A young man knockin' on a wrong door (Photo credit: amorfati22.com)

A young man knockin’ on a wrong door (Photo credit: amorfati22.com)

Si Iceburn..

Sa wakas tapos na din ang sinusulat kong kanta. Para ito sa babaeng nakilala ko noong nakaraan sa isang nightclub kung saan nag-guest kami. Biglang nagsidatingan ang mga kabanda ko. Umingay ang buong bahay. “Ano yan, bagong compose mo na naman?” Tanong ng gitarista namin, sabay agaw sa’kin.

>>>>>
“Jen, hindi ko alam kung makikita pa kita. Kaya naisipan kong irecord itong ginawa kong kanta para sa’yo. Para kahit nasaan ka man, may pag-asang mapapakinggan mo ito. Naging madamot kasi ang gabing iyon para sa atin. Hindi tayo binigyan ng pagkakataon para mapagbigyan ang ating damdamin. Sana magustuhan mo. Ito’y para sa’yo.”

Kung ikaw ay isang awitin
Paulit-ulit kitang kakantahin
Hindi magsasawa
Kahit pa abutin hanggang umaga
At ang ganda mo ay tulad ng mga bituwin
Na nagbibigay ganda sa gabing madilim

Chorus:
Kasabay ng tugtog ng aking gitara
Sasabihin kong Mahal Kita
Dahil ang gabing ito
Ay para lang sa ating dalawa
Mahal kita, oo mahal kita
Paniwalaan mo ito sinta
Ikaw lang at ikaw lang talaga
Ang awit ng puso ko

Kung ako ay isang awitin
Ikaw ang magiging liriko ko
Gaano man kaganda ang
tunog ng gitara ko kung wala ka
Hindi nila ako maiintindihan
Dahil wala ka na
nagbibigay kahulugan
>>>>>

Ayos! Talagang malaki ang tama mo kay Jenny tol ah haha! Irecord na natin yan, sabi niya. Saka na, aayusin ko pa, sagot ko naman. So paano, labas muna kami tol, ayaw mo naman sumama eh. Umalis na nga sila, may kanya-kanya kasi silang lakad. Niyayaya nila ako pero sabi ko, magpapahinga na lang ako. Nakaidlip nga ako.

Pagkalipas ng mga mahigit tatlong oras, nagising ako. Kinuha ko ang aking gitara at sinubukan kong irecord ang nabuo kong kanta. Tamang-tama habang wala pa ang mga magugulo. Nisave ko sa USB flash drive ko. Nang matapos na, sinubukan kong pinakinggan. Ayos, pwede na naming tugtugin ito sa susunod na gig namin.

Napatingin ako sa orasan. Alas sinko na pala, kailangan ko nang magbihis. Mag-geguest nga pala ulit kami ngayon. Inilagay ko sa bulsa ko yung USB flash drive ko kasama ang cellphone ko. Saka ko kinuha ang wallet at jacket ko, nagmamadali akong lumabas. Alas sais na ng gabi noong umalis ako ng bahay. Nauna na ang mga kabanda ko sa venue. Pumara ako ng taxi, saka nagpahatid doon.

Hindi pa kami nakakalahati sa destinasyon ko nang may nakita akong papel na maganda ang pagkakatupi sa sahig ng taxi cab. Medyo madumi na ito at may mga marka na ng suwelas ng sapatos. Pinulot ko saka ko binuklat. Isang sulat na hindi tapos. Binasa ko at heto ang laman ng sulat.

>>>>>
Hi, ako nga pala si Jenny. Sana hindi mo pa nalilimutan ang aking pangalan. Ako yung nakilala mo sa nightclub noong nakaraan biyernes, kung saan tumugtog kayo. Ako yung nagrequest sa’yo ng kanta na “I’ll Be.” Tapos noong kakantahin mo na yung request ko, nilapitan mo ako sa kinauupuan ko at kinantahan mo ako.

Alam mo bang sobrang kinilig ako noong mga sandaling iyon. Buong buhay ko kasi, noon lang nagyari iyon. Ang galing-galing mong kumanta. Ang ganda-ganda ng boses mo. Hindi mo lang ako napahanga, napaibig mo pa ako. Oo, totoo ito, napaibig mo nga ako.

