Graduation      (Photo Credit  :    Pluvias)

Graduation (Photo Credit : Pluvias)

 Maingat ang bawat hakbang mo pagkat ayaw mong magmukhang kawawa kapag natapilok ka sa isa sa mga pinaka-engrandeng catwalk ng buong buhay mo. Suot ang amoy alimuong na costume na nirentahan para ang sa natatanging okasyon na ito kung saan naka-adorno sa tabi ng toga mo ang napulot sa tabi na bougainvillea (at ngayon ko lang nalaman ang tamang ispeling nito).

May matching sombrero pa na sinelyuhan mo ng mahigpit gamit ang sampung banig ng harpins para hindi mahulog. Patungo ka sa entablado kung saan obligado kang makipagkamay sa mga nakalinyang pulitiko’t personalidad.

Ayan na, natapos na ang pakikipagpalitan mo ng germs mula sa sangkaterbang nagpapawis na mga kamay. Iniabot na sa iyo ang nirolyong blankong oslo paper na tinali ng laso.

May nag-aabang na kumuha ng litrato sa kakasmudge pa lang na make-up na ilang beses mo nang niretouch kulang na lang mabura na halos ang mukha mo sa kapal ng foundation. Pero, wag mo nang indahin ang lagay ng face mo. May countdown ang bawat lagi ng isang estudyanteng tatambay sa stage.

Nakapwesto na si Manong Photographer kaya binigay todo mo na ang iyong pose. Gamit ang dalawang daliri na tila hugis V, pinuwesto mo ito sa gilid ng iyong kaliwang mata. Ayos. Kahit wala kang kinocosplay, anime inspired pa rin pati ang graduation pic.

Bumaba ka na.

Tapos na rin ang mahabang oras na hinintay ng nagkakapigsa mo nang pwet sa matigas na monoblock chair na may sariwa’t mamasa-masang bubblegum sa gilid. Kung sino ang salarin, wag na nating alamin.

Tapos na ang paghihintay sa one minute exposure ng pangalan mo ng tawagin na ng announcer kaso mispronounced pa.

Bumalik ka na sa upuan dala ang diplomang kay tagal mong binuno para lang mahawakan at sa wakas ay angkinin. Sa wakas ay nalagyan mo na nang isang malaking tsek mula sa checklist ng iyong mga pangarap ang pag-aaral.

Pagkatapos ng final roll call ng inyong batch ay ang photo sessions kung saan susulitin mo talaga hanggang sa masaid ang 10 terabytes na memory ng digicam mo.

Andyan na may jump shotsabay hagis sa sombrerong hindi kaagad natanggal sa ulo mo dahil nga sa sampung banig ng hairpins kaya’t labas sa picture, para kang sinabunutan ng Orangutan.

Andiyan din ang family portrait kung saan ang buong angkan mula 1st hanggang 5th generation ay pilit pinagkasya para lang makasama nila ang bidang ikaw.

Andyan din ang huling hirit para makapiling sa isang photo-opang mga propesor na animo’y taong nagkatawang impiyerno sa loobng classroom,pero sing amo ng tinadyakang tuta kapag wala malapit sa blackboard.

Andyan din ang huling pagkakataon mo para makipagayos sa nakaaway mong kaklase dahil sa maling paghagis sa Angry Bird na pula kaya’t hindi namatay ang berdeng baboy.

Andyan din ang pasimpleng yakap sabay sabi ng congratulations sa crush mo na apat na taon mong ninobena at dinasal nang nakaluhod habang gumagapang papuntang altar. Yun nga lang, nalaman mo na ang poging crush mo…pogi din ang gusto.

Paguwi mo sa bahay, sinabit mo na ang nakaframe na blankong diploma na tanda ng pagtatapos ng isang yugto ng iyong buhay.

Ngunit, bakit nga ba walang nakasulat dito?

Maliban sa obvious na sagot na hindi naman talaga ito ang opsiyal na diploma, nanatili itong walang laman pagkat alam mo na mismo kung ano ang pwedeng ilahad nito.

Walang salita o drawing ang pwedeng maglarawan sa bawat taon na binuno sa loob ng paaralan para mapunan ang lulon mong utak  sa overcooked na pancit canton kapag naglalamay kayo ng groupmates ng thesis. Ito ay sa kadahilanang bawat isang estudyante kahit pinagaaralan lang ang parehas na subject ay magkaiba ang karanasang dinanas habang nangangabisote ng mga handouts na nakaadik amuyin lalo pag bagong photocopy.

Bawat isang estudyante na kung tutuusin ay umiikot sa parehas na kurikulum ay magkaiba ang antas nang pagtanggap sa bawat ibinigay na leksyon. At sa bawat galaw ng nakaka-asthmang chalk, iba ang antas ng pagkakaintindi ng bawat utak na naroon upang salain bago pagpasyahang isabuhay ang nakasulat sa blackboard.

Syempre, hindi natatapos ang pwedeng i-flashback ng blanko mong diploma sa mga kaganapan sa loob ng sing init na pugon sa Pan De Manila ninyong classroom, dahil iisa lang ang wall fan, sira pa ang capacitor nito.

Kasama dito ang mga pangyayari na hindi na na-witness ng inyong classroom. Tulad ng pambabato ng inaamag na Nutribun sapul sa mukha pag recess. Ganun din ang mga jammings sa ilalim ng puno ng Kalabasa habang tinitiklada ang wala sa tonong gitara. Mga pang-PBB teenns na lovestories, mga pangtelenobelang praktis ng mga plays, mga basagan dahil iniidolo masyado si Vice, mga banatan pang-Boy Pick up at kung anu-ano pa na hindi na kayang itayp nang tinatamad kong mga daliri.

Lahat ng maaring naganap sa bawat araw na magdadaan ay huhubog sa iyong pagkatao na nakuha mo sa loob, labas o gilid man ng classroom. Gilid dahil pinarusahan ka pagkat nahuli kang umaagaw ng biyaya in form of sagot sa naganap na surprise quiz sa Algebra. Ngunit ang dahilan mo naman, kino-confirm mo lang kung naayon ang sagot mo sa pulso ng bayan in form of your katabi. Ano ka, Bayan mo, I-patrol mo?

PERO…

Hindi mangyayari lahat ng iyan kung hindi ka pa gumigising sa higaan mo at hinahayaan mong akitin ka ng maala-Sam Pinto mong mga panaginip.

Nakalimutan mo na ba?

Hudyat na naman ng isang araw ng eskwela.

Kaya tapusin mo na ang panghihiyaw ng alarm clock mo. Maghanda na ta may instant swimming sa labas ng bahain niyong eskwelahan. Pero sakto lang yan. Pagkat lahat ay handa mong suungin para hindi lang maging panaginip ang pagkuha sa iyong natatanging blankong diploma.

author:  bangsoverload

Enhanced by Zemanta