Prostitute     (Photo Credit:    Legaljuice)

Prostitute (Photo Credit: Legaljuice)

Wala akong karapatang husgahan ang mga pumapasok sa prostitusyon dahil alam kong ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang pinagdadaanan. Hindi ko alam kung iyon ba ang napili nilang trabaho o kaya naman ay may mapait silang karanasan na naging dahilan kung bakit sila ay nasa ganoong kalagayan. Ngunit hindi ko alam na minsan pala sa buhay ko ay may magpaparamdam sa akin na ako’y isang bayaran.

Una ko s’yang nakilala noong minsan ako’y naglalakad pauwi mula sa Mexican Embassy noong ako’y nag-apply ng visa. Ni minsan sa buhay ko ay hindi ko akalaing may taong susunod sa akin habang binabaybay ko ang daan patungo sa train station. Tanghaling tapat noon at ang hitsura ko naman ay medyo formal dahil nga galing ako sa embassy upang magpasa ng requirements. Hindi rin naman ako kagandahan upang pagtuunan ng pansin ng kalalakihan. Ang alam ko, mukha pa nga akong tanga dahil tumitingin-tingin ako sa mga buildings na malahigante sa paligid ko.

“Hi, excuse me. Is it okay if I talk to you for a bit? I was on my way to a meeting and I saw you. I followed you and thought that maybe, I could get your number”, sabi ng lalaking naka-coat and tie.

Dahil maliwanag naman at doon kami sa mataong lugar, inisip ko na hindi naman siguro masama kung pansinin ko siya. Medyo hindi ko nagustuhan yung approach n’ya na kunin ang number k, pero hindi naman ako bastos upang hindi kausapin ang taong ito.

Hello! I am on my way home because my employer’s waiting for me and I am sorry, it’s not my attitude to just give my number to people I meet on the streets. No offense meant, Sir,” sabi ko naman.

Nahalata siguro n’ya na hindi ko nagustuhan ang approach n’ya kaya humingi siya ng pasensya. 12 minutes na raw n’ya akong sinusundan at hindi raw n’ya alam kung paano ako kausapin. Limang minuto na lang noon ay meeting na raw n’ya. Sabi ko sa sarili ko, mukhang okay naman ang taong iyon at naging maayos naman ang aming pag-uusap pagkatapos ng paliwanag n’ya sa akin. Bago kami maghiwalay, tumunog nga ang celfon nya at narinig kong sinabi niya sa kanyang kausap na parating na s’ya.

Natatawa akong umuwi ng bahay at hawak-hawak ko ang numero niya. Siya ang nagbigay sa akin dahil baka raw maisipan kong itext siya kapag nalungkot ako. Nanginginig pa siyang isulat ang pangalan at numero niya at nasorpresa pa ako dahil ang surname pala niya ay ang gamit kong pen name sa Facebook.

Lumipas ang tatlong buwan at nakalimutan ko na yung lalaking iyon. Noon kasi, may boyfriend pa ako at wala akong panahong makipagbolahan. Hanggang sa nagbreak kami ng boyfriend ko at habang nagliligpit ako ng gamit ko na puwedeng magpaalala sa akin ng nakaraan, bigla kong nakita ang numerong tatlong buwan na palang hindi ko pinapansin. Dali-dali ko siyang tinawagan at nagpakilala ako.  Doon na nagsimula ang aming pagkakaibigan na nasundan ng lunch, snack at dinner.

Naging misteryo sa akin ang katauhan niya. Minsan ko s’yang naigoogle at sa dami ng magkakaparehong pangalan ng foreigners, hindi ko alam kung siya ang naresearch ko. Ang kanilang pamilya ay nagmamay-ari ng malaking kumpanya dito sa Canada at dinadala n’ya ako sa mamahaling restaurant at minsan kaming nagkita sa loob ng bar ng casino dahil doon malapit ang station ng bus na sinakyan ko. Nacurious lamang ako kung ano ang nasa loob ng Casino kaya sinamantala ko ang pagkakataon. May kotse naman s’ya kaya madali lang sa kanya ang puntahan ako. May bar sa loob ng casino kaya doon na siya bumili ng wine at ang loko, kilala pala doon.

Napaisip ako, “aba, pang-ilan kaya akong nakasama ng lalaking ito dito?”

Tuwing lumalabas kami, lagi kaming nag-uusap ng mga buhay buhay at ilang beses kong nabanggit sa kanya na ako’y isang nanny na mahilig magsulat at nawalan ng inspirasyon kaya napahinto ng ilang buwan. Doon n’ya nalaman na ang tunog ng alon ng tubig at nature ang nakakapagrelax sa akin. Sabi ko, sa ganitong kapaligiran ako ipinanganak kaya “it reminds me of home”.

Nabigyan ako ng 4days off ng amo ko at nakasabay iyon sa 2 weeks vacation naman n’ya. Inimbitahan n’ya ako sa cabin kuno ng “kaibigan” n’ya. Natakot pa ako dahil maaaring dalawa lang kaming titira doon, ngunit s’ya na mismo ang nagsabi sa akin na wala akong dapat ikabahala. Tama nga naman dahil ilang buwan na kaming lumalabas at hindi siya nagtake-advantage.

