Passports  (Photo Credit:  Yourtravelclub.org)

Passports (Photo Credit: Yourtravelclub.org)

Can it fly?

Yes! Way up in the sky!

Ito ang sabi ni Barney, kung di mo siya kilala, siguro dapat ka nang mag-asawa!

Nakaupo, nakanganga, nakatulala, nakangisi, nakadilat, nakabuka. Mga samut-saring itsura habang naghihintay sa lumilipad na bakal.

Sa wakas, dumating na din! Kunwari ay hindi excited kaya nagpahuli sa pila. Iba pala ang pakiramdam ng sumasakay mag-isa dahil pilit mong nakikisakay sa ngiti ng iba.

Malakas ang hangin at ulan dala ng bagyong walang magawa sa buhay.

Ganunpaman lumipad pa rin ang bakal. Dahan-dahan, unti-unting bumibilis hanggang sa tuluyang umangat. Tone-tonelada man ang bigat ay nagawa pa rin nitong umangat.

Ang ganda ng tanawin mula sa itaas, kitang-kita ang dumi at linis ng paligid. Palibhasa gabi ang alis kaya magandang tignan ang mga kumikislap at patay-sinding mga ilaw galing sa bahay aliwan.

Unti-unti ay lumiit ang aking mga nakikita, dumilim at tuluyang nawala. Maalog ang biyahe dahil sa makakapal na mga ulap. Para akong nasa karnabal dahil sa takot sa lakas ng mga kulog at kidlat. Tipong halos tamaan na ang pakpak ng higanteng bakal.

Patuloy ang lakas ng pag-uga, mapapakapit ka sa katabi mo kahit wala naman dahil sa pag-aalalang babagsak ang bakal. Maraming bakanteng upuan dahil sa mga taong di nakalusot sa mga itim na kalabaw.

Pinatay na ang lahat ng ilaw. Nagdilim na rin ang lahat. Wala ka nang makikita sa labas at wala rin akong katabi. Nangyari ang lahat ng ito sa panahong kalakasan ng pag-uga, kidlat, kulog, at kalog ng kung anu-anung bagay. Makakarating kaya kami kung ganito na minsan ay napipilitang bumaba ng kaunti ang bakal dahil hindi nakakayanan ang bigat ni hanging habagat?

Minsan parang iisipin mo na hindi na kaya pero patuloy pa rin si bakal sa paglipad. Matagal-tagal rin ang pag-iintay. Ayan binuksan na ang ilaw. Tapos na rin ang unos. Lumiwanag na rin sa wakas.

Biglang nagsalita ang stewardess na walang ginawa kundi bentahan kami ng pagkaing presyong ginto. 50 pesos ang tubig at 100 pesos naman ang isang pirasong pansesal. “In a few minutes, we will be arriving at the airport” ito ang gustong marinig ng lahat, hindi ang mga nilalako na kahit tulog ka ay kakalabitin ka at tatanungin kung gusto mo ng tubig na hindi malamig.

Dito walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang paligid. Ibang-iba sa aking pinanggalingan.

Nakaupo. Nakanganga, Nakatulala. Nakangisi. Nakadilat. Nakabuka. Mga samut-saring itsura habang nag-iintay sa lumilipad na bakal. Samut-saring itsura ng mga taong naghihintay sa kapalaran.

Sa wakas, dumating na din! Kunwari ay hindi excited kaya nagpahuli sa pila. Iba pala ang pakiramdam nang sumasakay mag-isa dahil pilit mong nakikisakay sa ngiti ng iba. Gaano man katagal, asahan mo na darating din ang pagkakataon sa bawat isa sa atin.

Malakas ang hangin at ulan dala ng bagyong walang magawa sa buhay. Lahat tayo ay nakaranas ng iba-ibat klaseng hirap, mga bagyong tunay na sumubok sa ating kakayahan at katatagan.

Ganunpaman lumipad pa rin ang bakal. Dahan-dahan, unti-unting bumibilis hanggang sa tuluyang umangat. Tone-tonelada man ang bigat ay nagawa pa rin nitong umangat. Gaano man kahirap at kabigat ang ating mga pinagdaanan ay nagawa pa rin nating lumaban at magpatuloy, hindi tayo tumigil. Mahirap sa umpisa pero dahil sa ating tiyaga ay nagawa pa rin nating iangat ang ating mga sarili laban sa mga pagsubok na dumating.

Ang ganda ng tanawin mula sa itaas, kitang-kita ang dumi at linis ng paligid. Palibhasa gabi ang alis kaya magandang tignan ang mga kumikislap at patay-sinding mga ilaw galing sa bahay aliwan. Sabi nila kapag nasa itaas ka ay kita mo ang lahat ng bagay. Lahat ng pagkakamali ng bawat tao, minsan lang ay hindi mo na nakikita ang iyong sarili na ikaw rin ay may sariling mga pagkukulang. Kadalasan nangyayari ito sa mga taong nakatingin lamang sa mga madilim na bahagi na siyang pinagmumulan ng ating mga pagsubok.

