Ngiting-aso      (Photo Credit:    Tatakblogong.wordpress)

Ngiting-aso (Photo Credit: Tatakblogong.wordpress)

Instant sarap pala kapag sumasahod ka na ng dolyares, pwedeng times payb agad sa kinikita mo sa Pinas.

Para kang tumama sa tanching, malaking bagay nga naman para mabili mo ang mga bagay na gusto mo.

Damit, sapatos, pantalon, panlakad, pang-gewang at kung anu-anung mga pangkula.

Mga pagkaing mayaman na barya-barya lang para sa’kin. Mayaman sa alat, mayaman sa sawsawan, mayaman sa pulutan at mayaman sa alak.

Masarap daw kapag marami kang pera, manamis-namis kahit medyo maalat sa ngiti.

Pasko na bukas kaya ramdam ko ang lamig kahit hindi naman.

Sampung barako ang nakatira sa bahay, umuwi ang apat at nakaturok ang dalawa kaya apat kaming natira na nagtititigan maghapon.

Walang gustong mag-espadahan kaya nauwi na lang sa ambagan para busugin ang bawat isa sa kalinga ng taong ngayon mo lang nakasama, tipong kapwa ko, mahal ko the movie.

Kung buhay lang si ate luds ay nanawagan na sana kami sa eye-to-eye.

Nilabas lahat ng pangat para pagsaluhan, ito ang tawag sa pagkaing pangatlong beses ng ini-init dahil sa walang panahong magluto gawa ng pagod sa trabaho.

Mainam pa naman ang pangat, pang-a at pangli, huwang mo lang paaabutin ng pangsam at baka magreklamo na ang bituka mo.

May bumili ng malambot na inumin, matigas na inumin, keyk, kremang may yelo, hotdog na di nakatusok, lobo, pitchang kinakain, at fried chicken na hubad.

Ang daming handa pero asan ka na?

Ang daming pambili pero asan kayo?

Hello? Hello?

Titigan, kantahan, sayawan, at mga pilit na tawanang ngayon ko lang naranasan, masaya ang araw na ito pero iba pa rin pala ang sayang dulot ng mga taong kakulay mo ng dugo.

Marami kaming bisitang dumating para saluhan kami sa kunya-kunyariang kasiyahan para salubungin ang pasko. Dalawa sila lahat. Ang dami nila, sobra!

Siksikan nga kami sa bahay, halos di kami magkakitaan dahil sa sobrang kapal ng buhok.

Hindi na ‘ko tag-gutom, nabibili ko na ang mga gusto kong kainin, pero kahit ganito ay hindi pa rin ako nakakakain sa tamang oras.

Minsan wala ka ng oras kumain dahil pagod ka, puyat dahil hindi makatulog o dahil sa ayaw mo lang talaga kumain dahil tinatamad kang ngumuya.

Nasa kuwarto ka lang nakahiga, nakatuwid at naghihintay maubos ang oras, ito na ang pinaka-epektib na libangan sa tuwing walang ganang kumain.

Mahirap palang kumain ng masarap nang walang kasalo.

Mahirap palang gumastos nang walang pinagkakagastusan.

Mahirap palang ngumiti nang hindi nakalabas ang ipin.

Lumipas ang Pasko na kanya-kanya sa pagtulog.

Nakabibingi sa katahimikan ang bagong taon.

Nakaduduling ang ngudnguran ng mga nguso nung Balentayns.

Nakamamanhid ang bawat takbo ng oras.

Astig ka raw kapag sa abroad ka nagtratrabaho dahil marami kang pera, magagawa mo ang gusto mo, mabibili mo ang gusto mo, at mapapasyalan mo ang lahat ng gusto mo. Puro gusto mo lang para sa pansariling kasiyahan.

Bawal malungkot at bawal magkasakit dahil walang mag-aalaga sa ’yo.

Mararanasan mong kusa ka na lang gagaling na para kang pusa na siyam ang buhay.

Ngayon ko lang naunawaan na hindi lahat ng nakangiti ay masaya, kung nakakain lang sana ang pera.

“Ang pag-ngiti ay bagay na madaling gawin pero mahirap panindigan ang tunay na nilalaman, masarap paniwalaan pero mahirap asahan sa katotohanan at higit sa lahat ito’y nagdadala ng sobrang kaligayahan kahit minsa’y walang katotohanan.”

Ang Alamat ng Passport: Chapter 10 of 20 Alamat ng Ngiting Aso, mula sa panulat ni Ompong Dilat, ang tagamulat ng mga alamat