Text Messages   (Photo Credit:  Ericylai.theemf.org)

Text Messages (Photo Credit: Ericylai.theemf.org)

Sa pagbabasa, marami kang mapupulot na aral sa buhay.

At hindi lang yon, may makikilala ka pang mga bagong kaibigan, na magbibigay sa iyo ng inspirasyon para tularan mo ang ginagawa nila….ang magsulat ng kwento, mahaba man o maikli, mga karanasan sa buhay na hindi  malilimutan kahit mapait at masaklap man ito. At marami rin ang nagsusulat ng mga kuwentong pag-ibig…makatotohanan man o kathang isip.  Sa dami ng nabasa kong kuwento, naghalo-halo na ang mga istorya at titulo ng kuwento sa utak ko. Pero lahat ng kuwentong nabasa ko ay kapupulutan mo ng leksyon sa buhay.  

 Susubukan kong gumawa ng isang kwento at tingnan natin kung papasa sa panglasa ninyo.  Pasensya na lang, baguhan pa sa larangan ito at di ko masasabi na perpekto ang gawa ko.

 Sana ang kwento kong ito ay magbigay rin ng kasiyahan sa mambabasa at pede rin pala  kapulutan ng aral sa buhay…

 Sa pagkakakilala ko sa kaibigan kong si  Lea ay isa siyang mabait na maybahay sa kanyang asawa at ulirang ina sa kanyang mga anak.  Sa mahigit na dalawampung taon nilang pagsasama ng kanyang asawa ay nakita ko sa kanya ang tunay na pagmamahal niya sa kanyang pamilya. Pero sa loob ng mga taong iyon, hindi lahat ay kaligayahan; bagkus may kasamang kalungkutan din sa buhay ni Lea. Alam naman natin, sa pagsasama ng mag-asawa ay hindi maiiwasan na magkaroon ng mga hindi pagkakaintindihan….nagkakaroon ng tampuhan o kaya ay matinding away.

 Madalas ay ako ang takbuhan ni Lea kapag masama ang loob niya…kapag gusto niyang iiyak ang kanyang problema para lumuwag ang kanyang nararamdmang bigat sa dibdib.  Hindi rin nagkakalayo ang istorya ng buhay pag-ibig namin ni Lea.  Pareho kaming mas pinoproblema ang asawa kaysa sa mga anak namin. Pero si Lea, saludo ako sa kanya….kahit anong bigat na ng paratang sa kanya ng kanyang asawa ay hindi pa rin niyang magawang iwanan ito dahil sa pagmamahal  sa kanyang mga anak.  Nilulunok na lang niya ang mga masasakit na salita at  taas-noo pa rin niyang hinaharap ang bukas.  Bakit ko nasabi ito…kasi ito ang kanyang kuwento….

 Ofw ang asawa ni Lea, at nang minsang umuwi ito sa Pinas para sa Christmas vacation ay inakala niyang magiging masaya at makabuluhan ang bakasyon na iyon.  Excited na excited siya at nagbibiruan pa kami  kapag napag-uusapan ang pag-uwi ng asawa niya.  Hindi niya inaasahan na dahil lang sa text na mababasa ng asawa niya sa kanyang celphone ay masisira na ang kanilang pagsasama. Saksi ako sa mga pangyayari…nakita ko sa kanyang mga mata ang hirap at bigat na kanyang dinaranas. Walang araw at gabi na hindi siya umiiyak.  Dahil lang sa mga text ng kanyang kaibigang lalaki ay nabago na ang lahat.

 Kung tutuusin kasi, kaibigan iyon ng anak ni Lea…parang manliligaw na rin. Siyempre, si Lea gusto niyang makilala nang lubusan ang mga nagiging kaibigan at manliligaw ng kanyang anak kaya kinakaibigan niya ito. At  inakala naman ng asawa ni Lea na manliligaw niya ito. Siyempre nga naman, sino ba namang asawa ang hin’di mag-iisip ng ganoon kung mababasa mo sa celphone ang mga sweet messages at quotes na laging pinapadala kay Lea?

Pero nung binasa ko naman, puro quotes of friendship lang at pangangamusta….“kamusta na kayo, Tita?”…..”Kain na po tayo, Tita”…..”Ingat kayo, Tita” …Hindi naman masama o malaswa, di ba?

