(Photo Credit:    bnqt)

(Photo Credit: bnqt)

Sino ang ka partner in crime mo? At anu-ano na ang kabulastugang nagawa ninyo? Hmm. Mga hindi malilimutang kalokohan at kabuktutan ang aming nagawa noong kami ay magkasama pa.

 Pinaglayo kami ng tadhana, isang pangyayari sa buhay namin ang nagbigay lamat sa aming samahan bilang partners in crime.

 Lahat ng bagay ay magka-kunstaba kami, sa pagnanakaw ng itlog sa kapitbahay (noon po yun**), magtampisaw sa putikan, at marami pang karanasan. Siya lagi ang kasama ko, sa hirap at ginhawa, sa iyakan at tawanan, naroon din siya sa tuwing nasisilid ako sa sako ng tatay ko. Inaalo niya ako sa at sinasabihan ng  ‘tahan na mae, nandito lang ako sa gilid mo, uuguyin kita’ Oh diba ang bait niya?

 At siyempre, siya ang sumbungan ko sa tuwing nagka-crush at umiibig ako. Kasa-kasama ko rin siya sa ‘akyatan ng niyog mood’ kapag merun kaming problema doon kami nag-iiyakan sa tuktok ng niyog. Natatapos ang aming drama kapag palakas na ang hangin (hehe, baka mahulog eh,babaan na).

 Partners in crime kami, naalala ko tuloy noon, nanghuli kami ng tutubi sa gilid ng paaralan. Dahil ayaw magpahuli ng tutubi, dinaan ko sa dahas at binato ng bato, ngunit sa kasamaang palad ay nakailag ang biktimang tutubi kaya sapol ang noo ng dumadaan naming guro. Wapak, pak! Ngumiwi si guro kasabay ng paghawak at pagpigil sa dumudugong noo ang pagsigaw ng ‘P*tang-ina mo’!! Nagkatinginan kaming dalawa, nabasa namin ang bawat isipan.

Isa..dalawa..tatlo..takbo.. Di inalintana ang mga tao nakakasalubong, basta kumaripas na kami ng takbo papalayo sa aming guro na noon ay maaaring nawalan ng malay.

 Kapag naaalala ko ang mga pangyayari kasama siya, labis ang aking panghihinayang sa aming relasyon bilang magpartners in crime. Ang saya namin kahit napapalo kaming sabay sa tuwing ginagabi sa pag-uwi. Madalas din kaming pareho ng kulay ng damit at tsinelas. Sabay din kami kung  umabsent sa klase ng pareho ang rason, ‘may lagnat’. Magkadugtong na yata ang mga bituka naming dahil halos hindi kami mapaghiwalay noon.

 Dumaan ang mga taon. Minsan naming napag-ukulan namin ng kuwento ang tungkol sa aming buhay pag-ibig. Rewind nang konti. Pangalanan natin ang lalaki ng ‘King’ kapitbahay at kaklase naming siya, mala Adonis ang itsura, iniidolo ng kababaihan sa aming lugar. Alam kong ang lalaking iyon  ang nagpapatibok nang bongga sa kanyang puso. Halos pangalan na ng lalaki ang bukambibig niya bawat oras. Mahal na mahal niya si King.

 Dahil kaibigan naming pareho ang lalaki, iniimbita naming siya sa bahay para sa echus naming project at para mag piknik na rin. Binigyan ko na rin siya ng payo baka masaktan lang siya sa bandang huli kapag hindi siya maghinay- hinay sa nararamdaman niya. Alam din naman kasi naming medyo babaero itong si King. Pero sabi niya, hindi naman daw niya pipilitin si King, este hindi raw siya umaasa at tatanggapin niya kapag nagka-Girlfriend na ito.

 Isang araw, dumating si mama galing palengke at pasigaw na ibinulalas ang mala thunder niyang balita.

 Mama: Salubungin n’yo nga ako, ang dami kong bitbit. Itong litsong manok pinadala ni King para sa iyo, Mae, bukas na natin ulamin ha. Sorry, naitapon ko yong bulaklak na kasama, masyado akong loaded eh.

 Pareho kaming natulala sa narinig. Ako, nanghinayang sa bulaklak; siya, ewan..ewan ko kung ano ang nararamdaman niya. Bigla na lang kasi niyang padabog na tinanggap ang inabot ni mama at tumalikod na sabay kurot ng pino sa aking braso.

 Nalaman niyang boyfriend ko na si King. Simula noon ay nagbago na siya, hindi na niya ako kinikibo, umaalis siya nang hindi ako kasama. Umiiyak na lang ako kapag binibiro ko siya, ngunit tanging sagot niya ay ‘talk to your lawyer’ or ‘di naman kaya ‘blah blah blah’ na may kasamang pag-irap.

 Isang araw paggising ko, wala na siya, umalis siya, sumama siya sa aming kapitbahay papuntang Maynila para doon makipagsapalaran. Wala man lang kahit isang sulat paalam o kahit pasabi na aalis na siya.

 Hindi ko naman siya masisisi kung ganun nalang ang galit na nararamdaman niya. Akala kasi niya inagaw ko ang tanging lalaking inibig niya. Umibig lang din ako sa parehong lalaki. Noon pa man ay lihim na rin akong humanga sa lalaking iyun. Nilihim namin dahil ayaw ko siyang masaktan.

 Mula noong umalis siya, wala na akong balita ni sulat o text na natanggap mula sa kanya. At tila kinalimutan na niya ang aming nakaraan. Masakit gunitain na dahil lang sa isang lalaki, nawasak ang aming samahang binansagang  ‘Partners in Crime’.

 Patawad, ate. Patawarin mo ako. Matagal na panahon na iyon. Please, kausapin mo na ako.