Torpe    (Photo Credit:    Torpeblues.blogspot)

Torpe (Photo Credit: Torpeblues.blogspot)

Isang napakahalagang aspeto ng pagkatao ang kakayahang ipahayag ang sarili niya.

Ang totoo, isa nga ito sa ilang bagay na maaaring magdikta sa magiging buhay mo sa hinaharap.

Ayaw na namang maniwala?

Isipin mo, bago ka pa isinilang sa mundo, bago pa ikinasal ang magulang mo, bago pa sinagot ni ermats mo si erpats, bago pa nagkaligawan, siyempre, dumaan muna sila sa isang matinding pagtatapat. At aminin man natin o hindi, marami sa atin ang hindi gaanong nakasalo ng pagiging swabe pagdating sa pagtatapat sa babaeng ating iniirog. Tipong, nang araw na magsabog ng biyaya ang “Panginoon ng Pagiging Swabe”, nagkataong isang lumang plastic na inaabot ng tindera sa palengke ang nabitbit mo (at may bonus pang limang naghuhumiyaw na butas) habang ang iba ay drum at banyera ang dala. Nagkataong isa ka sa natatakan ng maging “torpe-do”.

Torpe. Isang salita na aminin man natin o hindi eh may medyo hindi magandang konotasyon para sa mga kalalakihan. Alam mo yung pakiramdam na lahat ng tao sa buong barangay n’yo eh alam na gusto din siya ng babae, pero sa ngalan ng kasagraduhan ng pagiging torpe, hindi pa din makagawa ng “damubs” (the moves) para magkaroon sila ng “understanding” ng babaeng gabi-gabi na niyang panaginip (na nagmistulang franchise na ng Dragon Ball Z ang istorya sa sobrang haba).  Ano nga ba ang mga katotohanang nakapalibot sa pagiging torpe?

Sabi ng isang online dictionary, ang torpe daw is a term related to courtship meaning “the inability to express feelings due to extreme shyness”. Spanish word daw ang pinagmulan ng “torpe” which directly translated sa English vocabulary as “stupid.” Ang salitang torpe ay isa sa mga pang-uri na may kasarian, madalas kung ‘di man sila lang, lalaki ang pinapatamaan ng salitang ito. So paano mga female readers, kami-kami muna to? (Biro lang, ^_^…).

Ang pagiging torpe ay may pangkalahatang epekto, para sa lalaking namimilipit na sa pagtatago ng nararamdaman niya at sa babaeng gusto nang kagatin lahat ng unan niya dahil sa kabagalan ng lalaking gusto din n’ya pala. Sa dami ng narinig nating kuwento tungkol sa pagiging torpe, ano nga ba ang dahilan kung bakit nagiging ganito ang isang tao?

