Feelings    (Photo Credit:    Mdjunction)

Feelings (Photo Credit: Mdjunction)

Iniisip ko ngayon na ang lahat ng nangyayari sa akin ay ayon sa aking inaasahan; maayos na trabaho, magandang relationship, pero nabago lahat ng ito sa isang balita na hindi ko inaasahan na magdudulot ng kalungkutan sa akin, lungkot na me halong panghihinayang.

Umaga ng Miyerkules May 31, 2012, binuksan ko yung roaming na cellphone ko dahil dun ako nakakareceive ng mga message galing sa Pinas. Una, natuwa ako dahil nabasa ko na nanay ko ang nagmessage sa akin, pero nagulat ako dahil sa ibinalita niya sa akin. Dumating daw yung dating girlfriend ko sa bahay namin para bumisita at nakipagkuwentuhan. Nalaman ng nanay ko na buntis na pala siya ngayon at me boyfriend na siya. Ang huling balita ko kasi sa kanya eh wala siyang boyfriend at still nagtratrabaho siya sa isang malaking mall sa Manila upang me pantustos sa mga kapatid niya sa probinsya.

Bigla ko tuloy naalala ang nakaraan namin noon.  Nakilala ko siya dahil sa isang kaibigan; galing siyang probinsiya ouon at pumunta sa manila para maghanap ng trabaho, para makatulong naman sa magulang niya. Hindi siya palakibo noon habang dumaraan sa harap ng bahay namin. Maraming nagkakagusto sa kanya noon, pero hindi niya pinapansin. Ako naman ay nakatingin lang sa kanya, pero wala akong nararamdaman noon, hanggang sa inimbitahan niya ang pinsan ko sa kaarawan ng pinsan niya rin.

Dahil sa wala naman akong pasok noon sa trabaho kaya sumama na rin ako at doon ko na siya nakilala. Nakipagkuwentuhan hanggang sa nagkapagpalagayan na kami ng loob noon. Kaya nagbasakali ako na manligaw sa kanya at sa sobrang panunuyo ko naman noon ay napasagot ko siya. Tumagal ng isang taon ang pagiging magsyota namin at nagdecide na kaming magsama.

Doon kami tumira sa pinapaupahan ng lola niya sa malapit din sa lugar namin. Maliit lang ang kuwarto namin, pero malaki ang pangarap namin para sa isat isa. Masaya kami noon na nagsasama hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na mahirap balewalain. Inimbitahan ako ng hipag ko na pumunta sa Dubai para magtrabaho. Masama ang loob niya noon; kahit ano ang paliwanag ko na para sa amin din at sa pamilya ko ang gagawin ko.

Umiiyak siya noon nung dumating yung araw na paalis na ako. Tutol siya sa pag-alis ko; di man niya sabihin ay makikita ko sa mukha niya na gusto niya na magkasama kami.  Nagpromise ako na makahanap lang akong ng maayos na trabaho eh pagpaplanuhan ko na kunin siya at dito kami magsimula.

Dumaan ang isang taon; medyo dumalang ang pagmemessage ko sa kanya dahil sa hindi naman ganoon kaganda ang trabaho na nakuha ko at besides, hindi sapat ang suweldo kaya imbes na iloload ko na lang isinasama ko sa padala ko sa kanila. Isang beses lang ako magload sa isang buwan; panreply lang sa kanila. Kaso hindi niya maiiwasan na magisip nang hindi maganda dahil nababalitaan niya na marami daw tukso dito.

Nag-eexplain ako, pero binalot na siya na selos at doon nagsimula ang lahat ng panlalamig sa relationship namin. Kapag umuuwi ako para magbakasyon ay madalang lang kami magkita dahil sa trabaho niya din. Napupuyat siya at maaga siyang umaalis ng bahay dahil sa Rizal siya nadestino noon. Sa pangalawang uwi ko ay nagdesisyon na kaming tapusin na ang lahat. Mahirap pero mas makatutulong yun sa amin kasi naapektuhan na rin ang trabaho naming dalawa. Lagi kaming nagtatalo sa text messages; nagagalit siya pag hindi ako nakakareply.

Napakabigat ng dibdib ko noon na gawin yun pero yun lang ang paraan na naisip ko para mas magfocus ako sa gusto kong mangyari sa buhay ko at makafocus din siya sa pagtulong muna sa mga kapatid niya. After nun, wala na akong balita sa kanya. Paminsan minsan ay binabalitaan ako ng nanay ko about sa kanya na patuloy pa rin ang pagpunta niya sa bahay para bisitahin ang pamilya ko dahil napamahal na siya sa family namin.

Ngayon meron na akong kasama sa buhay dito sa Dubai Masaya naman ako dahil napakabuting partner ang kinakasama ko ngayon. Minsan may hindi pagkakaunawaan, pero madalas ay nalulutas naman agad dahil sa maayos na pag-uusap.  Ngayon medyo naging ok na ang trabaho ko at nagkaroon na kami ng sariling bahay sa Pilipinas ngunit kahit ganoon, naisip ko na minsan makakadama ka ng sakit pag mayroon kang nabalitaan na pangyayari tungkol sa nakaraan mo na sa pagdaan naman ng mga araw eh matutunan mo ding alisin at ideretso muli ang pananaw mo sa mga bagay na nais mong mangyari sa iyong hinaharap.