaga ng boses niya. Buhay na buhay sa puso ko ang kanta niya. Mas matindi ito dahil sariling compose niya na para sa akin talaga.

Ang kaba, takot at pagkakabigla ko ay napalitan ng kilig at tuwa. Mangiyak-iyak pa nga ako sa saya. Dahil ang lalakng hinahanp-hanap ko ay may nararamdaman din pala para sa’kin gaya ng nararamdaman ko para sa kanya. Hindi na ako nakatulog ng gabi na iyon. Magdamag kong paulit-ulit na pinapakinggan kanta nya na iyon habang yakap-yakap ko so aybi, ang teddy bear na ibinigay niya sa’kin.

Hanggang sa maalala kong isipin kung papaano nga ba napunta sa’kin ang usb flash drive na iyon. Binalikan ko lahat ng nangyari kahapon at sa mga nagdaan pang araw. Naalala ko na may kumatok pala noong isang gabi. Noong pagbuksan ko, wala naman tao. Kahapon ng umaga nabitawan ko yung susi, noong pulutin ko ito, tumilapon naman ang laman ng bag ko dahil bukas pala ang zipper nito. Noong pinulot ko ang mga ito, hindi kaya nasama dito yung usb flash drive? Pero paanong naroroon yung usb flash drive?

Pilit kong pinagtagpi-tagpi ang mga pangyayari. Hindi kaya siya ang kumakatok noong isang gabi, tapos iniwan o itinapon niya ang usb flash drive sa labas? Kung ganun, alam niya pala kung saan ako nakatira? Haaaay… ang gulo. Naguguluhan ako.

Kailangang pumunta na naman ako sa nigthclub nitong darating na biyernes. Kung wala pa siya dun, kakausapin ko ulit yung manager. Aalamin ko kung papaano ko ba makakausap yung kaibigan niya na may alam kung saan regular na tumutogtog yung banda na hinahanap ko.

Kailangan ko na siyang makita, kailngan ko na siyang mahanap. Dahil ang pag-ibig na aking nararamdaman para sa kanya ay hindi ko na kayang pigilan.

Itutuloy….

Ito po ang mga link ng part 1 , 2 at 3

Part 1 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/06/19/isang-gabing-pag-ibig/

Part 2 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/07/27/isang-gabing-pag-ibig-part-2/

Part 3 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/07/30/isang-gabing-pag-ibig-part-3/