  • Takot – isa sa pinakamatinding dahilan ay takot, lalo na sa mga taong unang nakaramdam ng love. Dahil bago sa kanila ang pakiramdam, may mga pagkakataon na hindi nila malaman kung paano hahawakan at imamaniobra ng maayos ang napakalakas na emosyon na mayroon sila. Sa gitna ng pagtatanong, doon nila mabubuksan ang mga bagong pakiramdam tulad ng selos, inggit at tampo. Mga maliliit na emosyon na may kakaibang di kaaya-ayang pakiramdam. Kaya habang mas lumalalim ang tinatago nila para sa iyo, mas tumitindi ang takot nila na sa kabila ng kasing dami ng butil ng 1 cup rice na kinain nila sa tanghalian ang naramdamang selos, inggit at tampo, may mas masakit pa silang maaring harapin kapag nagtapat na sila sa iyo. Ano yun? Rejection, ang walang kasing pait na kabaligtaran ng matamis mong “oo”.
  • Kulang sa kumpiyansa – may mga tao kasing ipinanganak na talagang kinulang ng Vitamin S (Self-confidence) at mula simula ay laging “less-than-perfect” ang tingin sa sarili o minsan kahit “less-than-ideal” hindi pa maipasa ang sarili. Aminin man kasi natin o hindi, mapanghusga ang lipunang ginagalawan natin, at sa kabila ng bawat paalala na wag titingin sa pisikal, nanatili pa din ang katotohanan sa likod ng bawat utak natin na hindi ako ang itsurang tinatanggap ng iba. Ano-ano nga ba ang dahilan para mawalan ka ng kumpiyansa:
  1. Kulang sa height – tipikal na maliit ang pinoy, pero mas malaki kasi ang epekto ng kakulangan nito kung sa lalaki ito mangyayari. Parang batas na kasi ng lipunan na dapat mas malaki ng kaunti ang lalaki sa babae, kaya sa oras na tumuntong ng 4 feet 9 inches lang ang height mo, asahan mo na ang babaeng magiging komportable kang ligawan ay babaeng 4 feet 8 inches pababa. Mahirap naman kasi kung ganun ang height mo tapos mangliligaw ka ng mga 5 feet 5 inches pataas, para kayong aattend ng PTA meeting nun kapag naglilibot kayo sa mall.
  2. Sobra sa weight. Mukhang mahirap talaga sa babae ang makipagdate sa sobrang taba, ayaw kong magfeeling na alam ko ang nasa isip nila, pero base sa naobserbahan ko, kung papipiliin ka ng date sa dalawang lalaki na tumitimbang ng 70 kilos at 120 kilos na lalaki, malamang sa una kong sinabi ka sasama. Isipin mo nga kung magkasama kayo, tiyak na pagtitinginan kayo ng mga tao, dahil parang kasama mo si Snorlax habang nakasakay kayo sa escalator.
  3. Hindi pang-artista ang itsura. Kahit na sabihin pa natin sa sarili natin na gwapo tayo, o araw-araw tayong palakihin ng nanay natin sa paniniwalang gwapo talaga tayo, asahan nating may mga taong hindi kagaya ng “nanay natin”. Minsan, nagiging dahilan talaga ito ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili, lalo na kapag makakarinig ka ng mga pang-aasara tulad ng, “bagay kayo, mukha siyang anghel, ikaw mukhang gwardya”.
  4. Mayaman siya. Kung di-kotse siya samantalang ikaw ay sa-jeep, tricycle at bus ang regular service (minsan sabit pa), talagang medyo mahirap dumiskarte sa kanya. Hindi ko sinasabing walang pag-asa, pero sa getting to know stage pa lang kasi, madaming adjustment na ang kailangang ibigay ng isa’t isa.
  5. Career Choice. Madalas, nakakaapekto din estado ng trabaho na mayroon ang isang tao kung paano siya makakapagtapat sa taong mahal niya. Isipin mo na lang isang abogado ang nagustuhan mo habang ikaw ay tindero ng pirated DVD, o kaya ay isang high school student ang nagustuhan mo habang ikaw ay teacher?
  • Anghel ang nagustuhan – kung na-inlove ka nga naman sa anghel yata na nagkatawang lupa, tipong crowned binibining  ___ (fill in the blank) o title-holder ng Ms.   ____ (fill in the blanks again), ‘tol, di kita masisisi, mas dumadami ang sash at trophies niya, mas dagdag insecurities yan. Mas nakikilala at lumalaki kasi ang mundo ng babaeng mahal mo, mas dumadami ang humahanga at sabihin na nating nagkakagusto sa kanila. At habang dumadami ang nagkakagusto sa kanila, alam ko, tol, iniisip mo, mas lumiliit ang iyong tsansa.
  • May relasyong iniingatan – lalo na sa pagiging magkabigan. Kung sa iisang barkada kayo kabilang, o matagal na kayong nagtatawagang “best friend”, isa yata sa pinakamahirap basagin ay ang emotional attachment na ipinalibot niya sa iyo bilang best friend. Hindi sa dahil matigas ito kaya mahirap itong basagin, kundi dahil sa katotohanang, sa oras na gumalaw ka at nagsimula itong pukpukin, maaring di na ito bumalik sa dati at muling mabuo, kahit pa pinagsamang powers ng super glue, glue stick, paste at tirang lamig na kanin ang gamitin mo.
  • Totoo ang nadarama – napipi at nabubulol ka sa harap niya dahil makita mo pa lang ang mukha niya, ibang kabog ng dibdib na ang nadadarama, maamoy mo lang siya, parang lumulukot na yung sikmura mo, pano pa kaya kung ngingiti siya? Patay na, wasak na ang katinuan mo at saglit na lumisan ang kaluluwa sa mundo ng reyalidad. Madalas, ang isang lalaki ay natotorpe sa dahilang totoo at wagas (hayik… maka-describe naman?) ang kanilang nadarama. Sa sobrang totoo nito, lahat tuloy ng reaksyon sa katawan niya, nakakaamag na ng katinuan.

