Young woman alone (Photo credit: therealcenter.org)

Young woman alone (Photo credit: therealcenter.org)

Tatlong gabi na ang nakalilipas pero tila hindi ko maalis sa isipan ko ang boses ng bokalista na nakilala ko sa nightclub noong isang gabi. Nakilala ko lang siya sa boses at mukha niya, nalimutan ko kasing tanungin ang pangalan niya. Parang naririnig ko pa rin siyang kumakanta. Para ngang ome-echo sa pandinig ko ang napakagandang boses niya.

Sino ba naman kasi ang makakalimot sa mga sandaling tulad ng nangyari sa ’kin sa gabing iyon?   Sino ba naman kasi ang hindi kikiligin na kantahan ka at ituring kang parang reyna ng isang magaling na mang-aawit gayong hindi ka pa naman niya kilala? Kakaiba talaga siya. Sana nga lang nakuha ko kahit number man lang niya.

Para na nga akong bata na hindi mabitaw-bitawan ang ibinigay niya sa’kin na teddy bear. Kung p’wede ko nga lang dalhin sa trabaho, kaya lang masiyadong malaki. Baka pagtawanan pa ako ng mga katrabaho ko, tawagin pa akong isip bata. Nakakaloka pero hanggang ngayon kinikilig pa ako. Sinasabik tuloy ako magpunta ulit sa nightclub na iyon. Baka sakaling makita ko ulit siya doon.

At sana kung makikita ko siya ulit doon, hindi ko na palalampasin ang gabing hindi ko nalalaman ang pangalan niya at pati ng number niya. Iba talaga ang dating niya sa’kin. Lahat ng kinanta niya noong gabi na iyon nasa MP3 ko na. Siyang pinapakinggan ko lagi, inuulit-ulit ko pa. Minsan di’ko namamalayan, sinasabayan ko na din yung kanta.

Sabi pa ng kaibigan ko, anlaki daw ng pinagbago ko. Lagi na daw ako nakangiti, lagi na daw ako masaya. Parang inspirdo daw ako palagi. Natanong pa niya ako kung may nagpapangiti na daw ba sa’kin. Siguro daw may nanliligaw na kasi blooming na blooming na daw ako. Napapangiti na lang ako sa kanya.

Sa bawat gabi, bago ako matulog, naglalaro muna sa isipan ko ang mga nangyari noon sa nightclub. Kung pwede ko nga lang talaga balikan yung pangyayari. Nanghihinayang talaga ako kung bakit nalimutan kong kunin kahit ang number man lang niya. Di sana namemessage ko man lang siya.

Sa bawat paggising ko, ay matamis na ngiti lagi ang nakaukit sa mga labi ko. Lalo na kung napanaginipan ko siya. Hindi muna ako babangon, babalikan ko muna ang mga panaginip ko na iyon. Habang yaka-yakap si aybi, ang teddy bear na ibinigay sa’kin ng lalaki na iyon. Pero kapag nagigising ako na hindi natatapos ang panaginip ko, lalo na kung siya ang laman ng panaginip ko, naiinis talaga ako. Kung maari ayaw ko ng magising basta mabuo lang yung panaginip ko.

Hindi ko namamalayan ang paglipas ng mga araw habang siya ang laman ng isipan ko. Nagulat na lang ko at araw ng huwebes na pala ngayon. At bukas day-off ko na naman. Nasabik ako bigla, may pagkakataon na naman ako para makapunta sa nightclub. Kailangan magpaganda ako, baka kasi hindi na niya ako mapansin (naglalaro iyan sa isipan ko).

Biyernes na nga ng gabi at natagpuan ko na lang ang sarili ko na nasa loob na naman ng nightclub. May isang light beer sa harap ko at isang plato ng sari-saring prutas. Tulad ng dati, ganoon pa rin ang ikot ng programa. May sasayaw sa stage, may kakanta na banda, at bibigyan nila ng pagkakataon ang mga taong makapag-disco.

Kaya lang iba ang gabing ito. Parang malungkot para sa’kin. Wala kasi ang lalaking hinihintay ko. Panay ang tingin ko sa orasan ko. Eksaktong ganito ang oras noong dumating ang banda nila noong nakaraang biyernes, pero ngayon wala pa silang dumarating. Pupunta kaya sila?

Omorder ulit ako ng isa pang beer. Maya-maya biglang nagbukas ang ilaw sa entablado. May kakanta, pero sino kaya sila? Sila kaya ang mga hinihintay ko? Ganito din ang oras noong kumanta sila. Maya-maya may limang lalaki na tumungo sa entablado. Ibang banda, hindi ang bandang hinihintay ko.

Natandaan ko yung sinabi niya sa’kin noong nakaraan. Na baka nga daw hindi na sila tutugtog ulit dito sa nightclub na ito. Maya-maya nakita kong lumabas yung Manager yata ng nightclub yun. Yung kumausap noong nakaraan sa bandang hinihintay ko. Nilapitan ko siya at hindi nahiyang tinanong, kung kailan tutugtog ulit dito yung bandang tumugtog noong nakaraan. Sabi niya baka hindi na daw. Nag-guest lang daw sila noon kasi yung banda daw na regular na tumutugtog sa nightclub na ito ay nagbakasyon.