Unti-unti ay lumiit ang aking mga nakikita, dumilim at tuluyang nawala. Maalog ang byahe dahil sa makakapal na mga ulap. Para akong nasa karnabal dahil sa takot sa lakas ng mga kulog at kidlat. Tipong halos tamaan na ang pakpak ng higanteng bakal. Minsan sa sobrang bigat ng mga pagsubok, nararamdaman natin na lumiliit ang ating lugar. Lumiliit rin ang ating tiyansa na malagpasan ang mga bagay na ito hanggang sa dumating ang punto na halos wala ka nang makitang paraan at tuluyan nang mawalan ng pag-asa. Puro takot at pangamba dahil sa bigat ng iyong mga pagsubok sa buhay.

Patuloy ang lakas ng pag-uga, mapapakapit ka sa katabi mo kahit wala naman dahil sa pag-aalalang babagsak ang bakal. Maraming bakanteng upuan dahil sa mga taong di nakalusot sa mga itim na kalabaw. Kung medyo mahina ang iyong loob mo ay patuloy ka lamang gagambalain ng matinding mga pagsubok na pinagdadaanan mo. Maghahanap ka ng masasandalan sa problemang ikaw rin lamang ang makakapagbigay ng solusyon. Huwag mong iasa sa iba kung gusto mong makawala.

Pinatay na ang lahat ng ilaw. Nagdilim na rin ang lahat. Wala ka nang makikita sa labas at wala rin akong katabi. Nangyari ang lahat ng ito sa panahong kalakasan ng pag-uga, kidlat, kulog, at kalog ng kung anu-anung bagay. Makakarating kaya kami kung ganito na minsan ay napipilitang bumaba ng kaunti ang bakal dahil hindi nakakayanan ang bigat ni hanging habagat? Naranasan mo na rin bang mawalan ng pag-asa sa iyong hinahangad? Yung halos mag-isa ka na lang na tipong wala nang masandalan sa bigat ng iyong dinadala? Nangyari ang lahat ng ito sa pinakamabigat na bahagi ng iyong buhay. May solusyon pa ba ang bawat pinagdadaanan mo?

Minsan parang iisipin mo na hindi na kaya pero patuloy pa rin si bakal sa paglipad. Matagal-tagal rin ang pag-iintay. Ayan binuksan na ang ilaw. Tapos na rin ang unos. Lumiwanag na rin sa wakas. Minsan iisipin mo na parang wala na talaga ang lahat. Pero ikaw ay naging sing-tigas ng bakal. Naging matibay ka para sa iyong sarili at para sa lahat ng mga taong importante sa buhay mo. Gaano man katagal, may hangganan rin ang lahat. Bubukas din ang pinto ng iyong pag-asa. Matatapos rin ang unos at dito sigurado ako na liliwanag na ang iyong bukas.

Biglang nagsalita ang stewardess na walang ginawa kundi bentahan kami ng pagkaing presyong ginto. 50 pesos ang tubig at 100 pesos naman ang isang pirasong pandesal. “In a few minutes, we will be arriving at the airport” ito ang gustong marinig ng lahat, hindi ang mga nilalako na kahit tulog ka ay kakalabitin ka at tatanungin kung gusto mo ng tubig na hindi malamig. Mag mga bagay na akala natin ay walang halaga sa atin. Ngunit ang mga bagay na ito gaano man kamahal, lahat naman ay may kabuluhan sa ating paglalakbay. May mga pagkaing sadyang mahal ang presyo. Itinuturo lamang nito na dapat nating pahalagahan ang bawat butil ng ating pagkain tulad ng pagpapahalaga natin sa lahat ng taong nagmamahal sa atin.

Dito walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang paligid. Ibang-iba sa aking pinanggalingan. Natapos na ang lahat ng pagsubok. Walang ulan, walang bagyo at maaliwalas ang lahat kung gagamitin mo sa wastong paraan ang lahat ng bagay na dumarating sa iyo. Kung ang mabigat na bakal nga ay nagawang lumipad, makalusot sa lahat ng pinagdaanan at makarating sa kanyang destinasyon, ikaw pa kaya?

“Lahat tayo ay may kanya-kanyang destinasyon sa buhay, nasa sa atin na lamang kung hanggang saan tayo magtitiyaga at gagamitin ang lahat ng ating kakayahan para patuloy na iangat ang sing-bigat ng bakal na ating mga pangarap” -ompong dilat-

Can you fly?

Ang Alamat ng Passport: Chapter 3 of 20 Alamat ng Lumilipad na Bakal, mula sa panulat ni Ompong Dilat, ang tagamulat ng mga alamat