Passport     (Photo Credit:    Daddyandthecity)

Passport (Photo Credit: Daddyandthecity)

Sabi nila mahigpit daw sa immigration sa Pinas. Para kang preso na hindi basta-basta makakalusot. Kapag medyo kabado ang mukha at ngipin mo, tiyak na hindi ka palulusutin at dadalhin ka sa immigration officer sa loob ng opisina para tanungin, takutin at ipamukha sa ‘yo na wala kang karapatang umalis ng bansa.

Ito ang tunay na box office, mahaba ang pila dito kaya marami ang naiiwan sa biyaheng langit. ‘Yung iba naman ay tuluyan nang hindi pinapaaalis kapag hindi ka pumasa sa series of investigation na para kang kriminal kung tratuhin.

Pagkainis ang natural na reaksyon mo, dahil kung tutuusin ay para naman silang hindi mga kapwa pinoy na pinahihirapan ang mga gusto lamang gumanda ang buhay sa ibang bansa.

Asan ticket mo? Isa ako sa mga dumaan sa butas ng itim na kalabaw. Naibaba na ang hatol. Hindi ako pinapaalis. Kapag mahina ang loob mo ay tatanggapin mo na agad ang hatol, sayang ang bayad sa ticket na papel.

Sayang ang gastos lalo na kapag bagong gupit ka kina Mang Temi, sayang ang baong pancit canton, sardinas, hotdog, longganisa at ang sangkatutak na resume.

Salamat at adik ako sa research at nakakuha ako ng makabagong teknik. Konti na lang ang powers ko at mana-knockout na ako sa round one pa lang.

Nag-galit-galitan ako, para akong si Incredible Hulk o si Captain Barbel. Gusto ko na ring maging si Shaider sa mga oras na ito para tawagin ang aking blue hawk na motor.

Pinaliwanagan ko ang itim na kalabaw na may kasamang panlalaki ng mata. Binola ko nang husto na para lamang akong nasa classroom. Effective nga! Gumana ang pagiging best actor ko. Feeling ko, bakla ito!

Nakuha ko na rin ang inaasam na isang pirasong tatak na naghihiwalay sa mga taong mahina ang loob na agad bumigay sa desisyon ng ibang tao at sa mga taong tunay na ipinaglaban ang kanilang karapatan.

Mahirap ang buhay sa ibang bansa. Saan ka pupulutin kung dito pa lamang sa atin ay wala ka nang lakas ng loob, diskarte at tapang na harapin ang mga pagsubok na darating sa ’yo.

Lahat ng ito ang iyong magiging plane ticket sa tagumpay na iyong pangunahing peksman sa buhay.

Ipinapakita rito na dapat mong lakasan ang loob mo at huwag pangungunahan ng takot at kaba sa lahat ng mga tanong. Tayo ay inihahanda lamang sa mas mahigpit pang mga katanungan na ating haharapin pag-alis ng bansa. Kung dito pa lamang ay nagpatalo ka na ay malamang wala ka ‘ring mapapala sa paglabas.

Kaya ba nating maging matatag?

Dito lamang magpapaikot-ikot ang buhay ng isang OFW.

Ito ang alamat ng plane ticket.

Handa ka na ba?

“How can you win if you accept defeat even before the game has started?” -ompong dilat-

*******

Ang Alamat ng Passport: Chapter 2 of 20 Alamat ng Plane Ticket, mula sa panulat ni Ompong Dilat, ang tagamulat ng mga alamat