Sa kabila ng bawat dahilan na pinanghahawakan bakit ba mahirap magtagumpay ang isang torpe sa pangliligaw? Ito kasi yun:

  • May mga babaeng ayaw ng mahiyain (hindi ko naman nilalahat), gusto nila magilas, yun tipong alam nila kung saan lulugar pag kasama sila, yung tipo ng lalaki na may direksyon at plano kapag kasama nila.
  • Ayaw ng babae sa masyadong magulo, gusto ba o hindi, ayaw ba o ibig. Mahirap manghula, kaya kung puro palipad-hangin at walang kamatayang patama sa pamamagitan ng pick-up lines ang bibitawan mo, baka naman sa dulo puro “hangin” lang ang “tamaan” mo.
  • Kahit pa sabihin mong binigyan mo siya ng coffee mug na may nakasulat na “umulan, bumagyo… gumuho man ang mundo… ikaw at ako pa rin…” o nagbigay ka na ng teddy bear na may nakalagay na “hugg me” (wrong spelling pa, baka smuggled lang?), hindi pa din malalaman eksakto ng babae ang laman ng utak mo.
  • Tol, tanggapin natin ang katotohanan na hindi uso sa Pinas na babae ang unang gagawa ng first move. Maaaring magbigay sila ng mga senyales na gusto ka din nila, matuto kang makiramdam, ginagawa na nila lahat ng makakaya nila. Ikaw na lang ang iniintay, isang hakbang na lang palapit sa kanya, at makakapagtapat ka na.

Siyempre, hindi naman puwedeng matatapos ang post na ito na walang Torpe tips na ibabahagi sa inyo. May magagawa pa din naman tayo sa pagiging torpe, at ito ay:

