Crime Scene   (Photo Credit:    Freefoto)

Crime Scene (Photo Credit: Freefoto)

Isang maulang hapon, tumunog ang telepono sa bahay nila Elvira.  Si Sister Cornelia ang nasa kabilang linya.

Misis Rivera, bakit po hindi pumasok si Agnes?” tanong niya.

Pumasok po sister, naka-uniporme siyang umalis kaninang umaga, sinundo ng school bus,” magalang na sagot ni Elvira.

Wala po siya maghapon sa iskuwela, at ‘yan din ang report ng Dean of Discipline ng paaralan,” pagpipilit ng tinig sa telepono.

Sister, baka po nagkakamali kayo, umuwi po siya ngayong hapon na naka-uniporme pa rin hatid ng school bus,” pagpilit ni Elvira.

Nandiyan po ba siya sa bahay? Kausapin po ninyo nang makasiguro tayo. God bless your family Misis Rivera,” pagpayo’t pagpapaalam ng madre.

Matapos magpasalamat ni Elvira ibinaba niya ang telepono at pinuntahan ang anak na si Agnes sa kuwarto.

Si Elvira ay isang dating GRO sa isang first class at sikat na club sa Quezon City.  Dating suking customer niya si Mister Francisco Rivera, isang mayamang negosyante na hiniwalayan ang asawa upang pumisan kay Elvira.  Itinira ni Mr. Rivera si Elvira sa isang bahay na nasa isang plush na subdibisyon sa suburbiya ng Maynila.  Medyo may edad na si Mr. Rivera.  May labinglimang taon ang pagitan ng edad nila ni Elvira.  Anak nila si Agnes na pinalaki ni Elvira sa luho.  Gusto ni Elvira na maranasan ng anak ang lahat ng hindi naranasan ng kanyang kabataan.  Katorse anyos na si Agnes. Magandang bata, ngunit suplada, masungit at sutil.  Laki sa layaw.

Kumatok si Elvira sa kuwarto ni Agnes, “Agnes, tumawag si Sister Cornelia, hindi ka raw pumasok?

Hindi sumasagot si Agnes.

Agnes!” pagtawag muli ni Elvira.

Ah… eh, sumakit ang ulo ko eh,” sagot ni Agnes.

Hindi ba’t sinundo ka ng school bus kaninang umaga, at umuwi kang nakasakay din sa school bus.  Saan ka nagpunta?

 “Doon lang, Mama.  Huwag mo nga akong kulitin. Malaki na ako, may sariling isip,” pasigaw na sagot ng dalagita.

Pumasok si Elvira sa kuwarto at hinarap ang anak na nakahiga sa kama at nagbabasa ng magasin.

Agnes anak, ibinigay ko sa iyo ang luho na hindi ko naranasan noong aking kabataan.  Gusto kong lumaki ka nang may maayos na pamumuhay.  Hindi ko gusto na maranasan mo ang naging buhay ko. Alam mo yan!” sabi ni Elvira.

Naku ayan ka na naman, ilang beses ko nang narinig yang nobela mo Mama. Para kang Korean telenobela. Will you get off my back?” sagot ni Agnes sabay tayo at naupo sa tukador, nag-ayos ng mukha.

Agnes, lumaki ako sa squatter area, nagtatrabaho sa gabi, at natutulog sa araw. Sinangkalan ko ang aking katawan upang magkaroon ng ganitong uri ng pamumuhay. Hindi ko inalintana ang sasabihin ng ibang tao. Gugustuhin ko pang makita kang bangkay kaysa maranasan mo ang naranasan kong buhay,” maluha-luhang paalaala ni Elvira.

Ano ba ang pamagat ng telenobela mo… Mother Nagger? patutsadang sagot ni Agnes.  Napaupo si Elvira sa kama ni Agnes.

Diyan ka na nga! Mag-emo kang mag-isa, and don’t ever nag me again,” at lumabas si Agnes sa kuwarto at ibinalabag ang pinto. Tuluyang napaiyak si Elvira.

Mag-aalas onse na ng gabi, wala pa si Agnes sa bahay, sa pagdating ni Mr Rivera. Habang masuyong inaalis ni Elvira ang kurbata at hinuhubad ang amerikana ni Mister Rivera, ikinuwento ni Elvira ang pangytayari. “Hayaan mo na lang ‘yon. Ganyan talaga ang kabataan, uuwi rin yan, huwag kang mag-alala.  Don’t bother for my dinner, kumain na ako sa labas,”  sabi ni Mister Rivera.

Mag-aalas sais na ng umaga, wala pa si Agnes na nagpatindi ng pag-aalala ni Elvira.  Tumunog ang doorbell ng gate. Dumungaw si Elvira sa bintana at napasigaw, “Agnes ikaw na ba ‘yan?”

