Never give up (Photo credit: wordpress)

Never give up (Photo credit: wordpress)

Hindi ako galing sa isang broken family pero masasabi kong sira ang pamilya ko. Labing isang taong gulang lamang ako nang mahiwalay sa aking nanay at mga kapatid matapos yumao ang aking ama. Sa aking kamusmusan, naisip kong gumawa ng paraan para maitaguyod ko ang aking pag-aaral. Iniwan ko ang mga kapatid ko nang may isang pangakong binitawan sa puso at isip ko: “Balang araw babalikan ko kayo… Magsasama-sama ulit tayo. Sigurado akong matagumpay na ako sa aking pagbabalik at mabibigyan ko na kayo ng magandang buhay“.

Nagpatuloy ang buhay ko nang malayo sa pamilya; kinupkop ako ng isang taong may mabuting puso. Nagtrabaho ako sa kanila sa murang edad ko habang ako ay nag-aaral.    Hindi naging madali para sa akin ang lahat. Mabigat at masakit sa aking kalooban.  Mas madali sana sa akin ang pag-abot ng aking mga pangarap kung kasama ko ang mga mahal ko sa buhay. Nagtiis ako. Madalas ang mga gabi ng aking pag-iyak lalo na kapag nakababalita ako ng hindi magandang nangyayari sa pamilya ko.

Matapos ang mahabang panahon ng pagtitiis, matapos ang ‘di mabilang na pag-iyak tuwing gabi at matapos ang pakikipaglaban ko sa kalungkutan, dumating din ang panahon na aking pinakahihintay. Sunud-sunod na tagumpay at suwerte sa buhay ang dumating sa akin. Nakapagtapos ako ng pag-aaral, nakapasa agad sa board exam, nakahanap ng maganda at permanenteng  trabaho at nakakuha ng hulugang bahay sa isang subdivision. Panahon na para sila ay aking balikan. Mabubuo ulit ang aming pamilya at mabubuhay kami ng masaya at sama-sama.

Ang mga magagandang bagay na plano ko sa buhay sa aking pagbabalik ay biglang naglaho. Pakiramdam ko, biglang nagbalik sa aking balikat ang pasan-pasan kong daigdig noon. Naisip ko, siguro pinagpahinga lang ako sa pagpasan nito at ngayon ibinalik na ulit upang pasanin ko. Paano ko pa mabubuo ang pamilya ko kung ang kuya ko ay nalulong sa droga at nakulong, ang bunso namin ay nawala sa sariling katinuan at ang kapatid kong babae ay maagang nagkaanak ng walang asawa. Wala ni isa man sa kanilang nakaisip na isalba ang mga sarili nila noong panahon na kami ay naghihirap. Mabilis na gumana ang aking pag-iisip; mag-uumpisa ulit ako ng panibagong mga plano sa buhay, susubukan ko pa ring buuin ang sira.

Habang nasa ganito akong mga pagpaplano, kasabay na pumapasok sa isipan at puso ko ang inggit sa ibang pamilya. Naiinggit ako na sila ay magkakasama. Naiinggit ako sa mga kaibigan kong ang mga kapatid ay lahat nakapagtapos kung hindi man nakapagtapos ay may maganda namang buhay. Nasa ganito rin akong sitwasyon na maghanap ako ng taong magiging karamay ko sa aking pagkabigo na mabuo ang sira kong pamilya.

Nakakilala ako ng lalaking may buo, maganda at sariling pamilya. Nagkaroon ako ng kakaibang pag-iisip. Alam kong mali pero sumiksik sa isip ko na gusto kong maging parte ng maayos n’yang pamilya. Nagkaroon kami ng relasyon ngunit hindi rin naman ito nagtagal. Nakaramdam ako ng kakaibang saya sa puso ko na naging parte siya ng buhay ko; pakiramdam ko ang pamilya n’ya ay pamilya ko rin. Masaya ako kahit alam kong puwede akong makasira ng isang maayos na pamilya. Nagpatuloy ang ganitong pakikipagrelasyon ko sa mga taong may asawa at may maayos na pamilya. Panandalian kong nakalimutan ang binubuo kong sira dahil sa pagsira ko ng buo.

Hanggang sa nagkaroon ako ng karelasyong hiwalay sa asawa. Broken family sila kung maituturing pero buo ang pamilya nila sa paningin ko. Naging malapit ako sa mga anak n’ya. Kahit na hiwalay sila ng asawa n’ya, maayos ang lahat ng anak n’ya. Lahat sila ay may pinag-aralan at walang naligaw ng landas. Kahit hiwalay ang mga tatay at nanay nila ay maganda ang relasyon nila sa isa’t-isa. Sa katunayan, maganda din ang pakikitungo sa akin ng ex-wife, mga anak at iba pa n’yang kapamilya. Nakahanap na ako ng buong pamilya na tumanggap sa akin.

At sa ngayon patuloy ko pa ring binubuo ang sira kong pamilya. Inilabas ko sa kulungan ang kuya ko at kasalukuyan siyang nagtatrabaho, pinagamot ko ang kapatid kong may problema sa pag-iisip at tinutulungan ko ang kapatid kong nag-asawa nang maaga. Kasama ko na ngayon ang nanay ko, isang pamangkin at dalawang kapatid sa bago kong bahay. Patuloy pa rin ang pag-iisip at pagpaplano ko kung paano ko mabibigyan ng magandang buhay ang mga kapatid ko para hindi na sila umasa sa akin habang buhay.

Sa pamamagitan ng pagtitiis at  pagtulong sa aking pamilya ay napagaan ko ang dating mabigat na nakapasan sa aking balikat. Natutunan kong walang ibang tutulong sa iyo kundi ang sarili mo.