  • Kailangan mo ng kaibigan, o kahit na isang taong may tiwala ka, matapat sa iyo at hindi ka dadalhin sa masama. Mga taong patuloy na magbibigay sa iyo ng payo tungkol sa dapat o hindi mo dapat gawin. Nakababaliw kasi ang katorpehan, minsan gusto mo nang magwala at agawin yung kinakaing BBQ ng lalaking kasama ng iniirog mo at ibaon ito diretso sa sinus ng lalaki. Sa ganitong pagkakataon, isang mabuting kaibigan ang mas kailangan mo kaysa sa maboteng usapan.
  • One step at a time. Wag kang aligaga. Oo, alam ko, na nung nakita mo siya, eh naghuhumiyaw ang kaluluwa mo at sinasabing siya na nga ang babaeng nakatakda para sa’yo. Kaso tol, kaluluwa mo pa lang ang humihiyaw, hindi pa yung sa kanya. Hindi naman kailangan na sa bawat pagkakataon na magkakausap kayo, eh kailangan mo ng magtapat sa kanya. One step at a time, step 1 muna, kuhanin mo yung trust, ipakita mo na may maganda kang intensyon sa kanya. Makuntento ka muna na pagiging magkaibigan ang makuha mo sa kanya, habang binubuo mo pa yung loob mo na magtapat sa kanya, patatagin mo ang pundasyon ninyo bilang mabuting magkaibigan.
  • Get to know her. Literal ito, tingnan mo muna kung higit ba sa pisikal attraction eh mayroon kayong commonality. Utang na loob, wag kang magpanggap na alam ang alam niya o gusto ang bagay na gusto niya para lang maimpress siya. Huwag kang magpanggap sa mga bagay na hindi ikaw, at wag kang mahiya sa mga bagay na ikaw talaga. Torpe ka na nga, mapagpanggap ka pa? Ano na lang mangyayari sa ’yo? Isipin mo, kung suwertehin man na magkatuluyan kayo, pano yun? Habang buhay mo paninindigan ang pagpapanggap mo? Getting to know her will also let you get to know yourself more.
  • Do it your way. Kung hindi mo kaya ang swabeng “the moves” ng iba tulad ng pagbibigay ng bulaklak, chocolates, panunuod ng sine o panghaharana, magtapat at manuyo ka sa kanya sa paraang alam mo. Kung sa pagsulat ng tula ka komportable, sige, gawin mo. Kung sa text at FB ka comfortable na kausap siya, sige dun mo siya kausapin, ang pinakamahalaga, kausapin mo siya sa mga bagay na may katuturan. Wala naman yan sa kung ano ang dala, yan ay nasa pagdadala. Kung gusto ka ng tao, kahit pa paa ng manok ang kinakain n’yo kapag magkasama kayo, ok sa kanya. Ipapakita mo sa kanya kung sino ka, at hindi kung ano ang gusto niyang makita. Kung aayawan ka niya dahil sa totoong ikaw, at least siya lang ang nawala sa ’yo, hindi yung totoong sarili mo.
  • Sense of humor at communication. Hindi ko sinasabing gayahin mo si Vice Ganda (baka lalo kang mabutata at di na makapagtapat sa kanya kahit sa life after death nyo pa) o kaya ay bumato ng mga pick-up lines, ang ibig kong sabihin, gawin mong light ang topic nyo, huwag laging para kang magpapatiwakal nang magpapatiwakal kapag di mo naisingit ang nararamdaman mo. Nasusuya din ang babae, huwag puro pag-aalala sa kanya kung kumain na ba siya, kung nakauwi na ba siya, o kung anong ginagawa niya. Huwag puro lambing, minsan gusto lang nila ng masasabihan ng takot nila, ng sama ng loob, ng pinagdadaanan, ng pangarap. Minsan, gusto lang nila ng kausap o ng makikinig. Sa mga ganung pagkakataon, pilitin mong maging naroon para sa kanya.
  • Pero ang pinakamaiportante sa lahat, magtapat ka, sa harap niya. Kapag nagawa mo na lahat, nakaipon ka na ng leche flan na lakas ng loob na yan na kahirap bang punuin, siguraduhin mong magtatapat ka sa kanya nang harapan. Walang ibang makagagamot sa katorpehan kundi ang desisyong bitawan ang matagal mo nang katanungang hinahawakan. Hanggang hindi mo ito binibitawan ang tanong sa nag-iisang taong makakasagot nun, lagi ka lang mag-aalinlangan.

 Hindi ko sinasabing eksperto ako sa panliligaw, tol, kung alam mo lang ang masalimuot na love life ko, madami dun ang amag at walang bilang. Pero kung tatanungin mo ako kung naiintindihan ko kung paano maging torpe? Sasagutin kita nang malutong na, “oo naman!”. Maaaring torpe man sa tingin ng karamihan, baguhan at walang tapang sa salita ng ibang lalaking magilas ang tingin sa sarili nilang pagkakakilanlan, hindi maikakaila na sila ang mga lalaking nagmamahal nang totoo at walang alinlangan. Mga torpe ang taong hindi agad-agad kumikilos nang biglaan dahil pinapahalagahan nila nang husto ang kanilang minamahal. Torpe ang mga taong nakahandang magmahal at magpahalaga nang patago, kahit puro pagtanaw lang sa minamahal ang kapalit ng ginagawa nilang kabutihan. Torpe man sa paningin, nasasaktan din sila nang lubusan, at kayang maging matapang sa oras na kailangan.

******

author:  mga-sulat-kamay