Nakakainis!  Nakakainis talaga!”  Padabog na pumasok sa kuwarto ang bunsong nagngangalit  ang bagang sa galit.

“O bakit na naman?” tanong ni Momsy sa anim na taong gulang na anak na si Kakay.

Napaka-pakamalas ko talaga!  Hmppp! Ako ang pinakamalas sa buong mundo! Nakakainissssss!”   Tila maiiyak na ito sa sama ng loob, lalo pa nang makitang ngingiti-ngiti ang kanyang ina sa kabila ng kanyang nararamdaman.

“Bakit naman kasi binigyan mo ako ng tatlong kuyang nakakabuwisit!  Hmp!  Sana,  mga ate na lang ang meron ko.  Hindi ako mabubuwisit! Napakamalas ko talaga!”  dagdag-maktol na naman ni bunso.

Bakit?  Pinagtulungan ka na naman ba nilang tuksuhin?” pigil-ngiting hinila ni Momsy si bunso sa kanyang tabi, sabay haplos sa buhok nito at hinilang pahiga sa kama.

Tuluyan nang tumulo ang mga luhang pinipigil kanina… umiyak na nang umiyak nang yapusin ng kanyang nanay si bunso.

“Hmmm…wawa naman ang Baby Cake ko.  Binibiro ka lang ng mga kuya mo, kasi bunso ka at nag-iisang babae, lambing lang yun sa iyo….” Alo ng ina sa umiiyak na bunso.

Hindi yun lambing!  Ayoko ng ganoong lambing!  Salbahe sila, Mama.  Sabi nila, si Kakay Lupa daw akoPag hinawakan ko daw sila, magiging lupa din silaayaw nila akong patabihin sa kanila, nanonood lang naman ako ng cartoons…huhuhu” lalong napalakas ang iyak ni bunso pagkaalala sa nakaraang tuksuhan.

“Naku… lambing lang yun.  Nilalaro ka lang nila”  pigil-ngiting bulong niya sa anak.

“Paglaki mo, makikita mo.  Ang sasabihin mo na ay ‘ang suwerte-suwerte mo kasi me tatlo kang kuya!” dagdag ni Momsy.

“Hindeeee!  Ang malas ko talaga!  Grrrr! Pagalitan mo sila ha, Mama…” pahikbing hiling ni bunso.

“Oo, promise, pagagalitan ko sila.  Pero tandaan mo yung sinabi ko ha…pag laki mo, iba na ang sasabihin mo!  O tahan na…” at nakatulugan na ni bunso ang paghikbi.

- – - -

Lumipas ang maraming taon….nagdalaga na si bunso.  Nakawala na ba siya sa mga mapamuwisit na kuya? 

Hindi!

Hanggang ngayon ay alaga pa rin siyang tuksuhin at inisin ng kanyang tatlong kuya, pero kering-keri na ni bunso ang bisyong pangungulit ng kanyang mga kuya.  Kaya na niya kasing makipagsabayan.  Matagal na niyang natanggap at nakilala kung anong klaseng mga kuya ang mayroon siya.

Maalaga, malalambing, at maaasahang mga kuya ang mayroong siya.  Sinasamahan siya sa mga lakad na gusto niyang magpasama.  Inaalala siya sa kanyang pinupuntahan.  Inaasikaso ang bawat hingi niya ng tulong.  Nauungutan na niya ang mga ito kapag may gusto siyang kainin o bilhin.  Binibilhan siya ng gusto o kailangan niya basta’t kaya.  Kapag nasa bahay siya ay mayroon siyang pasalubong.  Pinadadalhan siya ng kung anu-ano.  Sabik na hinihintay ang kanyang bawat pag-uwi mula sa boarding house sa Los Banos.

Kajamming niya sa tugtugan sa gitara o piano ang kanyang dalawang kuya.  Kasundo niya ang mga ito sa food trips nila; kasama sa rides sa EK o karnabal; at sa Storyland o Star City naman noong mga bata pa sila.  Kabungguan niya sa bump cars, kajamming niya sa video games, kasamang nanonood ng movies, at kabagang sa pagkahilig sa mga pusa!

Dahil din siguro sa pagkakaroon niya ng mga kuya kung kaya’t maayos manamit si bunso at hindi nagsusuot ng malaswa.  Matindi kasi ang MTRCB censorship pagdating sa kanyang kasuotan.  No braless, no cleavage, no micro minis, please!  Kung hindi, hindi siya makalalabas ng bahay!  Kailangang pasado sa tatlo niyang kuya ang lahat ng kanyang susuotin!  LOL!

Kapag may magbibirthday sa kanyang mga kuya, hapit na siyang nag-iipon dahil ang gusto niyang iregalo ay iyong naiisip niyang magugustuhan nila.  Kapag mayroon siyang nakitang ‘something’ na kaya niyang ipasalubong sa sinuman sa kanyang mga kuya ay binibili niya:  Final Fantasy items, pendants, o kahit pa food! (Matakaw kasi yung isa niyang kuya. Lol!)

Gusto niyang sinusurpresa ang kanyang mga kuya gaya ng personalized na T-shirts o malaking Teddy Bear!  Kahit lagi pa rin siyang sinususot o pinasisigaw ng mga ito, hindi maikakailang nabura na ang alaala ng twelve years ago.

Magulong masaya kapag sila’y magkakasama.  Para kasi silang magkakabarkada na nagkakasundo.  Hindi na uso ang away; puro plain tuksuhan na lang na wala namang napipikon dahil sanay na sila sa bansag sa isa’t isa:  Badjaw (First), Jakol (Second), Buttchoi (Third) at Bitchoo (Fourth).

Ang ingay na likha ng kanilang pagkakatuwaan at tawanan ay musika naman sa pandinig ni Momsy.   Happiness, plain and simple.   ^___^

—–

Minsan ay napagkuwentuhan nila ni Momsy ang eksenang iyon kung saan ay nasabi niyang “napakamalas niya dahil may tatlo siyang kuya.”

Hahaha!  O ano ngayon?  Malas pa rin ba sa tatlong kuya  si Bitchoo?

Napakagandang ngiti na lang ang kanyang naisukli….. ^__^