Guro    (Photo Credit:    Kwentonikiko)

Guro (Photo Credit: Kwentonikiko)

Kung ikaw ay isang guro, sa palagay mo, saan ka nabibilang?  Sa makabago o sa makaluma?  Kung hindi mo pa nasusuri ang sarili mo kung saan kang panig puwes makatutulong ito at kung ikaw ay isang mag-aaral o naging isang estudyante noon na gustong ipangkat kung sinu-sino sa mga guro mo ang makabago at makaluma ang paraan ng pagtuturo, basahin mo rin ito.

Mga katangian ng makalumang guro:

1. Nakapagpapatulo laway.  Hindi dahil sa siya ay maganda, sexy o gwapo kaya tutulo ang laway mo kundi dahil sa sobrang nakakaantok siyang magturo, mahihimbing ka sa pagtulog kasabay ng pagtulo ng laway mo.

2. Parang may lamay sa loob ng klase.Ang mga mag-aaral ay sobrang tahimik. Bawal mag-ingay sa klase n’ya.  Hangga’t maari hindi maaring ibuka ang mga bibig.  Sa ilong nalang humihinga ang mga estudyante n’ya.

3. Ang mga mag-aaral ay tila nakainom ng sampung tasang kape dahil sa sobrang pangangatog at nerbiyos na sila ay matawag upang sumagot sa harap ng klase.

4. Ang mga bata ay excited…….sa recess at uwian, hindi sa oras ng kanyang pagtuturo.

5. Nagiging madasalin ang mga estudyante at ang laging laman ng kanilang dasal ay ‘Sana wala si maam ngayon dahil nakaboboring siyang magturo’.

6. Kung ang buwan ng abril ay uso ang pabasa, sa oras ng gurong ito ay uso naman ang PASULAT.

7. Kung makabulyaw…wagas!

Mga katangian ng makabagong guro:

1. Mapapanganga ka dahil sa pagkamangha sa ginagamit n’yang mga kakaibang istratehiya sa pagtuturo at matututo ka talaga ng bongga.

2. Sasakit ang panga mo sa kakatawa.  Hindi nauubusan ng mga jokes para ka lang nanunuod ng komedyante sa isang comedy bar.

3.  Cool na cool ang mga estudyante dahil kampante sila sa guro nila at mas madali silang natututo nang walang pressure.

4.  Ang mga mag-aaral ay Excited na excited talaga kapag siya na ang guro.  Gusto ng mga estudyante na huwag nang matapos ang oras ng klase niya.

5.  Madasalin din ang mga estudyante at ang laman ng kanilang dasal ‘Sana pumasok si maam para naman sumaya ang araw ko’.

6. Hindi uso sa kanya ang chalk at blackboard dahil ang uso sa kanya ay laptop at projector.

7.  Sa mahinahong pakikipag-usap ay  napasusunod niya ang mga mag-aaral.

Ang lahat ng nakatala dito ay ibinatay ko lamang sa aking obserbasyon.  Kung may kulang, puwede n’yo namang dagdagan at kung may sobra…opppsss bawal bawasan!  Walang pakialaman ng gawa; sumulat ka na lang ng sarili mo!

author:  simabutiako