“Mga pulis po!” sagot ng tinig sa gate ng bahay.

Tinawag ni Elviira ang katulong “Auring, buksan mo ang gate, mga pulis daw.” Putlang-putla si Elvira. Nag-iisip kung ano ang ginawang kasalanan ng anak.  Pinunasan niya ang kanyang mukha ng kanyang mga palad bago siya humarap sa mga pulis.

“Bakit?  Ano ang nangyari? Tungkol ba sa aking anak?” sunod-sunod na tanong ni Elvira. Pinapasok ni Elvira ang mga pulis at nang makarating sila sa sala ng bahay, ‘di pa man sila nakakaupo ay nagsalita na ang pulis imbestigador, “Huwag po kayong mabibigla Misis Rivera, natagpuan pong bangkay ang inyong anak doon sa loob ng abandonadong bahay. Pinaslang po siya at tila pinagsamantalahan.”

 “Ano?” Sagot ni Elvira na parang pinagsakluban ng langit at lupa. Halos mahimatay na napasalagmak siya nang upo sa sopa sabay hagulhol, “Agnes, anak ko, bakit nangyari sa ‘yo ito, hu-hu-hu!”

Hinintay ng mga pulis na mahimasmasan si Elvira, bago nagsimulang magtanong.  Sa pagitan ng mga hagulhol ni Elvira, ikinuwento niya ang naganap sa kanilang mag-ina nang lumipas na gabi.  Inilarawan ng mga pulis ang anyo ng bangkay ni Agnes nang matagpuan ito.  Ang bangkay ay nakahiga sa gitna ng malawak na salas na walang muwebles ng abandonadong bahay, hindi kalayuan sa bahay nila Elvira.  Nakataas ang dalawang kamay nito na itinali ng pinagduksong-duksong na supot na plastic.  Nakalilis ang duguang T-shirt at nakababa ang kupas na maong shorts na suot nito at duguan ding panty.  Nakatuwid ang kaliwang paa, ngunit ang kanan ay nakabaluktot at ang talampakan ng kanyang kanang paa ay nakadikit sa kaliwang tuhod.  Duguan ang mukha at ulo nito na halos matabunan ng durog na hollow blocks na hinihinalang inihampas ng salarin sa ulo ng biktima at naging sanhi ng kamatayan nito. Ang kabiyak ng sandalyas ni Agnes ay nasa tabi ng pinto.  Ang kanang kabiyak ay hindi makita, nawawala. Hininala tuloy ng mga imbestigador na ang salarin ay maaaring isang serial killer at itinago ang sandalyas upang gawaing souvenir ng kanyang kabuktutan.

Ang sinasabing abandonadong bahay ay pag-aaari ng isang Mr. Aguirre, isang milyonaryong negosyante na na-bankrupt sa pagkakagumon sa casino. May kaso ang bahay na hinahabol ng bangko at may anim na taon nang dinidinig ito sa husgado. Nakatayo ang bahay sa isang malawak na bakuran. Isang libo at dalawang daang metro kuwadrado. Mayroong swimming pool na nilulumot na,  may mga damo, at  basag-basag na ang tiles. Pinaninirahan na lamang ito ngayon  ng mga palaka at kiti-kiti, at ang tubig nito’y nagbubuhat na lamang sa ulan. Kulang-kulang na ang piyesa ng bahay. Wala na ang mga eleganteng pinto nitong kahoy, malalapad na salamin, aluminum frames at mga rehas na bakal.  Wala na rin kahit anong muwebles.

Sang-ayon kay Auring, katulong ng mga Rivera, si Agnes ay mayroong boyfriend.  Anak-mayaman, mestiso, guwapo, at may tattoo sa mga braso- si Richard Fischer, isang dating addict na labas pasok sa rehab. Hindi alam ito ni Elvira at Mr. Rivera. Minsan nang pinagbantaan ni Richard si Auring na papatayin siya nito kapag nagsumbong sa mga magulang ni Agnes, minsang mahuli niyang magkayakap ang magnobyo. Alam ni Auring na madalas magtagpo ang dalawa sa abandonadong bahay.

Sa kuwento rin ni Auring, may anak si Mr. Rivera sa tunay na asawa, si Allan, dalawampu’t limang taong gulang.  Dalawang beses sa isang lingo. Umuuwi doon si Allan.  Madalas magtalo ang mag-ama at sinisisi niya si Elvira at si Agnes sa pagkasira ng pamilya nila.  Hindi madalas mag-usap sina Allan, Elvira at Agnes.  Si Allan ay miyembro ng isang kilalang banda.  Minsan, narinig ni Auring na nangako si Mister Rivera sa anak na gagawa siya ng paraan upang mabuo muli ang kanilang pamilya.