Alam mo ba na ikaw palagi ang laman ng isipan ko? Maging sa pagtulog, ikaw ang napapanaginipan ko. Paggising sa umaga yakap-yakap ko ang teddy bear na ibinigay mo. Oo nga pala, maraming salamat sa teddy bear ha. Siya ang kasama ko palagi sa pagtulog ko. Binigyan ko nga pala siya ng pangalan na “I’B” (aybi). Nakuha  ko yun sa nakatatak sa t-shirt mo noong na “Ice Burn”.

Siya nga pala, nagpunta ako sa nightclub kagabi. Nagpunta ako doon hindi para magrelax at libangin ang sarili ko. Nagpunta ako doon dahil sa’yo. Nagbaka sakali na makikita kita ulit doon. Kaya lang bigo ako. Hindi ka dumating. Alam mo bang umuwi akong malungkot at bigo? Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Talagang mahal lang kita siguro.

Alam mo ba na naghihinayang ako, kung bakit hindi ko natanong ang pangalan mo, at nakuha man lang sana ang number mo. Para kahit sa mensahe man lang sana, maabot pa rin kita. Ngayon hindi ko na tuloy alam kung paano at saan ba kita makikita ulit. Kung makakarating sa iyo ang sulat ko, sana hindi mo ako bibiguin.

Siguro pagtatawanan mo lang ako kapag nabasa mo na ito. Sino nga ba ako para mag-inarteng ganito sa ’yo, di ba? Pero sana paniwalaan mo din na may isang babaeng gusto kang makitang muli, gusto kang makausap muli at gusto kang mahalin. At sana kung mayroon siyang pagkakataon, mahalin mo rin.
>>>>>

Si Jenny! Naalala ko agad si Jenny. Kay Jenny ang sulat na ito at ako ang tinutukoy niya dito.

Iceburn: “Mamang driver, tanda mo pa po ba yung huling sumakay sa taxi mo bago ako?”

Driver: “Oo, isang ale at isang bata, mag-ina yata, bakit?”

Iceburn: “Eh bago po yung isang ale at isang bata?”

Driver: “Ah isang dalaga na napakaganda iho.”

Iceburn: “Tanda mo pa po ba kung saan siya bumaba?”

Driver: “Oo, bakit?”

Iceburn: “Maaari po bang dalhin mo ako doon?

Driver: “Sige, walang problema.”

Umikot nga kami at bumalik. Dinala niya ako doon. Noong makarating na kami sa lugar na binabaan ng dalaga, sinabi sa’kin ng driver.

Driver: “Dito siya bumaba, hindi ko lang alam kung saan pinto siya dyan pumasok,” sabay turo sa dalawang pintuan ng magkatabing apartment.

Iceburn: “Sige po mama, dito na lang po ako,” sabay abot sa bayad ko.

Kinatok ko yung isang pintuan. May nagbukas na isang ale sabay tanong,

Ale: “Sino sila, anong kailngan nila?”

Iceburn: “Magandang gabi ‘nay, dito po ba nakatira si Jenny?”

Ale: “Sinong Jenny? Sorry iho, walang Jenny na nakatira dito.”

Iceburn: “Ah ganun po ba? Sige po salamat at sorry sa abala.”

Kinatok ko ulit yung katabing pintuan. Nakatatlong beses na  katok na ako pero walang nagbubukas. Wala yatang tao. Biglang tumunog ang cellphone ko. Dinukot ko sa bulsa ko. Kabanda ko ang tumatawag, sinagot ko. “Nasaan ka na tol? Tutugtog na kami, walang kakanta, late ka na bilisan mo!” Nagmamadali akong puara ng taxi saka ako nagpahatid sa venue kung saan mag-geguest kami.

Umaga nanoong nakauwi kami. Kaya naman bagsak ako pagkadating ng bahay. Hapon na noong magising ako. Naligo ako saka naghanap ng makakain sa kusina. Magluluto sana ako, pero bigla naman akong tinamad. Omorder na lang ako ng pizza.

Habang hinihintay kong ideliver yung pizza. Naalala ko yung nirecord kong kanta. Kinuha ko yung USB flash drive ko na nilagay ko sa bulsa ng pantalon ko kagabi. Wala doon yung USB! Tinignan ko sa mga gamit ko sa kwarto, wala talaga. Nahulog ko siguro.

Itutuloy…..

Heto po ang mga link ng part1 at part 2,

Part 1 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/06/19/isang-gabing-pag-ibig/

Part 2 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/07/27/isang-gabing-pag-ibig-part-2/