Seloso kasi ang asawa ni Lea. Dahil doon, muntik-muntikanan na silang magkahiwalay. Gabi-gabi ay lagi siyang inaaway…pinaparatangang manloloko at nagtataksil sa asawa. Buti na lang at hindi siya nagagawang pagbuhatan ng kamay ng kanyang asawa. Pero, wala nang mas sasakit pa sa mga salitang binitiwan sa kanya.  Na kahit ako ay hindi ko kinaya nung ikuwento sa akin ni Lea.

Sabi nga ni Lea ” hindi man niya binugbog ang katawan ko…pero ang puso ko ay durog na durog sa mga paratang niya”… Kahit anong pagtatanggol ang gawin ng mga anak ni Lea sa kanilang ina ay sarado ang isipan nito at walang pinakikinggan ang kanilang ama.

Nakita ko kay Lea ang mabilis na pagbabago ng kanyang katawan…hindi makakain…hindi makatulog sa pag-iisip at kaiiyak.  Kahit anong paliwanag niya ay hindi siya pinakikinggan ng kanyang asawa. At lalo pang lumala ang sigalot nila… nang magpacheck-up si Lea dahil sa kanyang UTI ay lumabas pa sa result na buntis siya.

 “Ha?!  Paano nangyari  iyon?!”  ang nasambit ng kaibigan ko. Kasi kasama niya ako sa health center nung magpa-inject siya para hindi mabuntis kapag naglabing- labing sila ng asawa niya pagdating.  Kaya kahit ako ay nagulat sa sinabi niyang iyon.  Sabi ni Lea ay dalawang beses pa daw inulit ng ospital ang kanyang urine test at dalawang beses din lumabas na positive siya. Kaya mula ulo hanggang paa ni Lea ang nadagdag na galit at poot ng asawa niya sa kanya. Awang-awa ako kay Lea.  Nagawa pa ng asawa ni Lea na puntahan ang lalaki at komprontahin.  Pero kahit anong paliwanag ang gawing nung lalaki ay hindi rin pinakinggan ng asawa ni Lea.

Sa kagustuhan ni Lea na makasiguro siya sa resulta ay bumili kami ng pregnancy test kit at ginawa niya sa bahay nila ang pag-examine…gusto niyang patunayan sa kanyang asawa na nagkamali ang ospital at hindi siya totoong buntis.  Negative ang lumabas… hindi siya talaga buntis. At magpahanggang ngayon ay hindi talaga siya nabuntis. Gago talaga yung ospital na yon. Pinahamak pa nila ang kaibigan ko.

 Gusto nang mag-alsa balutan ni Lea para umalis na sa bahay nila. Pero ‘di n’ya magawang iwan ang kanyang mga anak…mahal na mahal niya ang mga ito at sila lang daw ang buhay niya. Sabi ko nga sa kanya…kung aalis siya, lalo lang mag-iisip nang masama ang asawa niya, at parang pinatunayan mo na rin sa asawa mo na totoo ang ibinibintang niya sa iyo.

Sabi ko, magdasal siya sa Panginoon at humingi ng gabay…magpakatatag ka at isipin mo ang mga anak mo… May awa ang Diyos at hindi ka Niya pababayaan… Huwag kang bibitiw sa Kanya…AT thank God, hindi talaga umalis si Lea…hindi niya iniwan ang mga anak niya.  Tiniis niya ang mga panunumbat at pang-uusig ng kanyang asawa.  Hanggang sa pagbalik ng asawa niya sa ibang bansa ay hindi nila nagawang ayusin ang sitwasyon  nila.

Lumipas ang dalawang taon na wala silang pag-uusap na ginawa.  Tanging mga anak lang nila ang kinakausap ng asawa niya sa chat…Ramdam ko ang bigat at hinagpis ng kaibigan ko….Kahit ako ay napapaiyak sa mga kuwento niya….Kung kaya ko lang maibsan ang sakit at pait sa puso niya ay gagawin ko ….Pero hindi ko hawak ang tadhana nila at kung saan hahantong ang pagsasama nila.

 Lumipas ang apat na taon…… masaya na ulit si Lea.  Inayos nilang mag-asawa ang kanilang pagsasama at binigyan ng ikalawang pagkakataon ang relasyon nila.  Kahit laging may ngiti sa labi si Lea ay alam kong may peklat pa rin sa puso niya at nakatatak pa rin sa utak niya ang mga pangyayaring minsan ay  muntik nang sumira sa pamilya niya.

*****

Unang likha ko ito at hindi ko alam kung maayos ba ang pagkakagawa ko. Hintayin ko na lang kung ano ang magiging komento n’yo. Salamat sa pagbabasa. God bless us all!

Enhanced by Zemanta