Munyi, Munyi, Namo, namo  (Photo Credit:  Kotofot.ru)

Munyi, Munyi, Namo, namo (Photo Credit: Kotofot.ru)

Hindi uso ang kanin dito kaya siguro karamihan ay mga payat, bihira o halos wala kang makikitang bochog, lahat payatot. Ikaw ba naman ang kumain ng noodles mula umaga hanggang gabi.

Walang Jollibee, pero merong McDonalds at KFC pero kahit dito ay wala kang mabibiling rice! Puro manok at fries lang.

Naku, pano na ’ko nito? Ang lakas ko pa naman sa extra rice.

Meron ka pa namang mabibiling ulam with rice, kailangan nga lang tanggapin ng tiyan mo ang kakaibang pagluto ng kanin dito.

Kulay brown na hiwa-hiwalay na masabaw-sabaw na parang nilubog sa mantika bago ihain sa’yo. Sabagay, puwede na rin kesa wala.

Madaling araw na nang dumating ako dito kaya tinanghali ako ng gising. Di ko pa kabisado ang lugar, pero naglakas-loob akong maglakad-lakad at maghanap ng makakainan. Sa Pinas, lalabas ka lang ng bahay ay marami ng samut-saring paninda.

May lugaw na apaw sa sabaw, mga luto at di-gaanong lutong ulam, mga inihaw tulad ng tenga ng baboy at betlog ng kabayo.

May maririnig ka pang taho at puto sa umaga. Isama mo na ang pandesal ni Manong Johnny na may palamang ewan.

Dito kakaiba, kailangan mong maglakad ng pagkalayo-layo, makakita lang ng kakainan. Makalipas ang tatlong oras… nakakita na rin ako ng puwede kong kainan. Dito ko unang naranasan ang pagiging foreigner, para akong tanga na patingin-tingin at nag-oobserba kung paano umorder at ano ang kakainin. Palakad-lakad, paikot-ikot sa mga pagkaing ngayon ko pa lamang nakita.

Madami nang nakakahalata sa ginagawa ko kaya nagdesisyon akong lumapit sa isa sa mga may tindang kanin. Ito lang ang choice ko dahil yung iba ay puro noodles.

Wuhchingwalakodalkowataya…

Ay ewan, hindi ko maintindihan ang bungad sa akin ng tindera.

Kung oorder ka dapat sabihin mo raw sa pinakamabilis na paraan at direkta na. ‘Di ka nila maiintindihan kapag masyadong mahaba ang English mo.

One chicken rice. Tapos!!! Yun na ‘yun! Ganun lang kadali!

Kapag may tinanong ulit at hindi mo maintindihan. Umoo ka na lang para matapos na.

Mahal ang pagkain dito. Nagkakahalaga ng 100-300 pesos kada order at lahat ito ay walang kasamang drinks. Kahit service water wala.

Hindi uso ang drinking water station dito, puwera na lang kung pagtitiyagaan mong saluhin ang tubig galing sa fountain o sa running water sa tabi ng leon.

Ang ending ay natapos ako sa pagkain nang wala man lang iniinom, laway lang ang puhunan ko. Puwede ka naman umorder ng drinks sa ibang tindahan pero kailangan mo na namang magbayad ng mga halagang 80 to 120 pesos.

Kung tatlong beses ka kakain sa isang araw ay malaking halaga na rin ang magagastos mo. Sa atin kasi, pancit canton lang ay solved ka na.

Kinabukasan…

Kung kahapon ay sa pakaliwang banda ako naglakad, ngayon naman ay sinubukan kong maglakad pakanan. Deretso pa rin ang lakad ko siyempre, hindi naman ako talangka para maglakad nang patagilid.

Matapos ang dalawang araw ay nakakita na rin ako sa wakas ng puwede kong kainan. Mukhang mas maganda rito dahil mas maraming choices.

Sabi nila, mas kauri daw natin ang mga Malaysian kaya dun ako pumunta sa nabasa kong “Malay Corner” na ano nga rin bang malay ko sa paninda nila. Baka dito ay makain ko nang maayos kung ano man ang bibilhin ko.

Nakakita ulit ako ng chicken. Ito lang naman ang puwede kong pagkatiwalaan na hindi sasama ang tiyan ko.

Huli na nang mapansin ko na “duck rice” pala ang naorder kong pagkain. Ibig sabihin hindi manok kundi pato ang kakainin ko kasama ang kulay brown na hiwa-hiwalay na kanin na binudburan ng nagmamantikang sarsa ng ewan. May libre pang kulay brown na mainit na sabaw.

Tiwala ako na masarap ang kakainin ko. Okay lang naman ang pato, puwede na ring kainin habang nakapikit.

Tinikman ko ang sabaw, wow! pare heavy! Ang lupit, di ko ma-take. Lasang ihi o pinagpigaan ng pawis na paa ng pato.

Sabi nila sa umpisa lang daw yun. Masasanay din raw ako sa mga pagkain dito na kahit itlog na kulay brown ay masarap na rin kahit ‘di ko alam kung kaninong itlog yun.

Wulayasaching wokanayacha…

Ay ewan ito na naman… ang alam ko, hindi Intsik na salita ito. Ang alam ko lang ay bumibili ako kaharap ang isang Indiano.

Kaya pala! Napagkamalan akong bumbay! Walawe.

Sabi nila ‘pag di mo naintindihan ang kanilang salita, sabihin mo lang English only!

Ewan ko ba kung bakit iba ang lumabas sa bibig ko.

Munyi, munyi… namo, namo…

Nag-imbento na lang ako ng salita basta may masabi lang.

Wyokshing hilasukoyutawshun…

Aba. Sumagot. Nagkaintindihan kami. Ang galing ko pala.

Sumagot ulit ako.

Munyi, munyi… namo, namo…

Aba! Sumagot pa ulit! Pero teka, mukhang nanlalaki ang mga mata at pinandidilatan ako, hindi na yata maganda ‘to.

Lumabas na lang ako para matapos na.

Namura ko yata! Munyi, munyi… namo, namo…

Mahirap makipag-usap sa ibang mga lahi. Hindi kayo magkaintindihan pero talo ka kapag ikaw ang dayuhan dahil ikaw dapat ang mag-adjust. Naranasan kong pagtawanan dahil hindi nila ako maintindihan.

Naaalala ko tuloy nung nasa kolehiyo pa lang ako ay lagi naming pinagtatawanan ang mga Koreano at Intsik na dayo sa ating bansa.

Andiyang nakakatikim sila ng panlalait, pinaglalaruan at ginagaya ang kanilang mga salita.

2 months, 6 months, 1 year, 5 years…

Pagbalik ko ay ‘di ko na tatawanan ang mga banyagang namumuhay sa ating bansa bagkus ay tutulungan ko pa sila dahil tulad ko ay naranasan ko kung gaano kahirap mamuhay sa lupa ng iba.

Sana lahat tayo ay matutong rumespeto sa lahat ng mga dayuhang nakikipamuhay sa atin tulad ng kanilang pagrespeto at paggalang sa ating mga kalahing pinoy na nakikipamuhay rin sa ibang bansa.

Munyi, munyi… namo, namo…