Nang dumating ang pang-umagang security guard ng subdibisyon  na si Frisco Garcia ay alas-kuwatro y medya na ng umaga. Nag-iimbestiga na ang mga SOCO (Scene of the Crime Operatives) sa abandonadong bahay sa subdibisyon.  Ang duty niya ay alas-kuwatro. Hindi na niya inabutan ang hinalinhan niyang guwardiyang si Rolando Esguerra na dapat naghintay sa kanya ayon sa patakaran ng ahensiya. Dinahilan niya ang malakas na ulan at masikip na traffic. Hindi matagpuan si Rolando Esguerra.  Hindi pa ito umuuwi sa inuupahang bahay.

May lalaking natutulog sa abandonadong bahay, Si Edong Sira kung tawagin siya ng mga katulong sa kapitbahayan.  Sinto-sinto si Edong. Pinahihintulutan ng mga security guards ng subdibisyon na tumigil siya sa abandonadong bahay. Nauutus-utusan si Edong ng mga guwardiya na bumili ng sigarilyo, magpakulo ng kape at maglinis sa munti nilang quarters.  Mabait si Edong, dangan nga lamang at may dipirensiya. Dinadalahan siyang madalas ng mga katulong at driver ng kapitbahayan ng pagkain sa abandonadong bahay. Si Edong ang unang nakakita ng bangkay. Isinuplong niya ito sa sa mga barangay tanod na siyang tumawag ng mga pulis. Nagpunta siya sa barangay hall nang makita niyang walang tao sa quarters ng mga security guards.

Buhat naman sa kuwentuhan ng mga drivers sa subdibisyon, napag-alaman na matagal nang may kursunada si Mang Monching kay Agnes.  Si Mang Monching ay singwenta anyos na matandang binata.  Nag-iisa siyang nakatira sa bahay ng kapatid na naninirahan na sa Amerika.  Minsan na ngang naingusan at inirapan ni Agnes si Mang Monching nang makita niyang tinititigan siya nito habang siya’s naglalakad sa harap ng bahay ni Mang Monching.  “Kung sabagay,” sabi ng isang driver, “Lahat naman ng katulong dito sa subdibisyon ay kursunada’t  niligawan na niyang si Mang Monching.  Wala ‘lang talaga makagusto. Kasi daw, may bad breathe.”

May kasabihan na ang salarin ay bumabalik sa lugar na pinangyarihan ng krimen.  Isang madilim at maulang gabi, may kumukutikutitap na liwanag na nagbubuhat sa bintana ng abandonadong bahay.  Isa itong malaking kandila na nakatirik sa lugar na pinangyarihan ng krimen.  Sa harap nito ay nakaluhod ang humahagulhol na si Richard Fischer.  Nagulat si Allan nang makita niya ang tagpong iyon.  May dala siyang isang bulaklak na rosas para ialay sa kaluluwa ni Agnes.  Nandoon din si Edong na natutulog sa nakalatag na diyaryo.  Para itong isang sanggol sa sinapupunang nakapamaluktot at sinususo ang hinlalaki.  Sa may pinto, ay nakatayo si Mang Monching na tila nananalangin, at nakasilip sa pinto si Rolando Esguerra, ang security guard na hindi nakapaghintay sa hahalili sa kanya nang maganap ang krimen. Nakakapote siyang nagpapatrol sa subdibisyon. Sa may gibang gate ng bahay nakatayo si Mister Rivera na may hawak na malaking payong.

Saglit nating i-zoom out ang ating imahinasyon sa tagpong ito hanggang lumaganap ang kadilimang binasag lamang ng kutitap ng kandila.  Suriin natin, sino kaya ang salarin?  Ang security guard kaya na nawala sa duty nang maganap ang krimen?  Si Richard Fisher na nobyo ni Agnes na madalas niyang katagpo sa abandonadong bahay o’ si Edong Sira na sinumpong ng pagkasira ng ulo?  Hindi kaya si Mang Monching na may lihim na pagnanasa kay Agnes, o’ si Mister Rivera na may planong mabuo muli ang kanyang nasirang pamilya?  Si Allan kaya na may matinding pagseselos sa pagkakaagaw ni Elvira’t Agnes sa kanyang amang si Mister Rivera?

. . . . . . . . . .

Huwag ako ang tanungin ninyo.  Kung alam ko ang kasagutan, hindi matatapos dito ang kuwentong ito.  Manunulat ako ‘no?   Hindi ako detektib.  ^___^

Author: Gilbert Miranda