Nakarating ako sa lugar niya na at nalula ako sa nakita ko. Cabin sa tapat ng kilalang lake dito sa Canada. May boat na konti na lang ay mukhang yacht na. May kayak, jetski, pangwakeboarding at ilan pang kagamitan na never ko pang naranasang gamitin. Sa apat na araw ko doon, kahit pag-ayos ng bed ko ay hindi ko ginawa. Madalas na ipinaalala sa akin na ako ay nandoon para magrelax at mayroon naman daw maid na nag-aayos noon. Hmmm, sabi ko sa sarili ko na baka caretaker lang siya doon.. lol

Pinasyal n’ya ako sa iba’t ibang lugar doon. Kumain kami sa mamahaling restaurant at inaya niya akong magshopping dahil ‘yun daw ang isa sa nagpapasaya sa mga babae. Tumanggi ako at sinabi ko na lamang na mas gugustuhin ko pang manood ng sunset o kaya ay turuan n’ya akong lumangoy. Nahihiya kasi talaga ako na ginagastusan ako ng ibang tao ay hindi ko rin ugali ang “bilmoko”. Naniniwala ako na walang libre sa panahon ngayon.

Sa pangatlong araw ko doon, inaya na naman n’ya akong magshopping. Wag daw ako mahiya kasi s’ya ang nag-offer at he insisted it daw. Kahit man lamang souvenir ko sa pagbisita ko doon. Iniinsulto ko na raw siya kung tatanggi pa ako at doon ko rin nalaman na hindi pala kami magkasama pauwi tulad ng ipinangako niya na maglong drive kami. Ibili na lang daw niya ako ng plane ticket pauwi. Aba, iba na ito. Sinusuhulan ba ako ng lalaking ito, sabi ko sa sarili ko. Kaya pala, gusto akong ipagshopping. Hindi nga s’ya nagtake advantage ngunit sa ginagawa n’ya mukhang may hinihintay s’yang kapalit.

Dahil puro duda lang naman ako,  sumama pa rin ako sa kanya sa huling dinner namin sa labas. Napakarami ng inorder ng loko at ipinaalala ko na naman sa kanya na kailangan ay ubusin niya kung anuman ang pagkain sa harapan namin dahil marami ang mga taong hindi kumakain sa araw-araw. Akala ko, okay lang sa kanya na ubusin lahat iyon hanggang sa nasira pala ang tiyan n’ya at buong gabi s’yang nagrireklamo. Nagkaroon tuloy siya ng pogi points sa akin dahil ginawa niya kung ano inutos ko. hihihi

Siya ang bumili ng ticket ko pauwi at inihatid n’ya ako hanggang check-in. Nagulat pa ako dahil special treatment ako. Hindi ko rin makalimutan ang pagtawag n’ya sa agent  noong bumili s’ya ng ticket. Kilala na pala s’ya maging sa airport dahil madalas s’ya magbiyahe papunta doon para sa kanyang kompanya. Doon ko nalaman na tama pala ang naresearch ko. S’ya pala ang may-ari ng company na pinagtatrabahuan n’ya. Huli ko na rin nalaman na sila ang may-ari ng cabin at ang mga kagamitan na naroroon sa tinirhan ko.

Pag-uwi ko, nagulat ako sa perang nasa bag ko. Binayaran pala n’ya ang ticket ko papunta roon. Doon na naman ako nanliliit. Hindi ko akalain na mararamdaman ko na parang ako’y isang bayaran ng lalaking para sa akin, pinapangarap ng karamihan. Lalaking nagmamay-ari ng isang kompanya, walang sabit, maykaya sa buhay, mabait, humble kahit pa malayo ang agwat ng aming pamumuhay.

Sa pag-uwi ko, nagdesisyon na ako na hindi na muling makikipagcommunication sa kanya dahil alam kong hindi kami magkalevel at baka lagi kong mararanasan ang “panliliit”. Sinumbatan ko s’ya sa perang nasa bag ko at ang sabi ko ay nainsulto ako. Doon ko na nalaman ang katotohanan.

Una, hindi pala siya ipinanganak na mayaman at nakikita raw n’ya ang sarili n’ya sa akin na nagsisikap upang umangat ang pamumuhay at ang pamasahe ko sa eroplano ay malaking halaga na iyon kung tutuusin.

Pangalawa, hindi n’ya inamin sa akin ang tunay n’yang katayuan dahil maaaring layuan ko s’ya dahil di kami magkapareho ng level o kaya ay papatulan ko na lang s’ya basta-basta dahil sa may pera nga s’ya.

At panghuli, gusto man n’ya ako ngunit natatakot daw s’ya na hindi ko siya matanggap. Gusto raw sana n’ya akong busugin sa regalo at special treatment dahil isa iyon sa paraan upang pagtakpan n’ya ang kailanman ‘di magpapasaya sa akin. Ang kailanman ay hindi na s’ya puwedeng magkaanak.

At upang matahimik daw ako, “papayag siyang ibalik ko ang perang inilagay n’ya sa bag ko sa kondisyong ipagpatuloy ko raw ang paglabas kasama s’ya sa kabila ng mga natuklasan ko”.