Mayroon din daw nightclub kung saan regular din daw silang tumutugtog. Kaya lang hindi daw niya alam kung ano at saang nightclub iyon. Yung kaibigan niya daw ang nakakalam. Siya daw ang nagpakilala sa kanya sa bandang iyon. Tinanong niya ako kung kakilala ko ba sila. Napangiti na lang ako. Nahiya na akong tanungin kung sino ba yung kaibigan niya na tinutukoy niya, para matanong ko sana kung saang nightclub sila tumutugtog.

Bumalik ako sa upuan ko. Malapit ko na pala maubos yung pangalawa kong beer. Kunti na lang din ang ang mga tao. umuwi na yung iba. Tinignan ko ang orasan ko, alas tres na pala ng madaling araw. Hind ko na inubos yung beer na iniimom ko, umuwi na din ako.

Nakakapanibago ang madaling araw na ito. Ako kasi ang papara ng taxi na sasakyan ko, samantalang noong nakaraan may pumara ng taxi para sa akin. May naghatid, may yumakap at mag nagsabi ng salitang “ingat”. Ngayon wala, uuwi akong bigo.

Pagkagising ko kinabukasan, medyo tanghali na. Maliwanag na ang paligid. Tulad ng dati siya pa rin ang laman ng isipan ko sa bawat paggising ko. Wala pa rin nagbabago kahit na hindi ko siya nakita sa nightclub kagabi. Ano kaya ang ipinapahiwatig nito sa’kin? Parang ayaw niya akong pasukuin sa paghahanap sa kanya.

May pag-asa pa kaya akong makita siya ulit? Parang malabo na yata. Kasi hindi sigurado kung babalik pa siya sa nightclub kung saan ko siya nakilala. Siguro kailangan ko nang kalimutan siya. Siguro nga wala ng pag-asa na magkita pa kami ulit.

Alam ko na, gagawa ako ng sulat para sa kanya. Tapos ibibigay ko na lang sa manager ng nightclub na pinupuntahan ko. Para siya na ang bahalang mag- abot sa kaibigan niya, at ang kaibigan na din niya ang bahalang magbigay sa bokalista ng bandang iyon. Habang hinihintay kong mag-alas kwatro, oras ng uwian. Total tapos ko naman na ang tranaho ko, kumuha nga ako ng bolpen at papel at nagsimula na akong magsulat.

>>>>>
Hi, ako nga pala si Jenny. Sana hindi mo pa nalilimutan ang aking pangalan. Ako yung nakilala mo sa nightclub noong nakaraan biyernes, kung saan tumugtog kayo. Ako yung nagrequest sa’yo ng kanta na “I’ll Be”. Tapos noong kakantahin mo na yung request ko, nilapitan mo ako sa kinauupuan ko at kinantahan mo ako.

Alam mo bang sobrang kinilig ako noong mga sandaling iyon. Buong buhay ko kasi, noon lang nagyari iyon. Ang galing-galing mong kumanta. Ang ganda-ganda ng boses mo. Hindi mo lang ako napahanga, napaibig mo pa ako. Oo, totoo ito, napaibig mo nga ako.

Alam mo ba na ikaw palagi ang laman ng isipan ko? Maging sa pagtulog, ikaw ang napapanaginipan ko. Paggising sa umaga yakap-yakap ko ang teddy bear na ibinigay mo. Oo nga pala, maraming salamat sa teddy bear ha. Siya ang kasama ko palagi sa pagtulog ko. Binigyan ko nga pala siya ng pangalan na “I’B” (aybi). Nakuha  ko yun sa nakatatak sa t-shirt mo noong na “Ice Burn”.

Siya nga pala, nagpunta ako sa nightclub kagabi. Nagpunta ako doon hindi para magrelax at libangin ang sarili ko. Nagpunta ako doon dahil sa’yo. Nagbaka sakali na makikita kita ulit doon. Kaya lang bigo ako. Hindi ka dumating. Alam mo bang umuwi akong malungkot at bigo? Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Talagang mahal lang kita siguro.

Alam mo ba na naghihinayang ako, kung bakit hindi ko natanong ang pangalan mo, at nakuha man lang sana ang number mo. Para kahit sa mensahe man lang sana, maabot pa rin kita. Ngayon hindi ko na tuloy alam kung paano at saan ba kita makikita ulit. Kung makakarating sa iyo ang sulat ko, sana hindi mo ako bibiguin.

Siguro pagtatawanan mo lang ako kapag nabasa mo na ito. Sino nga ba ako para mag-inarteng ganito sa ’yo, di ba? Pero sana paniwalaan mo din na may isang babaeng gusto kang makitang muli, gusto kang makausap muli at gusto kang mahalin. At sana kung mayroon siyang pagkakataon, mahalin mo rin.
>>>>> 

Naku, alas kuwatro na pala, itutuloy ko na lang sa bahay ang sinusulat ko. Nagmamadali kong kinuha ang mga gamit ko, iniipit ko ang sinusulat ko sa isang folder na dala-dala ko. Lumabas na ako. Pumara ako ng taxi at nagpahatid ako sa bahay.

Habang nagpapahinga ako sa bahay, bigla kong naalala ang sinusulat ko. Maituloy na nga, sabi ko sa sarili ko. Noong kunin ko yung folder kung saan ko iniipit yun, wala doon yung sinusulat ko. inisa-isa ko ang mga papel na nakaipit doon, wala talaga. Nahulog siguro sa daan o baka naiwan ko sa opisina. Binuksan ko na lang ang TV at nanood ako.

Itutuloy…

Heto po ang Link ng Part 1 - http://definitelyfilipino.com/blog/2012/06/19/isang-gabing-pag-ibig/