Beauty and the Beast    (Photo Credit:    Nerdbastards)

Beauty and the Beast (Photo Credit: Nerdbastards)

Ang titulong yan ay hango sa “wansapanataym” na napanood ko.   Hiniram ko muna mukhang bagay kasi sa isinulat ko tungkol sa isang nagmamaganda.

Si ate, tawagin natin siya sa pangalang Marla.

Kailan ko lang nakilala itong si Marla. Marami na akong narinig tungkol sa kanya. Mga banat na talaga naming nakaririndi sa tainga. Kawawa naman si Marla; mukhang pinagkakaisahan ng kanyang mga kasamahan. At siyempre dahil sa hindi ko pa siya lubos na kilala ay matamang inobserbahan ko muna.

Unti-unting lumabas ang tunay na anyo ni Marla. Kapagdaka ay mabait sa harapan ngunit matindi kung mang-alipusta at manlait ng kapwa sa kanilang likuran. Kaya naman pala ganun na lang ang galit ng iba sa kanya. Hindi ko pa rin siya hinusgahan sa ugaling aking natuklasan. Wala siyang maituturing na tunay na kaibigan. Kasi nman kahit ang pinakamalapit sa kanya ay sinisiraan pa niya.

Mahilig magkuwento si Marla tungkol sa kanyang nakaraan; kesyo siya ang pinakamaganda, pinakamatalino, pinaka sa lahat, yung tipong ayaw patalo “wala ka sa lolo ko”. Ang lakas ng hangin ni Marla buti na lang malakas ang kapit ko sa aking kinauuupuan. Inisip ko na lang, siguro nga nung kanyang kabataan ngunit wala naman akong makitang bakas ng sinasabi niyang kagandahan. Tuloy pa rin ang pakikinig ko sa kanya, alangan namang iwan ko siyang nagsasalitang mag-isa.

Sabi pa niya, pinagkakaguluhan at nililigawan daw siya ng mga kalalakihan. Sa isip ko lang, kung gayun bakit wala siyang asawa? Tumanda na siyang dalaga. Kung siya ang pinakamatalino, bakit sa lugar na ito lang siya nagtratrabaho? At tawaging bobo ang ibang tao? Aba eh! sumosobra na. At kung siya ang pinaka-asensado, bakit hanggang ngayon sa kanyang edad ay kumakayod pa rin nang todo? Pasikat dito, pasikat doon. Naman, Marla, hindi ka ba napapagod? Mukhang hirap ka na eh! wala nang gustong makasalamuha ka.

Pero ngayon naniniwala na ako totoo naman pala ang mga ibinibintang sa kanya. Kung gaano kaputi ang balat niya ay siya namang dungis ng ugali niya. Siguro nga maganda si Marla sa panlabas na kaanyuan (yun ay ayon sa kanya), ngunit sadyang natatakpan ito ng ugali niyang magaspang. Bakit kaya hindi na lang siya maging simple, di kailangang magpapansin. Hayaan na lang niya ang mga taong nakapaligid sa kanya na makakita ng kanyang mga katangiang “pinaka” na maaaring hangaan pa ng iba.

Oo na! sige na! ate Marla. Ikaw na! ikaw na talaga! Kung baga “you already”. Ikaw na nga si BEAUTY, ikaw pa si BEAST.